Kasamang Ermin “Ka Romano” Bellen at 2 pang kasamang pinaslang sa Antipolo Masaker, Martir ng Sambayanang Pilipino!
Rebolusyonaryong Hustisya ang sigaw ng bayan para sa Antipolo 3!
Ipinaabot ng NDFP- Isla ng Palawan ang kanyang pinakamataas na pagkilala kay Kasamang Ermin “Ka Romano“Bellen, Ka Jose Villahermosa at Ka Lucio Simburoto sa kanilang taos-pusong paglilingkod sa masang inaapi at pinagsasamantalahan. Inspirasyon ng lahat ng nakikibakang mamamayang Palaweño lalo ng SUPOK o Rebolusyonaryong Organisasyon ng mga Katutubong Palaw’an ang mga pakikibakang pinangunahan ng mga kasamang martir lalo na ni Ka Romano. Punong puno ng talino, tapang at determinasyon lalo na ang pagsusulong ng laban ng mga katutubong Dumagat at Remontado at ng mga magsasaka’t maralita. Naipamalas niya ito sa pangunguna sa pagtutol sa mapaminsalang New Centennial Water Source—Kaliwa Dam Project at mga proyektong nakakasira ng kalikasan tulad ng quarry sa Montalban.
Tampok ang kanyang pamumuno at pagiging kadre upang mahusay niyang ikonsolida ang gawain, pagkaisahin ang kaisipan ng base at Bagong Hukbong bayan na ugitin ang landas ng pagsulong sa armadong paglaban na di–kailanman umatras o sumuko sa pasistang pananalakay ng militaristang rehimen ni Duterte. Ang pagdadalamhating ating nararamdaman ay bunga ng pagkawala ng isang tunay na may malasakit sa bayan at masang anakpawis.
Ang mga patak ng kanilang dugo ay ang tinta na panulat sa kasaysayan ng kabayanihan na siyang kanilang tunay na tatak ng pagiging rebolusyonaryo. Sadyang umaalimpuyo ang galit ng mamamayan sa isinagawang pag masaker kina Ka Romano at sa 2 pa nuong Disyembre 5 , ala una ng madaling araw sa Sierra Vista Subdivision, Brgy. Cupang, Antipolo City. Napakaduwag ng mga operatiba ng magkasanib na elemento ng 80th IBPA at PNP CALABARZON upang hindi man lamang bigyan ng pagkakataon sina ka Romano na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Walang pakundangan pang naghabi ng mga kasinungalingan na umano’y lehitimong engkwentro ang naganap at nagtanim pa ng ebidensya tulad ng m16 at granada.
Istilong ala “tokhang” ang nasabing operasyon. Ang lagim ng pasismo ng AFP/PNP ay laging nasasalamin sa malubhang paglabag sa karapatang pantao, wala sa tamang pag-iral ang proseso ng batas at sa kultura ng pagpatay. Ito ang paraan kung paano nila nilapastanganan ang kahalagahan ng buhay ni Ka Romano at ng 2 pa niyang kasama.
Mariin naming kinukondena ang karahasang ito at ang tahasang pagtalikod, paglabag ng 2ndIDPA at PNP CALABARZON sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL na nilagdaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Sa tiyak tulad ng iba pang may mga utang na dugo sa mamamayan, kakalingain at ipagtatanggol ang mga berdugo ng punong pasista—ang rehimeng Duterte.
Rebolusyonaryong hustisya ang isinisigaw ng taong bayan! Singilin at panagutin ang mga berdugo at mersenaryong 2nd IDPA at PNP CALABARZON na may malaking pananagutan sa masaker na ito! Muli, para kay Ka Romano, Ka Lucio at Ka Jose , rebolusyonaryong pagpupugay sa inyong kabayanihan! Hindi man namin kayo muling makakapiling, subalit hindi namin kayo malilimutan!
Mabuhay si Ka Romano at ang lahat ng martir ng sambayanan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!