Kasinungalingan ang ulat ng PNP ukol sa engkwentro sa Juban
Walang katotohanan ang ipinamamalita ng 31st IBPA at ng Sorsogon Police Provincial Office hinggil sa umanoý engkwentrong naganap sa Brgy. Lajong, Juban, Sorsogon noong Abril 1, 2019 upang pagtakpan ang ginawa nilang pagsalbeyds kay Michael Ismer, isang sibilyan na inakusahan nilang myembro ng NPA.
Nauna nang inilabas ng CMC BHB-Sorsogon ang pahayag ng pagkundena sa pagsalbeyds kay Ismer nitong Abril 3 kung kaya’t nagkukumahog na maghugas kamay ang PNP na inilabas din nila noong araw na iyon. Walang katotohanan na may mga myembro ng BHB sa lugar sa nabanggit na petsa. Katawa-tawa pang pinalobo nila ang bilang ng mga operatibang kalahok sa diumano’y engkwentro.
May malilinaw na palatandaan na ang pagpatay kay Michael Ismer ay kagagawan ng mga ahente ng estado.
Si Ismer, sibilyang taga-Caditaan, Magallanes, Sorsogon ay nagpaalam sa mga magulang nitong Marso 29 na may lalakarin siya. Umalis siya sa kanilang tirahan sakay ng motorsiklo.
Huli siyang nakitang bumababa mula sa isang puting SUV na may kasunod na police mobile noong Abril 1, bandang alas 8:00 ng gabi, sa Sityo Sigad, Brgy. Lajong, Juban. Ayon sa mga nakasaksi, pagkababa ni Ismer ay walang awa itong pinagbabaril hanggang mapatay ng mga sakay ng SUV. Agad namang kinuha ng mga pulis na lulan ng mobile ang bangkay at iniulat nilang si Ismer ay mandirigma ng BHB na napatay sa isang engkwentro.
Mariin naming kinukundena ang pinakabagong insidenteng ito ng ekstrahudisyal na pagpatay sa mga pinagbibintangang myembro ng mga rebolusyonaryong organisasyon. Sunud-sunod ang ganitong mga pangyayari sa Sorsogon laluna mula nang ilabas ng rehimeng Duterte ang Memorandum Order 32 (MO32) at ideklarang election hotspot ang probinsya.
Nananawagan kami sa lahat ng may malasakit sa karapatang pantao na makiisa sa pagkundena sa kalakarang ito. Hinahamon naman namin ang mga upisyal ng lokal na reaksyunaryong gobyerno at lahat ng mga pulitikong kumakandidato ngayon na magpakita ng suporta sa pamilya ng mga biktima sa paghingi ng hustisya.