Kasinungalingan ng AFP, inilantad ng mapagmatyag at mapanuring mga Bikolano
Raymundo Buenfuerza | Spokesperson | Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command) | New People's Army
December 30, 2019
Nagkakamot sa ulo ngayon ang pambansang kumand ng AFP para isalba ang kanilang imahe matapos kahiya-hiyang malantad sa social media ang kapalpakan ng 2nd IB ng Masbate sa pagpaparada ng niretokeng larawan ng mga pekeng surrenderee. Binaha ito ng pagbatikos ng sa iba’t ibang daluyan.
Nakabatay sa kasinungalingan ang naratibong nais ipinta ng buong sibilyang junta. Nauutal ngayon ang mga tagapasalita’t upisyal sa iba’t ibang antas ng kumand ng AFP sa paglalabas ng iba’t ibang dahilan para iligtas ang kanilang imahe. Sa huli, ibinagsak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang sisi sa kainutilan ng kumand ng 2nd IB.
Desperado ang mga batalyon na kamtin ang kota na itinakda ng pambansang kumand ng AFP sa mga pekeng surrenderee bago magtapos ang taon. Hindi lang sa Masbate at sa buong rehiyon ng Bikol laganap ang pagmamanupaktura ng mga estadistikang nagpapalobo sa pagpapatupad ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP). Isa itong pambansang kampanya sa ilalim ng National Peace Framework ng EO 70. Isang pambansang kahihiyan!
Isinuko na ni Duterte ang manibela sa pamumuno ng bansa sa mga lasing sa kapangyarihan na paksyong militar. Walang kapasidad ang pangkating militar na pagkunutan ng noo ang pagsasalba ng sambayanang Pilipino mula sa krisis sa pulitika at ekonomya. Sinabaw na ng dekadang pasismo at terorismo ng estado, paninibasib para sa sariling interes at pangangayupapa sa dayuhan ang kanilang lohika.
Pinupuri ng RJC-BHB-Bikol ang kapasyahan ng mamamayang Bikolano at buong sambayanang Pilipino sa kanilang mapanuring tindig sa mga pekeng balita. Ang kanilang karanasan ang mismong patunay ng tunay na naratibo ng bayang pinapasakitan ng pangingibabaw ng estratehiyang militar sa pamamahala ng isang gubyerno.
Talingkas sa pagkaoripon!
Lumaban at lumaya!
Kasinungalingan ng AFP, inilantad ng mapagmatyag at mapanuring mga Bikolano