Kasinungalingan ng PNP, AFP sa Masbate
Naglulubid sa buhangin ng kasinungalingan ang pamunuan ng PNP at AFP na mga aktibong kasapi ng JRC- NPA Masbate ang sumuko kahapon (Sept.30, 2018), na sina Robert Alvarado Blanca, aka Jayson ng Brgy. Balete, Aroroy at Jeson Valencia Mondela, aka Arnold ng Quinyangan Diotay, Balud.
Mariing pinabubulaanan ng Jose Rapsing Command – NPA Masbate ang napabalitang pagsuko kahapon ng umano’y dalawang (2) aktibong kasapi ng JRC-NPA Masbate sa mga elemento ng Milagros PNP, PNP PIB, 2nd IBPA at 22nd IBPA.
Sadyang bihasa na sa paglulubid ng kasinungalingan ang mga opisyal ng AFP at PNP sa probinsya ng Masbate sa pag-aakala nilang magagapi ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng maramihang pagsuko ng mga pulang kumander at mandirigma. Hindi nakapagtataka kung nagkukumahog ang 2nd IBPA, 22nd IBPA, 9th IDPA at PNP Masbate sa pagdedeklara ng mga sumusuko dahil sa ilang buwan na lang ang nalalabi matapos ideklara ng kanilang pambansang pamunuan na malapit nang maubos ang bilang ng NPA sa bunong bansa ngayong taong 2018. Kung kaya naman ay ginagawa nila ang lahat pati na ang pagsisinungaling sa taong bayan upang pagtakpan ang kabiguan na mapadapa ang pwersa ng rebolusyonaryong kilusan sa probinsya. Sa katunayan wala ni anumang yunit ng JRC-NPA Masbate ang nabawas o nabura, bagkus mas lalo pang lumakas ang pwersa nito at nakapagpasulpot ng maraming gamit pandigma upang ipagtanggol ang libu-lubong Masbatenyo na pinagsasamantalahan at inaapi.
Totong may mga nagsisuko na dating NPA ngunit ito ay mangilan-ngilan lamang dahil sa di nila kayang sundin ang mga patakaran at disiplina ng hukbo at pagiging mabubuting pulang mandirigma at kumander. Para palabasing marami ang mga sumusuko ay gumagawa sila ng mga impostor na NPA sa pamamagitan ng pagsasama sa mga pamilya, kamag-anak at kabarkada para palabasing maraming NPA ang sumusuko para pagkaperahan ang pasista, diktadura at tiraniyang rehimeng US-Duterte. Ang iba naman ay mga asset o impormer ng mga sundalo at pulis na pinapag panggap na mga NPA o dating NPA na pinapasuko upang pagkaperahan ang mga baril isinusuko. Ang ilan ay baril ng kilusan na ninakaw ng mga ex-Npa na katulad ng magkapatid na Banggalisan, Orlando B. Epil, Jr., at iba pa. Ngunit kalakhan sa mga baril na isinusuko ay mga resiklong baril na nasa kamay ng mga sundalo at pulis para papaniwalain ang adminitrasyong Duterte na totoong NPA ang mga sumusuko. Kaya sa esensya ay isang malaking balon ng korapsyon sa mga opisyal ng AFP at PNP ang programang pagpapasuko.
Para sa kaalaman ng publiko hindi kailan man susuko ang mga tapat na nakikipaglaban para sa tunay na interes ng sambayanan. Hindi ito interes ng indibidwal kundi para sa nakararami kaya huwag kayong maniwala sa mga ipinakakalat ng mga kasundaluhan at kapulisan na may magandang bukas na nag-aantay sa mga sumusuko. Hanggang walang tunay na demokrasya at kalayaan na umiiral sa lipunang Pilipino ay magpapatuloy ang digmang bayan para sa pagpapabagsak ng Imperyalismong US, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo na pangunahing ugat ng kahirapan at pagkabangkarote ng ekonimiya ng bansa.
Ang programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ay isang mapanlinlang na programa ng kasalukuyang rehimen at isang palagatasang pondo ng mga korap na opisyal ng militar, pulis at burukrasyang sibil. Wala itong pinagkaiba sa mga naunang programa na naghihikayat sa mga rebolusyonarong pwersa na talikuran ang landas ng pagrerebolusyon at pumaloob sa mapanlinlang na programa. Hindi solusyon ang E-CLIP sa tumitinding krisis na kinakaharap ng taong bayan o magpapawakas sa digmang bayan na umiigting sa buong bayan.
Katunayan, niloloko lang ng reaksyonaryong gobyerno ang taong bayan na bibigyan ng trabaho ang mga kasamang magbabalik-loob sa pamahalaan, samantalang milyon-milyong mga Pilipino ang kasalukuyang walang trabaho na di kayang tugunan ng gobyernong Duterte. Ang iba pa ngang kababayan natin ay nangangalakal pa ng basura para lang may maipambili ng bigas at kakarampot na ulam. Tapos ngayon ay aalukin ng trabaho ang mga kasamang magbabalik loob.
Ang dapat gawin ng Rehimeng US-Duterte ay muling bumalik sa lamesa ng pag-uusap nang sa ganun ay matugunan at maresolba ang mga pangunahing ugat na siyang nagtutulak sa mamamayan na maglunsad ng digmang bayan. Ang panglawang substantibong nilalaman ng usapang pangkapayapaan na Comprehensive Agreement on Socio Economic Reform o CASER ang siyang solusyon sa malaganap na krisis panglipunan.
Ngunit taliwas ang ginagawa ng rehimeng ito na sa pag-aakala niyang mapatahimik ang sa akala niyang kumakalaban sa kanyang administrasyon ay ginagamit ang lahat ng makinarya ng reaksyunaryong pamahalaan upang sampahan ng mga gawa-gawang kaso o kundi man ay nagigigng biktima ng pampulitikang pamamaslang. Hindi seryoso ang rehimeng Duterte na tugunan ang mga kagyat na suliranin ng bansa kahalintulad na walang tigil na pagsirit ng mga pangunahing bilihin dala ng Train Law at ang kasunod nitong bersyon na minamadaling maisabatas bago magtapos ang taong ito. Kaya nananawagan ang Jose Rapsing Command-NPA Masbate sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan na lumahok sa digmang bayan na inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan sa buong kapuluan na siyang papawi at magpapabagsak sa tiwaling sistemang panglipunan. Digmang bayan ang magwawakas sa pasista, diktadura at teraniyang rehimeng US – Duterte! Ibagsak ang Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo! Makipagkaisa at sumuporta sa malawak na demokratikong kilusang magbabagsak sa rehimeng US-Duterte!