Katahimikang hatid ng pambubusal at paninindak ang sukatan ng tagumpay ng RTF-ELCAC sa Bikol
Kinukundena ng NDF-Bikol ang malawakan at sistematikong pandarahas at panunupil ng RTF-ELCAC sa mga isla ng Masbate. Hungkag na tropeyo laban sa rebolusyonaryong kilusan ang pagbabandera ni Capt. John Paul Belleza ng panibagong pinalobong listahan ng mga pekeng sumerender at nahuhuling kasapi ng Jose Rapsing Command. Bahagi ito ng pinasinsin at pinatinding kampanyang saywar ng RTF-ELCAC. Nakabatay sa kasinungalingan ang mga ito at katumbas din masahol na paglabag sa karapatang tao ng sibilyang populasyon ng Masbate. Kapansin-pansing ang ipinangangalandakan nilang 505 na sapilitang pinapirma sa ECLIP at panibagong 21 ihinabol ay pawang mga sibilyang tinatakan lamang nila ng mga titulong mag-uugnay sa mga ito sa rebolusyonaryong kilusan. Hilong talilong sa sarili nilang kasinungalingan, hindi maipaliwanag ni Belleza bakit matapos ideklara at isapublikong sumuko sa ilalim ng ECLIP, saka pa lamang gugulong ang pagbeberipika para maipamahagi ang pangakong pondong pangkabuhayan para sa kanila. Ikinukubli rin ng talaang kanyang ipinangangalandakan ang kaakibat na pinasidhing paninibasib ng militarisasyon sa iba’t ibang bayan ng isla-prubinsya upang pigilan ang malakas na paglaban ng mamamayang Masbatenyo sa mga dambuhalang proyektong ekoturismo, huwad na pamamahagi ng lupa at mapangwasak na dayuhang pagmimina.
Tunay at makabuluhang kapayapaan ang mithiing makamit ng rebolusyonaryong kilusan para sa mamamayang Pilipino. Napakalaki ng pagkakaiba nito sa katahimikang idinudulot ng pangangastigo ng sanlibo’t sanlaksang latigo ng pasismong terorismo ng rehimeng Duterte. Hindi mapapadapa sa loob ng kaniyang termino o ng kahit anumang pasistang rehimen ang rebolusyonaryong diwa ng henerasyon ng Masbatenyong paalun-along sumusulong para ipagtanggol ang mga tagumpay ng kanilang sama-samang pagbabalikwas. Higit lamang na ginagatungan ng pinasidhi at pinatinding paninibasib ng RTF-ELCAC sa nasabing prubinsya nitong mga nagdaang buwan ang pangangalit ng mamamayan at kapasyahang suungin ang landas ng pakikidigmang gerilya para makatarungang ipagtanggol ang kanilang mga sarili.
Sa loob at labas ng bansa, ilinalalantad ng mamamayang hindi kailanman pumapanig sa panunupil at pandarahas ang teroristang kampanya ng rehimeng US-Duterte. Kailanman, kaisa ng mamamayang Masbatenyo at Bikolano ang rebolusyonaryong kilusan sa pagsusulong ng kanilang demokratikong karapatan. Pinipili at muli’t muling tatanganan ng nagbabalikwas na mamamayan ang landas ng paglaban hangga’t hindi tuluyang napapawi ang ugat ng paghihirap at pasakit sa lipunang Pilipino. Kasabay ng pagtatagumpay ng makatarungang digma ng mamamayan ang pagkakamit ng kapayapaang malaya sa ligalig ng pang-ekonomiya at panlipunang krisis. Mananatiling matatag ang pundasyon ng nagpapatuloy ng digma ng pagpapalaya.
Dae matatanyog ang pagkakasararo kang namamanwaang Masbatenyo at Bikolano!
Kita ang paglaom kan satong banwaan para sa katalingkasan!