Katarungan para kay Kagawad Arthur Dawis!
Mariing pinabubulaanan ng CMC – BHB Sorsogon ang kasinungalingan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang may kagagawan ng pagpaslang kay Kagawad Arthur Dawis ng Barangay Central, Magallanes, Sorsogon noong Disyembre 21, 2018.
Malisyoso ang pahayag ng AFP na si Kagawad Dawis ay nagbibigay ng impormasyon sa mga militar at pulis kaya binaril ng BHB. Ibinibintang ng AFP at PNP sa BHB ang krimen na sila ang may kagagawan.
Si Dawis ang pinakabagong biktima ng ekstra – hudisyal na pamamaslang sa probinsya simula nang maupo si Duterte at ang unang biktima matapos ipahayag ni Duterte ang pagbubuo ng death squad sa hanay ng pulisya at militar. Ibinigay ni Duterte sa mga militar at pulis ang kalayaan sa arbitraryong pagpatay sa mga pinaghihinalaang kasapi ng BHB at mga simpatisador nito, na walang magiging pananagutan sa batas. Tahasan nitong nilalabag ang sariling konstitusyon at mga internasyunal na makataong batas.
Ang lawless violence na sinangkalan ni Duterte sa pagpapatupad ng MO32 (martial law sa mga rehiyon ng Bicol, Samar at Negros) ay sariling kagagawan ng AFP at PNP.
Nakikiisa ang CMC – BHB Sorsogon sa pagdadalamhati ng pamilya ni Kagawad Arthur Dawis. Ipagpapatuloy ng BHB ang tungkulin nito sa pagsusulong ng makatarungan digma upang biguin ang pasismo at pagbayarin ang reaksyonaryong estado sa walang pakundangang pagyurak sa karapatang-tao at pamamaslang.
Biguin ang Martial Law ng rehimeng US – Duterte!
Hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao!