Katarungan para sa lahat ng mga biktima ng impyunidad ng karahasan at mga pagpaslang ng pasistang rehimeng US-Duterte!
Kabilang ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino sa mga nagagalak at nagpapasalamat sa Pre-Trial Chamber I (PTC-I) ng International Criminal Court (ICC) sa naging desisyon nitong ipailalim sa komprehensibong imbestigasyon si Presidente Rodrigo Roa Duterte ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at iba pa kaugnay sa kanilang mga nagawang krimen laban sa sangkatauhan tulad ng mga pagpatay, tangkang pagpatay, pagpapahirap, panggagahasa, pagpapakulong at sapilitang pagkawala (involuntary disappearance) sa ilalim ng gera kontra-droga ng rehimen. Ang desisyon ng PTC ay positibong tugon sa hiniling na otorisasyon ng dating Prosecutor na si Fatou Bensouda na magsagawa ng full investigation sa gubyernong Duterte matapos ang kanilang ginawang preliminary examination kung saan narating nila ang kongklusyon na may “rasonableng batayan para paniwalaan na nakagawa ng mga krimen laban sa sangkatauhan na maramihang pagpatay” si Duterte at iba pang matataas na opisyal ng kanyang gubyerno sa kurso ng ipinatutupad nitong kampanya kontra-droga. Napatunayan ng opisina ni Prosecutor Fatou Bensouda, batay sa kanilang isinumiteng mga materyal at dokumento sa PTC, na ang tinaguriang war on drugs ni Duterte ay hindi masasabing mga “lehitimong pagpapatupad ng batas bagkus ay isang sistematikong pag-atake sa mga inosenteng sibilyan”.
Sa opisyal na ulat ng pulisya nasa mahigit sa 7,000 ang napaslang sa kanilang diumanong “lehitimong operasyon”. Sa kabilang banda, nasa pagitan naman ng 27,000 hanggang 30,000 ang pagtaya ng mga grupo sa karapatang pantao na mga biktima ng extra judicial killings ng mga pulis at sundalo kabilang ang isinagawa ng mga grupong vigilante na ang mga pulis at militar din ang pinaniniwalaang nagbuo at kabilang sa mga pumamatay ng mga suspek na adik at tulak ng iligal na droga.
Batay sa desisyon ng PTC, may “rasonableng batayan para tumungo sa imbestigasyon” dahil nakamit at nasunod ang mga partikular na ligal na elemento sa ilalim ng Article 7(1)(a) ng Statute of Rome na nagpapatunay na nakagawa ng krimen laban sa sangkatauhan na maramihang pagpatay si Duterte sa pagitan ng Hulyo 1, 2016 at Marso 16, 2019 sa konteksto ng kanyang kampanya kontra droga bilang pangulo ng bansa at ganundin ang mga pagpatay sa erya ng Davao sa pagitan ng November 1, 2011 at June 30, 2016 noong siya pa ay Alkalde at Bise-Alkalde ng Davao City. Naniniwala ang PTC na si Duterte ang nasa likod din ng mga patayan sa erya ng Davao sa pamamagitan ng kanyang binuong Davao Death Squad (DDS).
Nagagalak at nagpapasalamat ang sambayanang Pilipino na binigyang bigat din ng PTC, sa kanilang desisyong isailalim sa full investigation si Duterte, ang ginawang representasyon ng 204 na mga indibidwal na biktima. Siyamnapu’t apat na porsyento (94%) ng 204 na kumatawan sa 1,050 na pamilya at 1,530 war drug victims ang nagsumite sa PTC ng kanilang pagnanais na paimbestigahan si Duterte. Ipinahayag nila sa PTC na naghahangad sila ng katarungan sa pamamagitan ng pag-uusig at pagpapanagot kay Duterte.
Labas kay Duterte, ipaiilalim din sa imbestigasyon ng PTC si dating Secretary Vitaliano Aguirre ng Department of Justice (DOJ) at ang mga dating Hepe ng Philippine National Police (PNP) na sina dating General at ngayon ay Senador na Ronaldo “Bato” de la Rosa at General Oscar Albayalde. Ang desisyon ay pinirmahan ni Presiding Judge ng PTC-1 na si Judge Peter Kovacs, mga kagawad na sina Judge Reine Adelaide Sophie Alapini-Gansou at Judge Maria del Socorro Flores Liera.
Sa panahon ng imbestigasyon magaganap ang pagpapatawag sa mga sangkot sa kaso tungong paglalabas ng PTC ng warrant of arrest hanggang sa pagsasagawa ng paglilitis.
Kinikilala at sinusuportahan ng NDFP-ST ang naging desisyon ng ICC. Nagbibigay ito ng malaking pag-asa at paunang tagumpay para sa mga pamilya at biktima ng huwad na gera ni Duterte laban sa iligal na droga. Para sa kanila, simula na ito ng proseso sa pagkakamit ng hustisya, paniningil at pagpapanagot kay Duterte at iba pang opisyal ng kanyang gubyerno na sangkot sa paggawa ng mga krimen laban sa sangkatauhan. Maituturing na tagumpay ng sambayanang Pilipino, sa pakikibaka nito laban sa pasistang rehimeng US-Duterte, ang naging desisyon ng ICC. Lalong nalantad at naihiwalay si Duterte sa malawak na masa ng sambayanan bilang isang kriminal at mamamatay tao. Lalong nalagay din sa kasuklam-suklam at kahihiyang sitwasyon ang gubyernong Duterte sa mata ng internasyunal na komunidad. Dahil sa naging desisyon ng ICC tiyak na maapektuhan ang relasyong panlabas at gawaing diplomatiko ng gubyernong Duterte.
Kabilang ang NDFP-ST sa maraming mga kababayan natin na naghahangad na mapanagot si Duterte, hindi lang sa kanyang mga nagawang krimen kaugnay sa kampanya kontra-droga kundi higit sa lahat sa iba pa niyang mga krimen sa bayan tulad ng mga extra judicial killings (ejk’s) sa mga aktibista, unyonista, sa mga lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon, mga abugado, taong-simbahan, mamamahayag at iba pang kritiko ng gubyerno. Malaki ang pananagutan ni Duterte sa rebolusyonaryong kilusan. Tigmak ng dugo ang kanyang mga kamay dahil sa kanyang mga karumal-dumal na pagpaslang sa mga NDFP Consultants tulad nina Randy Malayao, Randall Echanis, Julius Giron, Eugenia Magpantay Topacio, Agaton Topacio, Antonio Cabanatan, Reynaldo Bocala at Rustico Tan. Marami ding nagawang war crimes at paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) si Duterte sa kanyang anti-mamamayang kampanyang “kontra-insurhensya” tulad ng pagpatay sa mga hors de combat, pambababoy sa mga bangkay ng mga napaslang na kasapi ng NPA, pagpapahirap, pambabastos at panggahasa sa kanilang mga nahuhuling kababaihang NPA, walang habas na panganganyon, pambobomba at aerial straffing sa mga baryo at komunidad ng mga magsasaka at pambansang minorya na nagdulot ng malaking pinsala sa buhay, mga ari-arian at kabuhayan ng masang magsasaka at katutubo. Wala nang pagsisidlan ang galit ng rebolusyonaryong kilusan at sambayanang Pilipino sa kriminal, tiraniko at teroristang si Duterte.
Ang mga kasong krimen laban sa sangkatauhan ni Duterte na ipaiilalim sa masusing imbestigasyon ng ICC ay isa lamang bahagi ng arena ng labanan para sa pagpapanagot kay Duterte. Mahaba pa ang dadaanang proseso ng imbestigasyon at maraming taon ang gugugulin. Gumagawa pa ng maniobra si Duterte para maikutan ang batas at makapanatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtakbo bilang Bise Presidente sa pag-aakalang malulusutan niya ang isasagawang imbestigasyon ng ICC at mga kasong sasalubong sa kanya mula sa taumbayan matapos ang kanyang termino bilang Presidente ng GRP sa Hunyo 30, 2022. Dapat labanan at biguin natin ang imbing pakana ni Duterte na makapanatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagtakbo bilang Bise Presidente sa darating na halalan at pagluklok sa mamanukin niyang Pangulo. Ngayon pa lang ay gumagawa na ng mga maniobra si Duterte para makapandaya sa eleksyon sa Mayo 2022 upang manatili sa kapangyarihan at mailuklok ang kanyang mamanukin sa pagkapangulo na magbibigay sa kanya ng proteksyon laban sa pag-uusig ng ICC at sambayanang Pilipino. Dapat nang wakasan ang kanyang katiwalian at pasistang paghahari. Dapat wala ng Duterte o mga kapanalig ni Duterte na makapaghahari sa bayan.
Malusutan man niya ang pag-uusig ng ICC, siguradong hindi niya matatakasan ang pag-uusig ng sambayanang Pilipino at ng rebolusyonaryong kilusan. Sa tamang panahon, sisingilin at pagbabayarin ng rebolusyonaryong kilusan si Duterte at ng kanyang mga kasapakat sa maraming utang na dugo nila sa bayan at rebolusyonaryong kilusan.###