Kilalanin at igalang ang mga karapatan ng bihag ng digma
Kailangang tigilan na ng Armed Forces of the Philippines ang paghahambog na nirescue nila ang sugatang NPA na si Ka Marco matapos ang labanan noong madaling araw ng Pebrero 5, 2021 sa bayan ng Buenavista.
Ang pagtrato ng maayos sa mga sugatan, armado man o sibilyan, ay karaninwang tungkulin ng anumang armadong grupo sa panahon ng digmaan.
Pero para gamitin sa isang publicity stunt at black propaganda ang diumano’y pagliligtas kay Ka Marco ay hindi katanggap-tanggap sa gitna ng matinding paglabag sa karapatang tao ng Southern Luzon Command ng AFP dulot ng kanilang tuluy-tuloy na pambobomba at strafing sa 22 baryo ng 4 na bayan sa South Quezon-Bondoc Peninsula pagkatapos ng labanan.
Karaniwang modus operandi ng AFP, at ngayon ay ng NTF-ELCAC, sa pamamagitan ni Heneral Antonio Parlade ang pagpili, pagretoke at pagbaluktot ng mga inilalabas na pahayag, bidyo at litrato para magmukang nananalo ang kanilang gera kontra-CPP-NPA.
Katunayan, ipinahiya na ng kung ilang beses ang mga heneral ng AFP dahil sa inilalabas na produkto ng kanilang pabrika ng pagbubulaan.
Ang ibinigay na pahayag ni Ka Marco na walang gabay ng isang abugado ay hindi maaring tumindig sa anumang korte dahil hindi pinapahintulutan ang pag-amin ng kasalanan sa pamamagitan ng pamimilit.
Itong marahas at madugong focused military operations ang tunay na mukha ng pasistang sundalo ni Duterte.
Nananawagan kami sa mga samahan at mamamayang nagtataguyod ng karapatang tao na bigyan ng karampatang tulong si Ka Marco nang sa gayon ay mahinto na ang paggamit sa kanya ng AFP. Kasabay nito ay dapat na patuloy na obligahin ang AFP na igalang nila ang mga karapatan ni Ka Marco bilang bihag ng digma.#