Komunista, Rebolusyonaryong Hukbo, Hindi Terorista! Makatarungan ang digmang bayan na isinusulong ng NPA

,

Download here: PDF

Pinatunayan na ng kasaysayan ang kawastuhan at pagiging makatarungan ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB) na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP. Sinusuportahan at itinataguyod ito ng malawak na sambayanan dahil isinusulong nito ang kanilang pambansa at demokratikong adhikain. Ang NPA ang tanging armadong pwersa sa Pilipinas na nakikidigma upang itatag ang bagong lipunang malaya, masagana at makatarungan para sa lahat ng api at pinagsasamantalahan.

Makatarungan ang demokratikong rebolusyong bayan (DRB) at digmang bayan na isinusulong ng NPA sa sumusunod na kadahilanan:

1. Layunin nitong palayain ang malawak na sambayanan mula sa kuko ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ang imperyalismong US at China at mga kasapakat na lokal na naghaharing malalaking kumprador, uring panginoong maylupa at mga burukrata — ang mga pwersang sumasaklot at nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Layon ng DRB na wakasan ang paghahari ng imperyalismo at mga lokal na kasapakat sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayang Pilipino. Ipinagtatanggol nito ang pambansang interes at nilalabanan ang mga dayuhang pwersa na yumuyurak sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.

Ang rehimeng Duterte ngayon ang pinakasagad-saring ahente ng imperyalismong US at China sa Pilipinas — at pinakakonsentradong larawan ng mapang-api at marahas na paghahari ng estado ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at burukrata sa bansa.

Ipinatutupad nito ang maruming gerang kontra-rebolusyonaryo laban sa mamamayang Pilipino sa balangkas ng US Counter-insurgency Guide. Ginagamit nito ang AFP at PNP at iba pang pwersang paramilitar bilang marahas na instrumento para ipagtanggol ang imperyalismo at ang naghaharing sistemang panlipunan sa Pilipinas.

2. Itinataguyod ng DRB ang interes ng mga demokratikong uri at sektor sa bansa. Nasa programa ng DRB ang pagsasakatuparan ng demokratiko at panlipunang kahilingan ng mamamayan — lupa para sa mga magsasaka, trabaho at hanapbuhay, pagkain, pabahay at paninirikan, karapatan at serbisyong panlipunan. Isinusulong ng NPA ang rebolusyong agraryo para pawiin ang pyudalismo na nagpapahirap sa malawak na magsasaka, ang 75% ng mamamayan. Nilalabanan nito ang mga mapanira-sa-kapiligirang dambuhalang pagmimina, pagtotroso, pangingisdang komersyal, plantasyon at kumbersyon ng mga lupaing agrikultural para sa gamit industriyal, komersyal, residensyal, eko-turismo, at iba pa.

Walang kaparis ang taos-pusong paglilingkod ng NPA sa bayan. Ipinagtatanggol nito ang masang magsasaka mula sa malawakang pangangamkam at pagpapalayas sa kanilang lupang sinasaka. Tinutugunan ng NPA ang pagbibigay ng serbisyong panlipunan sa kalusugan, edukasyon at iba pa. Nitong huli, ang NPA ang naging sandigan ng mamamayan sa kanayunan sa paglaban sa pandemyang COVID-19.

Ang NPA ay pangunahin isang hukbong magsasaka na pinamumunuan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Tinatanggap nito ang sinumang buluntaryong sumapi mula sa iba pang uri at sektor sa lipunan na pinagsasamantalahan at inaapi ng reaksyunaryong estado.

Sa pagwawagi ng digmang bayan, itatayo ang demokratikong estadong bayan na pinamumunuan ng uring manggagawa at nilalahukan ng mga magsasaka, petiburgesya, pambansang burgesya at iba pang progresibong pwersa. Kaalinsabay, isinusulong ang karapatan ng mga kabataan, kababaihan, pambansang minorya, Moro at iba pang sektor sa lipunan. Itinatayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan kung saan nagsasanay ang mamamayan sa pamamahala, pagtatanggol at pagsusulong ng kanilang kagalingan.

3. Ipinagtatanggol ng NPA ang mamamayan at pinarurusahan ang kaaway sa mga krimen nito sa bayan. Ang NPA ang sandata ng mamamayan laban sa karumaldumal at brutal na gera ng reaksyunaryong estado. Nakatutok ang mga baril ng NPA sa mga despotikong panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at mersenaryong AFP-PNP. Sila ang mga salarin sa pangangamkam ng mga lupa ng mga magsasaka at lupang ninuno ng mga katutubo at Moro, pangwawasak ng kapaligiran at labis-labis na pahirap sa masa.

Ang mga opensibang inilulunsad ng NPA ay pagtatanggol sa mga komunidad na inaatake ng teroristang AFP-PNP. Ginagawad nila ang rebolusyonaryong hustisya sa mga sagadsarin at berdugong tropa na naghahasik ng karahasan sa walang puknat na focused military operations at retooled community support program operations. Naglulunsad ang NPA ng mga taktikal na opensibang nagpapadugo sa katawan at bumibigwas sa ulo ng teroristang AFP-PNP.

4. Disiplinado ang NPA, mahigpit nitong pinangangalagaan ang kapakanan ng mga sibilyan at mamamayan na di mapinsala sa proseso ng pagsusulong ng digmang bayan. Mahigpit itong tumutupad at tumatalima sa mga panuntunan sa paglulunsad ng makataong digma alinsunod sa internal na disiplina ng NPA at internasyunal na mga pamantayan. Ang NPA ay tapat at mahigpit na tumatalima sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digma na gumagalang sa karapatang tao ng mga sibilyan at nakikidigmang pwersa ng reaksyunaryong gubyerno. Laging isinasaalang-alang ng NPA ang kaligtasan ng mamamayan sa bawat opensibang inilulunsad. Inaalagaan at ginagamot nito ang mga kaaway na sugatan at wala nang kapasidad lumaban.

Determinado ang NPA na ipagwagi ang digmang bayan at kamtin ang tunay na katarungan at kapayapaan para sa bayan. Handang mag-alay ng buhay ang NPA sa pagtupad ng tungkulin nitong durugin ang reaksyunaryong AFP-PNP, ibagsak ang bulok na estado hanggang sa maitayo ang demokratikong gubyernong bayan.

Komunista, Rebolusyonaryong Hukbo, Hindi Terorista! Makatarungan ang digmang bayan na isinusulong ng NPA