Kondenahin ang Berdugong Atake ng AFP/PNP sa Rebolusyonaryong Kilusan sa Tabing ng Deklarasyon ng UCF ng GRP!–NDF-Palawan
Berdugo at umaagos ang dugo sa kamay ng pasistang AFP/PNP sa mga kriminal na pananagutan sa patraydor na pakana at atake sa rebolusyonaryong kilusan lalo na sa mga yunit ng BHB. Pinatunayan ng mga labanang naganap sa probinsya ng Rizal nuong Marso 28 at probinsya ng Quezon nuong Marso 31 at Abril 1 ang walang bisang UCF ni Duterte. Sa pangyayaring ito, buong puso kaming nakikiramay at nagpapaabot ng mataas na pagkilala sa tatlong kasamang nasawi sa labanan. Kahanga-hanga ang walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan ng mga kasamang martir na hindi inalintana ang anumang balakid na matulungan ang mga mamamayan sa pagharap sa pandemyang Covid-19! Sa kanilang huling hininga, hindi lamang ang sakit na Covid-19 ang kanilang hinarap kundi ang pasismong kakabit ng kahirapang dinaranas ng mamamayan na lalo pang lumala sa panahong ng paghahari ng militaristang rehimeng Duterte.
Sa Palawan, hindi nagkaroon ng bisa ang deklarasyon ng UCF ng GRP. Ni isang saglit ay hindi nagkaroon ng Suspension of Military Operation (SOMO) at Suspension of Police Operation (SOPO). Nababalot ng militarisayon ang buong lalawigan. Ang Southern Palawan ay patuloy na nakakaranas ng walang puknat na focused military operation o FMO. Sa ilalim ng PTF-ELCAC at JTF-Peacock ay nananatiling hinahalughog ng 18th SFC at 4th MBLT ang mga pinakaliblib na lugar ng Brgy. Itulos ng bayan ng Rizal gayundin sa Brgy. Ipilan at Brgy. Maasin ng Brookes Point. Naiuulat pa nga ng masa rito na nagpapaputok ang mga mersenaryong AFP sa mga nasabing baryo na lumilikha ng takot at pangamba sa mga residente. Sa Northern Palawan, sa isla naman ng Paly ay patuloy na isinasagawa ang Retooled Community Support Program o RCSP ng mga elemento ng 3rd MBLT. Itinayo rin ang mga dobleng checkpoints ng Philippine Marines at iba pang checkpoints ng mga barangay opisyal sa mga baryong na “red-tag” ng reaksyunaryong gubyerno halimbawa nito ay sa boundary ng Brgy. Magara ng Roxas at sa Brgy. Caruray ng San Vicente.
Sa kabila ng ganitong kalagayan, sinserong ipinatutupad sa hanay ng NPA Palawan sa ilalim ng Bienvenido Vallever Comamand ang UCF mula ng iniatas ito ng Partido Komunista ng Pilipinas nuong Marso 26 batay sa rekomendasyon ng chief political consultant ng NDFP at bilang tugon sa isang “pandaigdigang tigil-putukan” na ipinanawagan ng UN secretary general. Sa abot ng makakaya, nagpapatuloy ang mga medical mission at pagbibigay ng kaalaman at edukasyon hinggil sa Covid-19. Masigla at tuloy-tuloy na itinaguyod ang mga gawaing produksyon sa mga erya na nakatayo na ang rebolusyonaryong organisasyong masa tulad ng SUPOK at PKM. Mas maagang nagawa ito sa ilang bahagi ng Palawan, kung kaya’t natutugunan ang ilang kakapusan sa mga pagkaing dulot ng lockdown at militarisasyon.
Aasahan na mas garapalan ang paglabag sa UCF ng mga AFP/PNP ngayong extended na ang lockdown at enhanced community quaratines (ECQ) hanggang Abril 30. Inasahan na ang extension sapagkat wala namang tunay na solusyong medikal si Duterte sa Covid-19! Ang lockdown at militaristang pamamaraan na lamang ang pinaghahawakan ni Duterte upang pagtakpan ang kanyang karuwagan sa nangangalit na mamamayan at lumalakas na suporta sa panawagang patalsikin na sa pwesto si Duterte!
Ang NDFP-Palawan ay nananawagang tuloy-tuloy na ilantad at labanan ang mga berdugong atake ng AFP/PNP sa buong rebolusyonaryong kilusan, may UCF man o wala. Nananawagan ito sa lahat ng Palaweño na manindigan at magkaisa upang bakahin ang ihihahasik na terror ni Duterte at mag-aambag ng lakas para sa panawagang patalsikin si Duterte!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!