Kondenahin ang kasuklam-suklam na panghaharang ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisda sa Kalayaan Island sa Palawan!
Malinaw ang pagyurak ng imperyalistang China sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas. Nagpapatuloy ang pandarambong nito sa patrimonial asset ng bansa sa exclusive economic zone sa Recto Bank. Patuloy na pinatatatag ng China ang mga itinayong istrukturang militar sa mga isla at bahura sa Spratly Islands sa ngalan ng inimbentong mapa na 9-dash line. Tunay na kasuklam-suklam ang ginawang pagharang ng Chinese Coast Guard nito lamang lunes sa mga mangingisda ng Palawan sa bahagi ng Kalayaan Island. Ayon sa mangingisdang si Larry Hugo, traumatic ang karanasan at sa takot na nararamdaman ay umuwi na lang sila at hindi na nagawang ituloy ang paghahanapbuhay. Sa karagatan kung saan sila hinarang ay wala silang nakita man lamang na nagpapatrulyang Philippine Coast Guard.
Walang ni anumang istorikal na karapatan ang China sa karagatan at likas na yaman na sakop ng extended continental shelf ng Pilipinas. Nilalapastangan at sinasagasaan ng China ang desisyon ng Arbitral Tribunal na nagsasabing ang Spratly islands, Scarborough Shoals at iba pang bahagi ng West Philippine Sea ay kabilang sa exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas at kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).
Sa kabilang banda, bahag ang buntot ng naghahari-hariang okupante ng Malakanyang at mga panatikong tagasunod ni Duterte sa harap ng paghamon at banta ng China. Kahiya-hiya din ang pagiging lampa at pagbibingi-bingihan ng lokal na pamahalaan ng Palawan sa pangungungana ni Jose Chavez Alvarez at ang 3rd Marine Brigade at ang Wescom na ipagtanggol ang mga mamamalakayang Palaweño sa harap ng agresibong postura ng Chinese Coast Guard.
Ayon kay Mayor Roberto del Mundo ng Kalayaan Island, “matagal na ang presensya dito ng China, subalit malinaw sa pangyayari na walang aksyon ang mga nasa pamahalaan upang palayasin ang barko ng China.” At sa halip, ang pilit na pinaiiwas ay ang mga mangingisda na huwag lumaot sa mismong karagatan na saklaw ng teritoryo ng bansa.
Katawa-tawa rin ang pahayag ni Lt. Stephen Penetrante na aniya, “mag-iimbestiga ang WesCom at magsumbong sa kanila ang mga mangingisda kung sila ay haharasin.“ Halatang nagmamang-maangan ang mga ito na walang kaalam-alam sa presensya ng mga barkong nakaparada sa karagatan ng ating bansa at tulad din ng amo nitong si Duterte ay bahag din ang buntot na ipagtanggol ang karapatan ng sambayanang Pilipino sa mismong teritoryo ng bansa.
Hindi lamang ang imperyalistang China ang dapat na palayasin sa teritoryo ng ating bansa. Nananawagan ang NDFP-Palawan na palayasin na rin sa pwesto ang taksil na rehimeng Duterte dahil sa kataksilan at kriminal na kapabayaan sa pagtupad sa tungkuling pangalagaan at ipauna ang interes ang sambayanang Pilipino. Dahil nakikinabang ang pangkating Duterte at mga burukratang kapitalista tulad ni Alvarez sa burukratikong kurakot mula sa malalaking proyektong pinupunduhan ng China, tikom ang bibig at pikit ang mata nito sa ginagawang pagyurak ng China sa karapatan ng sambayanang Pilipino. Palayasin at panagutin ang mga taksil sa bayan!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!