Kondenahin ang Red Tagging ng pasistang si Sen. Panfilo Lacson — NDF-ST

Huwag tayong matakot. Huwag tayong pasisiil. Paigtingin ang pagtutol at paglaban sa Anti-Terrorism Act of 2020. Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte.

Mahigpit na kaisa ng National Democratic Front of the Philippines-Southen Tagalog (NDFP-ST) ang sambayanang Pilipino sa pagkondena kina Panfilo Lacson at Bato de la Rosa sa kanilang talamak na paggamit ng red scare and red-tagging laban sa lahat ng mga bumabatikos at tumututol sa anti-mamamayan at anti-demokratikong panukalang batas na Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA 2020).

Ang dalawang pasistang Senador naman ngayon ang nag-iingay at nagkukumahog sa pagtatanggol sa anti-mamamayan at anti-demokratikong panukalang batas sa pag-aakalang makukumbinsi at makukuha nila ang simpatiya at suporta dito ng taumbayan. Nagsalita at tumindig na ang sambayanang Pilipino. Tutol at laban sila sa panukalang Anti-Terrorism Act of 2020 na mag-iinstitusyunalisa ng paghahari ng sibilyan-militar na junta sa bansa nang di pormal na nagdideklara ng Martial Law. Sa bibig na mismo ni Senate President Tito Sotto nanggaling na di na kailangan pang magdeklara ng batas militar kapag napagtibay ang ATA 2020.

Matapos salubungin at makatikim ng kaliwa’t kanang pagbatikos mula sa taumbayan at magkabuhol-buhol ang dila ni Senador Lacson sa paghahanap ng sagot para ipagtatanggol ang kanyang pangunahing akdang Anti-Terrorism Act of 2020 sa Senado, bumaling naman ngayon ang pasistang senador sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan, pekeng mga balita at pag-red-tag sa mga kilala at respetadong indibidwal, mga grupo, organisasyon at asosasyong sibiko. Ang mga ito ang hayagang tumututol sa Anti-Terrorism Bill na pirma na lang ni Duterte ang kulang para ganap na itong maging batas. Ginagamit ngayon ng pasistang si Senador Lacson at ng isa pang masugid na anti-komunista sa Senado na si Bato de la Rosa ang red scare and red-tagging para ibintang sa CPP-NPA-NDFP at paratangan itong nasa likod ng malawakang pagtutol ng sambayanang Pilipino sa ATA 2020.

Sa pamamagitan ng paggamit at pagpapakawala ng red scare at red tagging, nililinlang ng dalawang pasistang Senador ang taumbayan, nililihis at pinagtatakpan ang tunay na isyu sa likod ng kinamumuhiang ATA 2020 at isinasantabi ang katumpakan, pagiging lehitimo at makatarungan ng mga nangyayaring malawakang pagtutol at paglaban ng sambayanang Pilipino sa Anti-Terrorism Bill.

Lalo pang dapat paigtingin ng sambayanang Pilipino ang pagtutol at paglaban sa Anti-Terrorism Act of 2020 dahil mismong sa bibig na ni Senador Panfilo Lacson nagmula kung paano gagamitin ang kanyang panukalang batas sa paghahabol, pag-aresto at pagpapakulong sa mga indibidwal, grupo at organisasyon na pumapalag at lumalaban para ipagtatanggol ang kanilang mga pundamental na demokratikong karapatan na tinatadhana mismo ng reaksyunaryong Saligang Batas ng Pilipinas.

Malinaw na inilantad ni Senador Lacson na isang realidad ang pinangangambahang panganib ng taumbayan na maabuso ang anti-terrorism bill, hindi lamang sa paglaban sa terorismo at ekstremismo, kundi pangunahin gamitin ang batas para takutin, patahimikin at mariing supilin ang kalayaan sa pamamahayag at pananalita at kalayaan sa pagtitipon para iparating ng taumbayan ang kanilang mga karaingan at kahilingan sa gubyerno.

Tulad ng amo niyang pasista at mamamatay taong si Rodrigo Roa Duterte, gusto ni Senador Lacson na makapaghari nang may impyunidad at matupad ang kaniyang pagnanais na makapanatili sa puwesto lagpas sa kanyang termino na magtatapos sa Hunyo 30, 2022. Sa pamamagitan din ng Anti-Terrorism Act of 2020, mayroon siyang masasandigan at matutungtungang kontra rebolusyonaryo batas sakaling manalo siya sa pagkapangulo ng bansa na matagal na niyang inaambisyon.

Hindi pa nasapatan sa red scare at red-tagging, bumaling naman si Senador Panfilo Lacson sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan at pekeng mga balita para ilihis ang atensyon ng publiko laban sa kinamumuhiang ATA 2020. Kasama ng mga nasa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), walang kahihiyan at paulit ulit nilang ipinamamalita sa publiko ang mga gawa-gawa at niresiklong di umanong sumukong mga kasapi ng NPA, partikular sa rehiyong Timog Katagalugan, kahit makailang beses na itong napatunayang mga peke at gawa-gawa ng mga tiwaling opisyal ng AFP at PNP para maging gatasan at pagkakitaan ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Tulad ni Duterte at NTF-ELCAC, nag-iilusyon at punong puno ng imahinasyon sina Senador Lacson at Bato de la Rosa sa di umanong “magandang” idudulot ng kanilang pinagmamalaking mapanupil na batas na ATA 2020 sa kampanyang “kontra insurehensya” ng pasistang rehimeng US-Duterte sa ilalim ng EO 70 at Joint Campaign Plan-Kapanatagan (JCP-Kapanatagan). Niloloko lang nila ang kanilang sarili sa pag-uugnay at pagpapalitaw bilang tagumpay ng Anti-Terrorism Bill ang mga hokus pokus at bogus na sumukong mga NPA sa Timog Katagalugan.

Ang paulit ulit nilang pinalilitaw na mga “sumukong NPA” ay mga inosenteng sibilyan na dinahas, tinakot at binantaang kakasuhan at ikukulong kapag hindi umaming mga NPA o mga tagasuporta ng NPA tulad ng ginawa nilang panlilinlang, pananakot at pagpapasuko sa mga unyonista ng Coke Philippines sa Sta. Rosa, Laguna, sa mga katutubong Dumagat ng Quezon at ilang mga inosenteng magsasaka sa Laguna, Rizal, Quezon, isla ng Mindoro at Palawan. Lalo lamang nilapit at itinulak ni Duterte ang mamamayan ng rehiyon na tahakin ang landas ng armadong pakikibaka para ibagsak ang kanyang pasistang paghahari dahil sa kanyang walang kaparis na kalupitan at terorismong inihahasik sa mamamayang Pilipino.

Samantala, dapat higit pang pag-ibayuhin ng mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan ang kanilang pagtutol at paglaban sa anti-terrorism bill at isanib ang kanilang lakas at tinig sa iba pang mamamayan ng bansa na tumututol at lumalaban sa panukalang batas para makalikha ng malakas na presyur na i-veto ito ni Duterte. Lalong kailangan ang mahigpit na pagkakaisa, katatagan, katapangan at kahandaang paigtingin at isustine ng mamamayan ng rehiyon ang paglaban sakaling pirmahan ni Duterte at maging isang ganap nang batas ang Anti-Terrorism Act of 2020.

Gamitin ang iba’t ibang anyo ng paglaban—ligal, iligal, armado at di-armado. Huwag nating hayaang makapagpahinga ang pasistang rehimeng US-Duterte sa kasasalag sa mga pagtutol at paglaban ng taumbayan sa bagong batas. Huwag tayong palilimita sa pinaiiral nilang lockdown at pananakot na huhulihin at ikukulong ang sinumang magtatangkang kumilos para magpahayag ng kanilang pagtutol sa pasistang gubyernong ito. Kapangyarihan ng sambayanang Pilipino ang dapat manaig at hindi ang kapangyarihan ng isang diktador at sandakot na mga pasistang kapural.

Sa kabilang panig, sisingilin at pananagutin ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ng rehiyon ang mga Kongresista ng rehiyon na pikit-matang sumuporta at nag-endorso sa mapanupil at kakila-kilabot na batas. Mas pinili nilang pakinggan at panigan ang kahilingan ng Malacañang kaysa ang pakinggan at panigan ang kanilang mga nasasakupan na nagluklok sa kanila sa kapangyarihan at mariing tumututol at lumalaban sa anti-terror bill.

Lalong inilalagay ng mga mambabatas na ito sa kapahamakan ang buhay at kapakanan ng mga mamamayan ng rehiyon at buong bansa sa pasistang atake at karahasan ng pasistang rehimeng US-Duterte. Dapat lang silang singilin at papanagutin sa bawat dugong papatak mula sa mamamayan ng rehiyon resulta ng implementasyon ng Anti-Terrorism Act of 2020.

###

Kondenahin ang Red Tagging ng pasistang si Sen. Panfilo Lacson -- NDF-ST