Kondenahin ang rehimeng Duterte sa Pag-aresto sa Pitong Aktibista’t Unyonista sa Gitna ng Pagdiriwang ng Ika-72 Anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
Mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang garapal na pag-aresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) sa pitong (7) aktibista at mga unyonista kabilang ang isang mamamahayag sa gitna ng pagdiriwang ng Ika-72 anibersaryo ng Pandaigdigang Deklarasyon ng Karapatang Pantao. Higit sa lahat, kinukundena namin ang rehimeng Duterte at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na syang pasimuno’t nang-uupat para tugisin at usigin ang mga aktibista at kritiko ng rehimen sa ngalan ng anti-komunismo at anti-“terorismo”.
Ang mga inaresto sa apat na magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila ay sina Dennis Velasco ng grupong Defend Jobs, Mark Ryan Cruz, Romina Astudillo, Joel Demate, Jaymie Gregorio at Rodrigo Esparago na pawang mga lider unyonista at si Lady Ann Salem, isang mamamahayag at Editor ng Manila Today at kasalukuyang Communication Officer ng International Association of Women in Radio and Television (IAWRT). Sila’y inaresto batay sa mga itinanim na ebidensya na iba’t ibang kalibreng baril at tipo ng pasabog.
Si Lady Ann Salem ay dating opisyal ng Metro Manila Chapter ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP). Ang Manila Today na kinabibilangan ni Ms. Salem ay kasapi sa grupong Altermidya Network na kabilang sa mga inakusahang “legal fronts” ng CPP-NPA-NDFP ng notoryus na red-tagger na NTF-ELCAC sa pagdinig sa Senado noong Disyembre 1, 2020.
Ginawa ang mga magkakahiwalay na pag-aresto alinsunod sa inilabas na search warrants ni Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Regional Trial Court Branch 89 ng Quezon City. Si Judge Burgos-Villavert—isang mersenaryong hukom—ay siya ring nagpalabas ng mga search warrants sa pag-aresto kina Reina Mae Nasino at sa mga magsasaka at aktibista sa isla ng Negros. Si Judge Burgos-Villavert din ang naglabas ng search warrants sa mga inarestong kilalang NDFP consultants na sina Vicente Ladlad at Rey Casambre.
Pinatunayan lamang ng mga pangyayari kung paano pinakikilos ng rehimeng Duterte ang mga instrumento ng panunupil ng estado (armadong pwersa, hukuman, batas at kulungan) upang busalan at patahimikin ang demokratikong oposisyon sa hanay ng mamamayan na sagabal sa tiranikong paghahari ni Duterte. Lahat ng mga tinatakang “kaaway ng estado” ay inaresto’t ikinulong kung hindi man pinaslang batay sa itinanim na mga ebidensya at gawa-gawang kwento na “nanlaban” sa proseso ng pagsisilbi ng mandamiento de aresto.
Ganito ang nangyari sa kaso nina Reina Mae Nasino, Amanda Lacaba Echanis at sa 656 detenidong pulitikal sa bansa (426 ay mga inaresto sa panahon ni Duterte ayon sa datos ng grupong KARAPATAN).
Ganito rin ang nangyari sa pataksil at brutal na pagpaslang sa mag-asawang Agaton Topacio at Eugenia Magpantay, kapwa mga NDFP consultant sa usapang pangkapayapaan at mga sakitin at retirado na. Gayundin sa pinakahuling kaso ng ekstra-hudisyal na pagpaslang kay Kasamang Alvin Luque, alyas Ka Joaquin Jacinto, na tagapagsalita ng NDFP-Mindanao. Tulad sa kaso ng ginawang pagpaslang kina Magpantay at Topacio, di-armado at walang kakayahang lumaban si Luque na nagpapagaling mula sa parsyal na paralisis at labis na pagsamá ng kalusugan bunga ng mahirap na buhay ng isang gerilya. Sila ay mga hors de combat at nagtatamasa ng proteksyon sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL) at Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahang kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP.
Kairalan na sa PNP at AFP ang pagtatanim ng mga baril at granada at iba pang uri ng eksplosibo, bilang gawa-gawang ebidensya para hindi makapagpiyansya ang kanilang inaaresto. Subalit ang higit na nakakagalit ay ang masaklap na pangyari kina Atty Benjamin Ramos, Zara Alvarez, Jory Porquia at iba pa na matapos dumanas ng demonisasyon, red-tagging at terrorist-labelling ay pinaslang ng mga pinaniniwalaang mga armadong ahente at death squad ng rehimeng Duterte. Sina Atty. Ramos at Zara Alvarez ay kabilang sa 353 na pinaslang o biktima ng extra judicial killing (ejk’s) sa panahon ni Duterte kung saan nasa 188 na ang pinapaslang na mga tagapagtanggol sa karapatang pantao ayon sa grupong KARAPATAN.
Pangunahing puntirya ng mga pag-atake ni Duterte ang mga grupong nagtataguyod at nagsusulong ng kapakanan at kagalingan ng sambayanang Pilipino. Sila ang pangunahing target ng pinatinding kampanya ng demonisasyon, red-tagging at terrorist labelling ng rehimeng US-Duterte sa imbing layuning patahimikin at nyutralisahin ang mga grupong sumasalungat sa kanyang mga katiwalian, kabulukan at kriminal na gawain. Ang kabi-kabilaang pag-aresto at mga extra-judicial killing ay hudyat ng mas masahol pang pagyurak sa karapatang pantao lalo na’t naging batas na Anti Terrorism Act of 2020.o RA 11479.
Walang katiting na pakilala at paggalang sa karapatang pantao ang gubyernong Duterte. Ang mga pag-aresto sa isang mamamahayag at mga unyonista sa mismong araw kung saan ginugunita at ipinagdiriwang ng sambayanang Pilipino ang Ika-72 taong Pandaigidigang Araw ng Karapatang Pantao ay kasukdulan ng kanyang pagmamalabis sa kapangyarihan, arogansya at pagiging diktador. Inilalagay ni Duterte ang sarili bilang superyor sa mga karapatang pantao ng mamamayang PIlipino.
Samantala, malaking palabas ang idinaos ng Malacañang na Human Rights Summit noong Disyembre 7, 2020. Mistulang isang payaso, nagiging katawa-tawa si Duterte sa publiko sa kanyang binitiwang pahayag sa Human Rights Summit na pinangunahan ng Department of Justice (DOJ), na gawa-gawa lamang ng mga kritiko ng gubyerno ang mga paglabag sa karapatang pantao sa bansa ng administrasyong Duterte.
Dapat lamang na patuloy na lumaban ang sambayanang Pilipino para wakasan ang malupit, mapaniil at tiranikong paghahari ni Duterte. Kailangang pigilan at biguin ng sambayanang Pilipino ang pagnanais ni Duterte na makapaghari nang lampas sa kanyang termino sa Hunyo 30, 2022. Ang malawakan, orkestrado at sistematikong pag-atake ni Duterte sa mga aktibista, progresibong grupo at partylist, mga mamamahayag, abugado, taong simbahan at iba pang kriktiko ng oposisyon ay naglalayong alisin ang balakid sa kanyang diktadurang paghahari at patahimikin ang malakas na tinig ng pagtutol at pagtuligsa sa kanyang kainutilan, kawalan ng kakayahan, katiwalian at pagmamalabis sa kapangyarihan.
Mananagot ang lahat na may pangunahing kagagawan sa mga karumal-dumal na pagpaslang kina Kasamang Alvin, mag-asawang Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, Randall Echanis, Julius Giron at marami pang biktima ng madugo, madumi at barbarong kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng Duterte na di nahahangahan ng mga umiiral na internasyunal na batas at makataong panuntunan na gumagabay sa mga armadong tunggalian sa pagitan ng nagdidigmaang mga pwersa.
Ang pagkakamit ng hustisya at pagpapanagot sa pasistang rehimeng US-Duterte sa mga karumal-dumal na krimen nito sa bayan ang dumadagundong na panawagan ng sambayanang Pilipino. Sa dakong huli, ganap na makakamit lamang ang hustisya at paggalang sa karapatang pantao ng mamamayan sa ganap na pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. ###