Kondenahin ang tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN ng mga utusang-aso ni Duterte sa Kongreso

Mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ang naging desisyon ng 70 mambabatas na mga regular at ex-officio members ng House Committee on Legislative Franchises (HCLF) ng mababang kapulungan ng Kongreso na nagbabasura sa panukalang pagkalooban ang ABS-CBN Network ng 25 taong prangkisa para muling makapag opereyt matapos mapaso ang dati nitong hawak na prangkisa nuong Mayo 5, 2020. Walang ibang matutuwa nito kundi si Duterte na sagad sa langit ang galit sa ABS-CBN Network habang sa kabilang banda nagpupuyos naman sa galit ang sambayanang Pilipino dahil sa ginawang desisyon ng HCLF. Ipinagpalit nila ang kapakanan at kagustuhan ng kanilang mga nasasakupan na naglagay sa kanila sa katungkulan para lamang makakuha ng pabor sa Malacañang at mapaligaya ang pasistang si Duterte.

Malinaw ang naging galaw ng mga kamay ni Duterte sa naging pasya ng 70 mambabatas ng HCLF na nagbabasura sa aplikasyon ng ABS-CBN Network para sa kanilang panibagong prangkisa kahit ano pang gawing paghuhugas ng kamay ni Roque.

Inilantad ng pangyayari na pakitang tao at zarzuela lamang ang isinagawang labing-tatlong (13) sesyon ng pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises dahil sa bandang huli hindi ang katotohanan at kagustuhan ng publiko ang mananaig sa kanilang pagpapasya kundi kung ano ang kapritso at nais ng pasistang si Duterte. Nagawang sagutin at pabulaanan ng Network ang mga samu’t saring akusasyon na pinupukol sa kanila ng mga alipures ni Duterte batay sa sariling hawak na mga ebidensya ng network.

Sa mga naturang pagdinig, pinatunayan din ng mga ahensya ng gubyerno tulad ng Department Of Justice (DOJ), Department Of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Security and Exchange Commission (SEC) na wala ni anumang batas na nilabag ang ABS-CBN. Sa kabila nito, kahit nagdudumilat ang katotohanan na walang anumang nilabag na batas ang ABS-CBN Network, nagpasya pa rin ang 70 myembro ng HCLF na tanggihan ang aplikasyon ng network para sa panibagong prangkisa.

Sadyang hindi palalagpasin ni Duterte ang pagkakataon na sa lebel pa lamang ng House Committee on Legislative Franchises ay hindi na makakalusot ang inihaing mga panukalang batas na magkakaloob sana ng panibagong 25 taong prangkisa sa network. Kaya walang maniniwala sa mga buladas at pahayag ng Malacañang na nyutral si Duterte pagdating sa usapin ng pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN Network ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Batid ng taumbayan na simula’t sapul nang maupo si Duterte sa Malacañang ay hindi lamang ilang beses niyang binatikos at pinagbantaan ang ABS-CBN na haharangin niya at hindi niya pahihintulutan ang Kongreso na mabigyan ito ng panibagong prangkisa. Hayagan din niyang sinabihan ang mga may-ari ng ABS-CBN na ibenta na lang ang kanilang pag-aaring network dahil sa wala silang makukuhang bagong prangkisa.

Sa naging desisyon ng 70 mambabatas, inihanay nila ang kanilang mga sarili bilang mga kasapakat ng pasistang rehimeng US-Duterte sa unti-unting pagsupil at pagkitil sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag sa bansa. Lalo lamang nilang inilalantad ang sarili bilang mga sunod-sunuran sa kagustuhan ng Malacañang, bilang kaaway ng demokrasya at masusugid na tumatangkilik at sumusupota sa mga anti-mamamayan at anti-demokratkiong patakaran ng administrasyong Duterte.

Sinusuhayan nila ang pasismo ng estado at paghahari ng pangkating militar sa bansa, sa ginagawang paniniil at pagpapatahimik nito sa lahat ng mga kritiko at kritisismo sa mga kapabayaan, kainutilan, katiwalian at napakasamang pamamahala ni Duterte sa gubyerno. Nais ding iparamdam ng mga 70 mambabatas na sila’y laging handa na suportahan ang pagnanais ni Duterte na manatili sa pwesto lagpas sa kanyang natitirang termino na magtatapos sa Hunyo 30, 2022. Ito din naman ang kagustuhan ng mga alipures ni Duterte sa Kongreso at Senado—ang mapalawig pa ang kanilang panunungkulan sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Saligang Batas ng Pilipinas.

Ang tuluyang pagpapasara sa operasyon ng ABS-CBN na siyang pinamalaking media network sa buong Pilipinas ay nagsisilbi ding babala sa iba pang entidad sa pamamahayag at pagbobrodkas na maaaring ganito din ang kanilang kasasapitan kapag patuloy silang magiging indyependente at kritikal na mass media.

Dapat na ituring na mga taksil at walang konsensya ang 70 kongresistang naging daan para lubusang alisan ng hanapbuhay ang mahigit sa 11,000 mga manggagawa, empleyado, artista at talents ng network—at sa milyong milyong mamamayang Pilipino sa bansa at ibayong dagat na napagkakaitan ng karapatan sa impormasyon, ng karapatang pumili ng istasyon na kanilang gustong mapakinggan, mapanooran at panggalingan ng mga palabas para sa kanilang libangan.

Pinagkaitan nila at ni Duterte ang milyon-milyong mahihirap na mamamayang Pilipino na nasa mga malalayo at liblib na lugar ng bansa na mapagkalooban ng tulong ng ABS-CBN at mahatiran ng angkop na mga impormasyon at balita, sa pamamagitan ng mga istasyon ng radyo at telebisyon ng network, lalo na sa tuwing panahon ng mga kalamidad at ngayong panahon na hinaharap ng bansa ang paglaban sa pandemikong Covid-19.

Titimo sa isip ng mamamayan ang 70 pangalan ng mga taksil na ito. May sariling pamamaraan ang mamamayan para maningil. Siguradong haharapin nila ang husga ng taumbayan sa ginawa nilang anti-mamamayan at anti-demokratikong pagpapasya. Sila’y dapat ituring na mga traydor sa kagustuhan at kahilingan ng nakararaming Pilipino.

Ang pagkabigo ng ABS-CBN Network na makakuha muli ng panibagong prangkisa mula sa Kongreso na dominante ng mga alipures ni Duterte ay lalo lamang magpapatibay ng pagkakaisa ng taumbayan at kapasyahang patindihin at paigtingin ang kanilang paglaban sa mga kaaway ng demokrasya at karapatang pantao sa bansa. Lahat na halos ng demokratikong uri’t sektor ng lipunang Pilipino ay itinuring na ni Duterte na kaaway ng estado.

Lalo lamang binibigyan ng makatuwirang dahilan ni Duterte ang taumbayan na maghimagsik at ibagsak ang kanyang pasistang paghahari lalo na nang pirmahan nito at maging ganap nang batas ang mapanupil at mabagsik na instrumento ng pasismo at terorismo ng estado na Anti-Terrorism Act of 2020 o RA 11479. Patunay na walang anumang kabutihang magagawa sa bayan ang isang pasista, korap, kriminal at talamak na mamamatay taong si Duterte. Walang ibang mapagpipilian ang taumbayan kundi ang lumaban at mag-alsa at pabilisin ang pagpapabagsak sa pasistang rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng rebolusyonaryong paraan.

For updates, visit: http://www.cpp.ph
Kondenahin ang tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN ng mga utusang-aso ni Duterte sa Kongreso