Konsolidahin ang pinakamalawak na kilusang masa laban sa batas militar — NDF-Bicol

Pinatinding panunupil at kahirapan ang nasaksihan ng taumbayan sa unang dalawang linggo ng lockdown. Sa halip ng sinserong pagharap sa COVID-19, kinapitalisa ng rehimeng US-Duterte ang pandemya upang higit pang magwasiwas ng pasismo laban sa mamamayan. Sa gitna ng banta ng pinalawig na lockdown at pormal na deklarasyon ng batas militar, nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Pilipinong pahigpitin ang kanilang pagkakaisa. Dapat palakasin ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran at komiteng rebolusyonaryo sa kanayunan ang pagkokonsolida sa mga inisyatiba at ispontanyong pagkilos ng mamamayan upang makapaglunsad ng lalo pang malawak na kilusan laban sa batas militar.

Instrumentong nagbibigay ng karagdagang kapangyarihan kay Duterte upang patindihin ang kanyang kontra-mamamayang gera ang katangi-tanging batas na ipinasa ng Kongreso para harapin ang Covid-19, ang Bayanihan to Heal as One Act. Sa halip na serbisyong medikal, lahat ng hakbangin ng rehimeng US-Duterte upang harapin ang Covid-19 ay katumbas ng batas militar. Lahat ng nagpoprotesta dahil sa matinding kagutuman ay ipinapaaresto. Kahapon lamang, ipinag-utos na ni Duterte ang ‘shoot-to-kill’ laban sa sinumang lumabag sa mga panuntunan ng lockdown. Sa Del Gallego, Camarines Sur, limang araw nang nakadetine sa kampo ng 9th ID ang 80 tao mula Maynila sa tabing ng ‘quarantine’.

Nitong mga nakaraang araw, pinatunayan ng taumbayang hindi mapipigilan ng lockdown ang kanilang paglaban para sa seguridad sa pagkain, serbisyong medikal at kanilang mga karapatan. Sa Camarines Norte, kinalampag ng mga tricycle driver ang upisina ni Gov. Edgardo ‘Egay’ Tallado para humingi ng ayuda. Sa Brgy. San Roque, Quezon City, inisyatiba ng mamamayang singilin ang kanilang lokal na yunit ng gubyerno sa ipinangako nitong relief goods.

Tanging sa daluyong ng sama-samang pagkilos ng mamamayan nabibigo ang mga tangka ng anumang pasistang rehimeng magdeklara ng batas militar. Kasabay ng pagpapalakas ng kilusang kontra-batas militar, dapat ipagpatuloy at suportahan ang mga inisyatiba ng mamamayan sa pagharap ng COVID-19. Sama-sama, tiyak na kayang labanan ng taumbayan ang mala-batas militar na lockdown ni Duterte at pangibabawan ang krisis dulot ng COVID-19.

Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Biguin ang batas militar ng rehimeng US-Duterte!
Magkasararo, magtalingkas sa pagkaoripon!

Konsolidahin ang pinakamalawak na kilusang masa laban sa batas militar -- NDF-Bicol