Kontra-manggagawang rehimeng US-Duterte, ibabagsak ng mga nagngangalit na manggagawa
Jaime ”Ka Diego” Padilla, Tagapagsalita,
Melito Glor Command, New People’s Army – Southern Tagalog
Hindi titigil ang uring manggagawa sa kanilang demokratikong kahilingan na wakasan ang di-makataong kontrakwalisasyon, mababang minimum wage, 2-tiered wage scheme, labor flexibilization at iba pang mapagsamantala at mapang-aping patakaran laban sa mga manggagawa. Buong sigla nilang oorganisahin at eedukahin ang kanilang hanay laban sa mga ito at sama-sama silang kikilos upang ibagsak ang rehimeng US-Duterte.
Sa Timog Katagalugan, limitado sa 350 manggagawa ang nabenipisyuhang maging regular kumpara sa mahigit na 250,000 kontraktwal na manggagawa sa buong rehiyon. Patuloy na dumaranas ng matinding pagsasamantala at pang-aapi ang mga kontrakwal bunga ng kawalan ng katiyakan sa trabaho, di-nakabubuhay na sahod at makahayop na kalagayan sa mga pagawaan. Instrumento sa pagpapatupad nito ang mga bayarang sundalo at pulis na siyang ginagamit upang buwagin ang mga piket layn at welga ng mga mangggawa upang ipaglaban ang kanilang saligang karapatan.
Nitong pinakahuli, ang mga makatarungang kilusang welga ng mga manggagawa ay itinuturing na isang anyo ng pananabotahe sa ekonomiya at pilit na inuugnay sa Red October Destabilization Plot. Hudyat ito ng pagsahol ng panunupil ng rehimen sa kilusang manggagawa at sa buong uring manggagawa.
Upang tuluyan ng alisan ng kakampi ang mga manggagawa, pinatalsik ni Duterte si Joel Maglunsod bilang undersecretary ng DOLE. Si Maglunsod na kabilang sa progresibong hanay ang isa sa sandigan ng mga manggagawa sa loob ng reaksyunaryong DOLE na nagdadala at nagtatanggl sa interes ng uring manggagawa. Sa pagpapatalsik sa kanya, tuluyan ng nawalan ng dagdag na kakampi ang uring manggagawa sa reaksyunaryong DOLE.
Sa ginawang ito ni Duterte, higit na nalantad ang kanyang pagkatuta sa imperyalismo, burgesya-kumprador, malalaking panginoong maylupa at burukrata-kapitalista. Lalong wala ni katiting na ginhawang makukuha ang uring mangagawang at iba pang uri at sektor sa pasistang rehimen ni Duterte.
Pinatunayan ng mahabang kasaysayan ng kilusang manggagawa sa bansa na hindi makukuha ang inaasam na tunay na kalayaan, demokrasya at pang-ekonomiyang kaunlaran hangga’t nasa kontrol ng reksyunaryong gubyernong pinapatakbo ng uring burgesya-kumprador, malalaking panginoong maylupa, burukrata-kapitalista at imperyalistang dominasyon ang ekonomiya at pulitika sa bansa.
Kailangang sumapi sa NPA ang mga manggagawa at lumahok sa matagalang digmang bayang inilulunsad ng CPP-NPA-NDF. Itinuturo ng kasayasayan na tanging sa paglahok sa isang pambansa demokratikong pakikibaka na nasa ilalim ng pamumuno ng uring proletaryado, kasama ang malawak na uring magsasaka at iba pang demokratikong uri at sector ng sambayanang Pilipino makakamit ang isang lipunang tunay na malaya, demokratiko at masagana. Itatayo nito ang isang gubyernong bayan na may sosyalistang hinaharap. Sa pagkakamit nito, walang mawawala sa uring manggagawa kundi ang tanikala ng kahirapan, pagka-alipin at pambubusabos ng kapital at iba pang mapagsamantalang uri. ###