Korapsyon ang ngalan ng laro ni Duterte
Mabilis na nahubaran ang rehimeng Duterte sa nakalipas na mga araw matapos na mabunyag ang kabi-kabilang katiwalian at korapsyon ng kanyang pamahalaan.
Naisiwalat sa madla ang mga makapanindig balahibong rebelasyon ng mga ahensyang “tumugon” sa panahon ng pandemya. Tampok dito ang P34.45 bilyong pondo ng Department of Agriculture na nakitaan ng hindi kumpletong tala at mga bura sa inilabas na ulat-pinansyal sa taong 2020.
Kabilang dito ang P9.8 bilyon na nakalaan para sa mga magsasaka, mangingisda at magbababoy na hindi nagamit ng DA at naisauli na sa National Treasury. Ang P4.4 bilyon dito ay nakalaan sana para sa fertilizer sa ilalim ng kanilang rice resiliency project.
Nabunyag din ang mali at paulit-ulit na pangalan ng mga magsasaka sa iniulat na mga benepisyaryo. Aabot sa 7,146 na pangalan ang nag-paulit-ulit na nakatanggap ng tulong at subsidyo na nagkakahalaga ng P38.5 milyon.
Sa probinsya, hindi nalubos ang bayad-pinsala sa mga magsasaka para sa kanilang baboy na pinatay dahil sa kumalat na African swine flu noong nakaraang taon.
Samantala, sa Department of Health, inuna ng dinggin ng Senado ang sobrang pagprepresyo sa mga biniling face mask na nagkakahalaga ng P1 Bilyon.
Tila nanabog-na-bigas ang mga sikretong pilit na ikinukubli ng rehimeng Duterte sa taumbayan. Bilyon-bilyong piso ang winaldas, sinayang, kaduda-duda at nawawala sa mga ulat na inilabas ng Commision on Audit na inilaan ng gobyerno para lutasin ang pandemya.
Hindi na nakayanan ni Digong na tapalan ang naguumapaw niyang krimen sa mamamayan. Para makakaligtas sa pagkakasangkot, naghanap pa siya ng sangkalan na mapapagtadtaran ng mga dating kaso ng katiwalian nina Leila De Lima at Mar Roxas na kanyang kalaban sa pulitika.
Ito na ang iiwang tatak ng rehimen sa sambayanang Pilipino – korapsyon, pasismo at panlilinlang.
Sa gitna ng lumalalang krisis pangkalusugan sa bansa at sa nalalapit na pagtatapos ng rehimeng Duterte, wala tayong dapat na asahang pagbabago sa isang tiwaling pangulo. Kailangan nating ubos kayang ilantad, itakwil at mapanagot ang rehimeng Duterte sa kanyang mga kasalanan sa sambayanan.#