Krisis ng COVID-19, sama-samang igpawan, isulong ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan! — NDF-Bicol
Alinsunod sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng yunit ng hukbo at komiteng rebolusyonaryo sa kanayunan na magmobilisa upang kagyat na matulungan ang mga taumbaryo na maigpawan ang krisis dulot ng COVID-19.
Una, dapat kagyat na makapagbuo ang mga komiteng rebolusyonaryo sa kanayunan ng komprehensibong plano kung paano haharapin ang COVID-19. Ilan dito ang pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa COVID-19 at kung paano ito maiiwasan, pagsasagawa ng sanitation drives, pag-aayos ng koordinasyon ng mga grupong tulungan at kooperatiba upang matugunan ang batayang pangangailangan ng kani-kanilang komunidad.
Pangalawa, dapat ding pahigpitin ang koordinasyon ng mga komiteng rebolusyonaryo sa kanayunan at rebolusyonaryong organisasyong masa sa kalunsuran para sa pakikipagpalitan ng anumang tulong o ayudang makakalap. Palakasin ang alyansa sa mga internasyunal at lokal na organisasyon sa disaster response at mga tagapagtataguyod ng karapatang tao.
Pangatlo, dapat manatiling mapagbantay ang taumbayan sa mga pasistang hakbangin ng rehimen. Kagyat na mag-ulat sa mga upisyal ng barangay, organisasyong nagtataguyod ng karapatang tao at mga kagawad ng midya hinggil sa anumang pandarahas, panunupil at paglabag sa karapatang tao.
[smartslider3 slider=10]
Sa pangmatagalan, dapat ibayo pang palakasin ang mga grupaong tulungan at kooperatiba sa kanayunan. Ipalaganap ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan bilang natatanging pangmatagalang solusyon sa anumang krisis na humambalos sa lipunan. Higit na patingkarin ang panawagang palakasin ang agrikultura at pambansang industriyalisasyon. Itambol ang pangangailangang makapagtaguyod ng isang ekonomyang nakaasa-sa-sarili at hindi nakasandig o kontrolado ng mga imperyalista.
Hindi kailanman mauugat ng pasismo ang sakit ng lipunan. Bagkus, ito pa ang higit na nagpapatingkad na taliwas sa interes ng reaksyunaryong estado ang anumang programang ikabubuti ng masang anakpawis.
Magtarabangan para sa namamanwaan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!