Kumpanyang Sumisira sa Kalikasan na Kalapit ng Metro Manila, Pinarusahan ng NPA-Rizal!

Pinarusahan ng New Peoples Army-Rizal ang kumpanyang MONTE ROCK CORPORATION sa Barangay Guitnang Bayan 2, San Mateo, Rizal kahapon, Agosto 12, 2018 sa ganap na 4:30 ng hapon hanggang 6:29 ng gabi. Halos dalawang oras na hinalughog ng mga operatiba ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) ang kumpanya. Ang nasabing kumpanya ay kagyat na kadikit ng Siyudad ng Marikina kung saan nasa itaas lamang nito ang subdibisyon ng mga multi-bilyonaryo sa Pilipinas na pinatatakbo ng Fil-invest Lands ng Pamilyang Gotianun, ang Timberland Leisure and Resort Subdivision.

Sa pamamarusang ito ay sinunog ang 8 trak, 4 backhoe, 2 bulldozer, 2 loader at imbakan ng krudo na siyang ginagamit upang sirain ang kalikasan at nakumpiska ng NPA-Rizal ang 2 shot gun, 3 kalibre .38, mga bala at iba pang kagamitang militar tulad ng 5 icom, dalawang monitor, at isang printer.

Ang nasabing kumpanya na pag-aari ni Angelito F. Ignacio ay malaon nang inirereklamo ng mga mamamayan ng San Mateo at Lalawigan ng Rizal dahilan sa malawakang pagsira sa kalikasan at kabundukan ng San Mateo. Ang operasyong “quarry” ng nasabing kumpanya ang unti-unting wumawasak sa kabundukan ng San Mateo. Dahilan sa nawawasak nang bundok ang mabilis na ang pagdaloy ng tubig sa ibaba ng bundok na nagdudulot ng malubhang pagbaha sa bayan ng San Mateo at kanugnog na mga bayan kabilang na ang Siyudad ng Marikina. Inirereklamo rin ito ng mga mamamayan dahilan sa madalas na pagpapasabog nito sa bundok, bagay na nagdudulot ng matindi at palagiang pangamba sa mga mamamayang nakatira sa paligid nito sa takot na maguhuan ng malalaking bato at matabunan ng lupa.

Ang mga reklamo ng mamamayan ay binalewala lang ng mga ahensya ng gubyerno tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at maging ng lokal na sa pamahalaan sa bayan ng San Mateo at sa lalawigan ng Rizal. Nagbingi-bingihan ang mga ito sa hinaing ng mamamayan kapalit ng perang isinusuhol sa kanila ng mga tagasira ng kalikasan. Binalewala din ng mga kumpanyang ito ang ilang beses na paabot at babala ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay sa ginagawa nilang pagsira sa kalikasan.

Dahil walang maasahan ang mamamayan ng San Mateo, Rizal sa mga ahensya ng nakaraang gubyerno at maging ng kasalukuyang Gubyernong Duterte ay inilapit nila sa Demokratikong Gobyernong Bayan na pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP ang kanilang kahilingan na mabigyang katarungan ang kanilang kalagayan. Sa ganito ay naobligang kumilos ang Bagong Hukbong Bayan upang tugunan ang kahilingan ng mamamayan.

Ang pamamarusang ito ay pagbibigay katarungan sa kaapihan ng mamamayan at para sa pangangalaga ng kalikasan na matagal nang sinisira at winawasak ng mga kumpanyang ito. Magsisilbing babala din ito sa mga patuloy na sumisira sa likas yaman ng mamamayan ng Rizal.

Ang Bagong Hukbong Bayan bilang tagapagtanggol ng kalikasan ay patuloy na magbibigay kaparusahan sa mga kumpanyang sumisira sa natural na likas yaman ng probinsya at sa mga hindi sumusunod sa mga patakaran ng demokratikong gobyernong bayan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod sa interes ng mamamayan.

Ito ay bilang pagsalubong din sa ikatlong SONA ng ayaw-sa-kapayapaan at diktador na Rehimeng US-Duterte. Umaatras si Duterte na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDFP dahil umaayaw siya na makipagkasundo para sa pangangalaga ng kalikasan, pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa, makabayang industriyalisasyon at tunay na pagbabagong panlipunan ina itinataguyod ng CPP-NPA-NDFP. Mas gusto ni Duterte at ng kanyang mga kakamping oligarkiya tulad ng pamilyang Ayala, Henry Sy, Lucio Tan at mga kapitalistang dayuhan na manatiling mahirap ang mamamayang Pilipino at sunud-sunuran sa kanilang kagustuhan. Sa ganito ay walang pagpipilian ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan kasama ang Bagong Hukbong Bayan kundi ang patuloy na isulong ang Digmang Bayan para wakasan ang kaapihan, karalitaan at kawalang katarungan sa kamay ng mga mapagsamantalang panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador, burukrata kapitalista at mga dayuhang kapitalista. Hindi kailanman patitinag ang BHB sa pananakot ng rehimeng Duterte sa kanyang “all-out-war”. Makakatiyak kami na hindi na aabutin ni Duterte ang ipinaghahambog nitong paglaban sa NPA sa loob ng 30-50 taon pero tiyak kami na ang NPA ay mananatili at lalo pang lalakas para labanan at gapiin ang mga katulad ng diktdor at pasistang si Duterte at ang kanyang mga kampon.

Ang NPA bilang tunay na hukbo ng bayan ay patuloy na gagampanan ang kanyang dakilang misyon na ipagtanggol ang mamamayang Pilipino sa pananalakay at pang-aapi. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, makakaasa ang mamamayan na ang NPA ay patuloy na paglilingkuran ang sambayanan at kakapit-bisig na buong bayan ay bibigyang katarungan ang mga kaapihan ng mamamayan hanggang sa ganap na paglaya sa pagsasamatala ng iilan.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!

Macario “Ka. Karyo” Liwanag
Tagapagsalita
NAAC-NPA-RIZAL
Agosto 12, 2018

Kumpanyang Sumisira sa Kalikasan na Kalapit ng Metro Manila, Pinarusahan ng NPA-Rizal!