Kundenahin ang di-makataong kondukta ng AFP sa pag-atake sa NPA sa Eastern Samar
Mariing kinukundena ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang AFP at rehimeng Duterte sa paggamit ng labis-labis na pwersa at mga di-presisong sandatang militar sa pang-aatake sa isang yunit ng NPA sa Barangay Osmeña, Dolores, Eastern Samar noong Agosto 16.
Ayon mismo sa AFP, ang 13-oras na operasyon laban sa NPA sa Dolores ay kumbinasyon ng mga atake mula sa himpapawid, katubigan at kalupaan. Ginamit dito ang kanilang ipinagmamalaking modernong kagamitan tulad ng mga helicopter na Augusta at Sikorsky, drone na Hermes 900, eroplanong FA-50 at A29B Super Tucano. Dalawang batalyong pwersa ng 52nd at 78th IBPA ang lumusob sa 50-kataong yunit ng NPA.
Ang dalawang toneladang bomba na inihulog sa Dolores, Eastern Samar at walang habas na pagpapaulan ng punglo at rocket-propelled missiles mula sa mga heligunship ay maraming beses na nakahihigit ang mapamuksang pinsalang idinudulot kaysa sa madalas na kondenahin ng AFP na paggamit ng NPA ng command-detonated explosives sa mga aksyong aktibong depensa nito.
Sa pahayag ng NDFP-Eastern Visayas, kasama sa inatakeng kampuhan ng NPA ang isang tim ng mga medik at pasyenteng ooperahan ang hernia. Nagresulta ang atake ng AFP sa pagkamatay ng 19 Pulang mandirigma. Bukod dito, pinagkaitan din ang mamamayan ng mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon at kabuhayan na ipinagkakaloob ng inatakeng yunit ng NPA sa lugar.
Ang disenyo at kondukta ng naturang operasyon ay nagpapakita ng kawalang pakundangan ng reaksyunaryong estado sa karapatan ng mga nakikidigmang pwersa, internasyunal na makataong batas at kaligtasan ng mga sibilyang populasyon at di kumbatant na maaaring madamay sa gera sibil. Marapat na magsiyasat ang mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang tao, mismong ang Commission on Human Rights ng GRP at mga internasyunal na ahensya hinggil sa paglusob sa Dolores upang matukoy ang mga kalabisan ng AFP at itakda’t patibayin ang mga batayan ng pananagutan ng rehimeng Duterte at mga pwersa at opisyal militar na sangkot dito.
Dapat ding tuligsain ang interbensyong militar ng imperyalismong US na nag-uudyok sa pagpapabangis ng kontra-rebolusyonaryong gera sa bansa. Hindi maiwasang maiugnay ang pangyayari sa Dolores sa pinalakas na Visiting Forces Agreement na pinagtibay ni Duterte at US Defense Sec. Lloyd Austin III nitong Hulyo. Tiyak na bahagi ng bagong katrayduran sa bansa ang pagsusuplay ng dagdag na armas at sasakyang pandigma para wakasan ang mga itinuturing ng US na “banta” sa geopultikal na interes nito tulad ng CPP-NPA-NDFP at mga grupong Moro.
Sa kabilang panig, nakataas ang kamao ng mga Pulang mandirigma ng NPA ST para sa 19 kasamang martir ng atrosidad sa Dolores. Hindi matutumbasan ng anumang halaga ang mga buhay na buung-buo nilang ibinigay para palayain ang sambayanang Pilipino mula sa pagsasamantala at pang-aapi. Tiyak na laksang mamamayan ang mapupukaw ng kanilang walang pag-iimbot na pag-aalay ng sarili at tatangan sa naiwang tungkulin ng Dolores 19 na isulong ang rebolusyon hanggang sa tagumpay.
Pangita sa pag-atake sa Dolores ang malalang pagkahayok sa gera ng rehimeng Duterte na walang kinikilalang pandemya o panahon ng kagipitan. Kahit sa kasagsagan ng pagkalat ng COVID-19, hinahalihaw ng AFP ang mga itinuturing nitong balwarte ng CPP-NPA-NDFP tulad ng Eastern Samar. Imbes na ikonsentra ang rekurso sa serbisyong pangkalusugan at ayuda ngayong pandemya, itinuon ang pondo sa pagbili ng mga modernong kagamitan at insentibong pasuweldo sa reaksyunaryong hukbo at pulis. Masahol pa’y ginagamit ang pandemya bilang tabing sa pangungurakot ng mga heneral mula sa P19-B pondong pork barrel na inilaan sa NTF-ELCAC at bigyang-matwid ang pagtatambak ng mga sundalo’t pulis sa mga liblib na lugar at maging sa kalunsuran.
Sa naganap sa Dolores muling inapirma ang pagiging di makatao ng all-out war ng rehimeng Duterte. Mulat nitong nilalabag ang mga batas at kumbensyon para sa isang makataong gera at laban sa makahayop na pamamaraan nito sa pagdurog sa kalaban. Sinasakripisyo nito ang kaligtasan ng mga komunidad at sibilyan sa ginagawa nitong panganganyon at paghuhulog ng mga bomba at pamamaril mula sa himpapawid. Ang ganitong mga tipo ng atake ay hindi presiso at mataas ang tyansang makapinsala ng mga sibilyan pati ari-arian. Ito ang dinanas ng mga magsasaka sa Quezon na binomba nitong nakaraang Pebrero, mga Mangyan-Hanunuo sa Oriental Mindoro na kinanyon noong Marso at mga residente ng Brgy. Nicanor Zabala sa Roxas, Palawan nitong Hulyo lamang.
Inaakala ng rehimeng Duterte na sa pagpapabagsik sa gera’y mawawakasan ang rebolusyonaryong armadong paglaban ng masang anakpawis. Subalit kahinaan—hindi kalakasan—ang ipinapamalas ng labis na pagsalig sa lakas militar at mga modernong armas pandigma. Kinakailangan nito ang labis-labis na dahas upang supilin ang lumalakas at lumalawak na pakikibaka ng mamamayan nang hindi tinutugunan ang ugat ng armadong tunggalian. Wala itong pag-asang magwagi dahil lubusan na itong nahihiwalay mula sa sambayanan. Sandakot lamang na naghaharing-uri at mga pasista ang kanyang kakampi, habang milyun-milyong mamamayan ang nagbibigkis upang ibagsak ito.
Kaya naman sa kabila ng pagkawala ng mga mahal na kasama, patuloy na nag-aalab ang rebolusyonaryong determinasyon ng bawat Pulang mandirigma at rebolusyonaryong mamamayan. Nag-iibayo ang mapanlabang diwa ng NPA imbes na magimbal ng pangyayari sa Dolores 19. Higit itong magsisikhay sa paglulunsad ng digmang bayan at patuloy na magbibigay-inspirasyon sa paglakas ng mga pakikibakang bayan sa kalunsuran. Tangan ang diwa ng mga mahal na martir at kumpyansa sa katumpakan at tagumpay ng armadong rebolusyon, walang alinlangang bibiguin ng mamamayan ang rehimeng Duterte at patuloy na hahakbang pasulong ang NPA.###