Kundenahin ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa retiradong Pulang kumander na si Amado “Ka Butil” Adelantar at sa kanyang asawa

,

Mariing kinukundena ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Eastern Visayas ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa retiradong Pulang kumander na si Amado “Ka Butil” Adelantar at sa kanyang asawa at kapwa rebolusyonaryo na si “Ka Tutri”.

Walang engkwentrong naganap, hindi nanlaban at walang awang pinaslang ang matatanda at maysakit na mag-asawang Adelantar nang pagbabarilin ng mga armadong maton ng pasistang rehimen sa Jiabong, Western Samar noong Marso 16.

Tahasan itong paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law. Mula pa noong 2020 ay retirado na sila sa aktibong rebolusyonaryong gawain dahil sa katandaan at mga iniindang sakit. Nagsasaka na lang sila sa kanilang lupa sa Jiabong nang patayin ng berdugong rehimen.

Walang duda na responsable sa brutal na krimeng ito ang Armed Forces of the Philippines, ang Philippine National Police, ang NTF-Elcac at iba pang armadong maton ng rehimeng US-Duterte. Wala silang dapat ipagmalaki sa pagpaslang kina Ka Butil at Ka Tutri. Pinapatunayan lang nila na wala silang konsensya at moralidad dahil nasisikmura nilang patayin ang dalawang sakiting matanda na walang kalaban-laban.

Ang pagpaslang sa mga Adelantar ay ang pinakahuli sa serye ng pamamaslang sa mga rebolusyonaryong matagal nang wala sa serbisyo. Ilang araw lang naunang dakpin, pahirapan at pagbabarilin ng AFP si Bryan “Ka Tanel” Obin. Noong 2020, pinaslang rin ng AFP si Salvador “Ka Bulig” Nordan. Laging ipinalalabas ng militar na nagkaroon ng armadong labanan gayong wala sa katayuang lumaban ang mga biktima.

Ang mag-asawang Adelantar ay mga target ng operasyong likidasyon ng rehimeng Duterte laban sa mga lider-rebolusyonaryo. Ilang dekada na silang hindi tinatantanan ng panghaharas at panggigipit ng pasistang estado, kabilang ang kanilang mga anak at iba pang kamag-anak, at kinakasuhan ng patung-patong na kaso. Kahit sa kanilang istatus bilang retirado at matatanda na ay hindi pa rin sila pinatawad sa ilalim ng patakarang “walang ibibilanggo” ni Duterte, sa desperasyon nitong demoralisahin ang masa at hukbo. Gaya ng ginawa sa iba pang mga lider-rebolusyonaryo sa panahon ng rehimeng Duterte, posibleng labis muna silang pinahirapan bago paslangin.

Lubos na nakikiramay ang NDF-EV sa pamilya Adelantar. Patuloy pang kumakalap ng dagdag na impormasyon ang aming himpilan. Nararapat lang na kundenahin ng mamamayan ng Eastern Visayas at malawak na publiko ang pamamaslang sa kanila, at sa lahat ng pagpaslang at pag-atake ng pasistang rehimen sa mga rebolusyonaryong nakikibaka para sa pambansang demokrasya at kalayaan.

Hindi matatawaran ang mga naging ambag nina Ka Butil at Ka Tutri sa rebolusyonaryong kilusan sa Samar. Kilalang Pulang kumander si Ka Butil sa prubinsya ng Western Samar. Napupuyos ngayon sa galit ang lahat ng Pulang mandirigma, kumander, at masa na kanilang nakasama dahil sa paglapastangang ito sa kanila. Nag-aalab ang kanilang kagustuhang maghiganti sa mga pasistang alipures at sa berdugong rehimen na responsable sa krimeng ito.

Sa pag-igting ng pasistang terorismo ng rehimeng Duterte, kailangang lalo pang palakasin ng BHB at ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ang kanilang determinasyon upang biguin ang kampanyang supresyon at ibayong isulong ang digmang bayan.#

Kundenahin ang ekstrahudisyal na pamamaslang sa retiradong Pulang kumander na si Amado "Ka Butil" Adelantar at sa kanyang asawa