Kundenahin ang gubyernong Duterte sa kawalan ng maramihang pag-eeksamen, pagtunton at pagbubukod matapos ang dalawang-buwang lockdown
Ipinailalim ni Duterte ang malalaking bahagi ng bansa sa dalawang buwang militaristang lockdown at pinagdusa ang mamamayan sa kalunus-lunos na kundisyon. Pero sinayang niya ang sakripisyo ng mamamayan dahil di niya tinupad ang obligasyong magsagawa ng maramihang pag-eeksamen, pagtunton at pagbubukod sa mga nahawaan ng Covid-19. Kulang-kulang pa ang naitala nitong mga kaso.
Translation/s: English | Bisaya
Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng mamamayang Pilipino ang rehimeng Duterte sa kabiguan nitong maglatag ng isang komprehensibong plano para magsagawa ng maramihang pag-eeksamen, pagtunton at pagbubukod sa mga may sakit bilang susing estratehiya sa paglaban sa pandemyang Covid-19.
Ipinailalim ni Duterte ang malalaking bahagi ng bansa sa dalawang buwang militaristang lockdown at pinagdusa ang mamamayan sa kalunus-lunos na kundisyon. Pero sinayang niya ang sakripisyo ng mamamayan dahil di niya tinupad ang obligasyong magsagawa ng maramihang pag-eeksamen, pagtunton at pagbubukod sa mga nahawaan ng Covid-19. Kulang-kulang pa ang naitala nitong mga kaso.
Sa krisis sa pampublikong kalusugan tulad ng pandemyang Covid-19, tungkulin ng estado na hanapin at tuntunin ang kumalat na bayrus para maihiwalay ang mga nahawa, gamutin ang may sakit at protektahan ang di pa nahahawa. Sa ganitong kalagayan, responsibilidad ng gubyerno na itaas ang kakayahang isagawa ang maramihang pag-eeksamen, pagtunton at paghihiwalay, paggamot sa maysakit at pagprotekta sa mga bulnerable.
Hindi kaagad isinagawa ng rehimeng Duterte ang dapat na paglalaan ng pondo para sa kalusugang pampubliko. Bigo itong pamunuan ang pagkuha ng mga paketeng pang-eksamen at kemikal para makapag-eksamen, pagpapalakas ng makinarya para sa maramihang pag-eeksamen at pagtunton, pagkuha sa dagdag na mga nars, doktor, at manggagawang pangkalusugan, pagtatayo ng sapat na mga pasilidad sa kwarantina at ibang kinakailangang hakbang sa pampublikong pangkalusugan. Inuuna pa rin ang pagbabayad-utang at konra-insurhensya, pagbili ng mga bagong mga pang-atakeng helikopter, kanyon at misayl. Dapat itong sisishin na ngayon lamang pinag-uusapan ng mga upisyal ni Duterte ang pag-empleyo ng mga tao na magsagawa ng contact-tracing, pero para lamang bigyan ng pansamantalang trabaho ang napakaraming nawalan ng trabaho.
Susi sa paglaban sa pandemya ang pagsasagawa ng maramihang pag-eeksamen. Sa simula pa lang, malinaw na sinabi ng World Health Organization na “maraming bansa ang nasa katayuang kayang tukuyin ang mga may sakit, tuklasin ang mga kaso, at alamin ang mga nakakasalamuha ng maysakit upang maikwarantina, at mas mura at epektibong interbensyon ang ihiwalay ang ilang mga indibidwal mula sa komunidad kaysa paghiwa-hiwalayin ang lahat ng tao sa bawat isa.”
Subalit bigo ang gubyernong Duterte na maglunsad ng mga kagyat na pag-eeksamen at pagtunton sa mga maysakit matapos ang unang kaso ng Covid-19 na naiulat sa bansa noong Enero 30. Minaliit pa ni Duterte ang banta ng pandemya, tinanggihan ang pagpapatigil sa maramihang pagpasok ng mga turistang mula sa China na posibleng mayroong sakit at bigo na magsagawa ng mga paghahanda para palakasin at itaas ang kapasidad ng sistema ng pampublikong kalusugan na tumuklas, tumunton, at ihiwalay ang bayrus sa bansa.
Kaya naman, nagbanta ang mga upisyal ng WHO: “Kung hindi sapat ang inilaan para sa pangkalusugang interbensyon katulad ng paghahanap ng mga nahawa at pagtutunton sa kanyang mga nakasalamuha, social distancing na lang ang pwedeng gawin para pagdistansyahin ang mga tao.” Pero nagbabala sila na ang paghiwa-hiwalay sa mga tao ay mahirap tanggapin, mabigat sa kabuhayan at dapat panandalian lamang.”
Kalunus-lunos ang kalagayan ng pag-eeksamen sa bansa. Ayon sa mga datos na inilabas ng Department of Health, nakapagsagawa pa lamang ng 137,136 na pag-eeksamen sa Pilipinas, o sa abereyds ay 3,608 na pag-eeksamen ang naisasagawa sa bawat araw. Tumaas ang abereyds na pag-eeksamen tungong 5,686 kadaaraw sa nagdaang sampung araw, na nananatiling lubhang mababa. Batay sa bilang ng mamamayan, nakapagsagawa pa lamang ang bansa ng 1,247 pag eeksamen sa bawat milyon (tests per million o tpm), na mababa sa 2,681 tpm ng Vietnam, 5,783 ng Cuba at 12,249 tpm ng South Korea, mga bansa na kalakhan ay matagumpay sa pagsasagawa ng pagtunton at pagbubukod sa mga nahawa.
May pailan-ilang maramihang pag-eeksamen, ngunit nananatiling maliitan ang saklaw at kadalasang isinasagawa sa inisyatiba ng ilang lokal na mga gubyerno na mayroong mga upisyal na mulat sa pangangailangang tumugon at agapan ang bayrus bago pa man ito higit na kumalat. Ginamit nila nang tama ang limitadong rekurso at tumanggap ng tulong mula sa mga kumpanya at pribadong indibidwal. Gayunpaman, ang mga lokal na pagsisikap na ito ay hindi sapat at maaaring mabigo kung walang pambansang pagsisikap sa pamumuno ng pambansang gubyerno.
Sa loob ng dalawang buwan, umasa ang rehimeng Duterte sa mga lockdown at mga ECQ at GCQ bilang mga hakbang kontra sa pandemya dahil bulag ito sa totoong sitwasyon ng pagkalat ng Covid-19 sanhi ng kabiguan nitong gumawa ng mga hakbang para sa pagtuklas, pagtunton at pagbukod sa mga kaso. Sa halip na gawin ang tungkulin sa pagtutuklas sa mga kaso, iniwan nito sa mamamayan ang tungkulin na pigilan ang pagkalat ng bayrus sa pamamagitan ng pananatili sa tahanan.
Lumikha ang ECQ/GCQ ni Duterte ng walang kaparis na krisis sa kagalingan ng mamamayan sa Kamaynilaan at sa ibang bahagi ng bansa. Sapilitang pinatigil magtrabaho ang mamamayan at hinadlangan silang maghanap-buhay. Walang pampublikong transportasyon para sa mga kinakailangang bumyahe. Aabot sa 4 na milyon ang hindi pa nakatatanggap ng ipinangakong ayuda. Puu-puong libo ang napipilitang pumila ng ilang araw para makatanggap ng pera. Milyun-milyong pamilya sa NCR at iba pang bahagi ng bansa ang literal na nasa bingit na ng kamatayan dahil sa gutom. Ang pinalawig na “ECQ” ay nagresulat sa malawakang mga problemang ekonomiko at saykososyal.
Mas malala, pinatindi pa ng rehimen ang pasismo ng estado. Pinupwersa ang mga taong sundin ang kautusang “stay at home” (o “manatili sa bahay”) ng mga pulis at sundalo na gumagamit ng papatinding brutal na pamamaraan sa pamimilit. Ang mga mapanupil na pamamaraan ni Duterte ay kabilang sa pinakamasahol sa buong mundo. Ang mga utak-pasista at lulong sa kapangyarihan na mga lokal na upisyal ay nagpataw ng mapaunpil na mga “total lockdown” at pinilit ang mga taong mamalagi sa masisikip nilang barung-barong. Ginagamit ng rehimen ang pasismo ng estado para “baguhin ang pag-iisip” ng mamamayan upang tratuhin at pakilusin sila na parang kawan ng mga hayop. Patuloy na ginagamit ni Duterte ang krisis para itulak ang iskema nitong magtatag ng pasistang diktadura.
Gaya ng ipinahayag ng WHO, “ang social distancing ay nakabatay sa prinsipyo na hindi natin alam kung sino ang nahawa kaya pinaghihiwalay, naglalagay ng distansya sa bawat isa.” Sa katunayan, sumasalig sa ECQ ang rehimeng Duterte para pagtakpan ang kabiguan nitong gampanan ang tungkulin nito bilang estado na magsagawa ng mass testing, tracing, at pagbubukod. Para maghugas kamay, ipinukol nito ang sisi sa mamamayan sa nagpapatuloy na pagkalat ng Covid-19. Dahil nananatili itong bulag at walang ginagawa para mas makaabante sa pagkalat Covid-19, naglunsad ang gubyernong Duterte ng kampanyang “Takot ako sa Covid-19” sa midya para ikintal sa isipan ng mamayan ang takot at na wala silang mapagpipilian kundi “sumunod” sa kung anuman ang idikta ni Duterte.
Matapos ang dalawang buwang pananalasa ng lockdown sa ekonomya at lipunan, inianunsyo ngayong araw ng Malacañang na patuloy nitong ipaiilalim ang NCR sa ilalim ng “modified ECQ” pero iniutos ang pagtanggal ng mga “ECQ” sa ibang bahagi ng bansa. Prayoridad nito ang muling pagbubukas ng mga negosyo at produksyon para sa mga empresang pang-eksport, batbat sa korapsyong mga proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng Build, Build, Build, operasyon ng mga POGO, minahan at mga plantasyon at negosyo ng mga kroni nito at malalaking burgesya kumprador nang sa gayo’y muli silang muling kumita. Ang mamamayang desperado nang maghanapbuhay, ay pahihintulutan nang magtrabaho “sa ilalim ng minimum na pag-iingat sa kalusugan, “ habang bulag pa rin kung gaano na talaga kalaganap ang pandemyang Covid-19.
Gayunman, wala pa rin itong ipinatutupad na kautusan hinggil sa pambansang koordinadong kampanya para magsagawa ng pag-eeksamen, tracing at pagbubukod. Imbes na gawin ito, gusto ng gubyernong Duterte na isipin pa rin ng lahat na lahat ay posibleng may bayrus, at ang pagkalat ng nito ay responsibilidad ng lahat. Dahil walang mass testing, tracing at pagbubukod, laganap ang may-batayang pangamba na ang pagluluwag ng ECQ sa maraming bahagi ng bansa ay magreresulta sa muling pagdami ng mahahawa ng Covid-19 sa darating na mga linggo at buwan.
Dahil wala namang masasaligang impormasyon na makukuha lamang sa pamamagitan ng mass testing, hindi nakapapanatag ang mga pahayag ng DOH na nagawa na raw ang “flattening the curve.” Habang walang kampanyang detection at tracing, ang pandemyang Covid-19 ay patuloy na mananalasa sa bansa at isasapanganib ang buhay ng milyun-milyong Pilipino.
Ang sambayanang Pilipino, lahat ng demokratikong pwersa, siyentista at mga manggagawang pangkalusugan, mga manggagawa, mala-proletaryado, estudyante at kanilang mga propesor ay kailangang magkaisa at igiit sa rehimeng Duterte ang agarang paglulunsad ng malawakang mass testing, tracing, at pagbubukod ng mga nahawa upang epektibong labanan ang Covid-19 at wakasan ang halos dalawang buwan nang lockdown sa NCR at ibang bahagi ng bansa. Kung patuloy na tatanggi ang rehimen sa kanilang kahilingan, nasa katwiran ang mamamayang Pilipino na igiit ang pagbibitiw o pagpapatalsik kay Duterte bilang pinakaparaan para tuluyang magapi ang pandemya.