Kundenahin ang kapabayaan at pagwawalambahala ni Duterte sa suliranin ng bayan sa harap ng kalamidad
Read in: English
Nagngangalit ang mamamayang Pilipino kay Duterte at sa kanyang mga upisyal sa gubyerno sa labis na pagpapabayakawalang interes at kawalang-pakialam sa suliranin ng milyong biktima ng limang bagyong sunud-sunod na bumayo sa Luzon at ibang bahagi ng bansa sa nagdaang tatlong linggo.
Sa harap ng pagdurusa, lantarang nasaksikhan ng milyong Pilipino ang kawalan ngsilbi ng pambansang gubyerno. Habang hinaharap nila ang bagyo at baha, hindi mahagilap si Duterte o ang kanyang mga upisyal. Milyon ang napilitang sagupain ito nang sila lamang, o katuwang ang kanilang mga kapitbahay o pribadong indibidwal at organisasyon. Marami ang nagtanong: may gubyerno ba sa Pilipinas? Sa social media, tumampok ang katanungang #NasaanAngPangulo?
Ang matinding epekto ng mga nagdaang bagyo ay pinalala ng kabiguan ng pambansang gubyerno na ikumpas ang iba’t iba nitong mga ahensya at lokal na yunit, magsagawa ng maagap na mga hakbang, maglaan ng kinakailangang pondo, magpusisyon ng sapat na mga tauhan at kagamitan para sa mabilis na paresponde at labis na kakulangan ng ayuda ng gubyerno. Dahil kulang sa pondo, pilay ang mga taga-responde ng pambansang gubyerno na sabay-sabay na tumugon sa maraming lugar na matinding naapektuhan nang at nakapagpadala lamang ng mga helikopter pagkatapos malipasan ng gabi ang mga tao sa kanilang mga bubong.
Imbes na aminin ang kanilang kahinaan, sinisi pa ni Duterte at ng kanyang mga upisyal na nasa likod ng mga kabiguang ang mga biktima na umano’y hindi nakinig sa mga babala hinggil sa bagyo. Pinalalabo nila ang katotohanang ang pangangalaga sa kaligtasan ng buhay ng mamamayan sa panahon ng matitinding bagyo ay pangunahing responsibilidad ng pambansang gubyerno. Ang malawakang pagbabakwit sa mga tao laluna sa mga bahaing lugar ay tungkulin ng gubyerno. Ang responsibilidad ng pambansang gubyerno ay higit na lampas sa pagbibigay lamang ng mga babala.
Humarap mismo si Duterte mismo sa pambansang telebisyon sa pambihirang pantanghaling talumpati noong Huwebes kung saan ilang minuto lamang siyang nagsalita. Pero pinaypayan lang niyang lalo ang galit ng masa nang insultuhin niya ang pagdurusa ng mamamayan sa pagsabing “gusto kong lumangoy sa baha” kasama ang mamamayan. Hindi siya nagbigay ng malinaw na mga atas para gamitin ang rekurso ng gubyerno, ngunit hindi sinayang ang pagkakataon para pasaringan ang bise presidente na aktibo sa mga hakbanging pagtugon sa kalamidad.
Milyong Pilipino ngayon ang nagdurusa sa pagkawasak na dulot ng baha at pagguho ng lupa. Ilampung libong kabahayan sa kanayunan, sentrong bayan at syudad ang nawasak ng malakas na hangin, baha at rumaragasang tubig at putik. Nalubog ang mga palayan, taniman ng gulay at iba pang tanim . Ang mga bangkang pangisda ay pinira-piraso ng rumaragasang tubig-dagat. Ang mga pinaghirapang kagamitan ay nasira. Marami ang naiwang walang kahit ano.
Napakabagal dumating at kulang na kulang ang ayuda ng gubyerno. Ang mga pribadong ahensyang mapagkawanggawa, lokal na gubyerno at mga pangmasang organisasyon ay nagpakilos na ng mga rekurso para magpaabot ng ayuda sa mga biktima sa harap ng matinding kakulangan ng pambansang gubyerno. Subalit napakalimitado lamang ng kanilang magagawa para saluhin ang kawalan ng pambansang gubyerno.
Gayunpaman, ang gubyernong Duterte ay mayroong ibang mga prayoridad sa usapin ng atensyon at paglalaan ng pondo. Patuloy nitong iniuuna ang kontrainsurhensya at batbat-sa-kurapsyong mga proyektong imprastruktura. Samantala, ang mga ahensya para sa kalamidad ay walang kapasidad na magpaabot ng kahit pinakabatayang tulong sa milyong mamamayan na nangangailangan ng kagyat na ayuda para muling itayo ang kanilang mga tahanan at ibangon ang kanilang kabuhayan. Kulang na kulang ang P3-bilyong badyet ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang P800 milyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tulungan ang milyong biktima para makaraos sa mga susunod na araw at linggo, at tulungan silang muling ibangon ang kanilang mga tahanan at kabuhayan. Ang pagkawasak sa Marikina pa lamang ay tinatayang nasa P15 bilyon na.
Sa harap ng lumalalang kagutuman at pagdurusa, nananawagan ang Partido sa lahat ng mga biktima ng nadgaang mga bagyo, higit lalo sa mga magsasaka, manggagawa at ibang nagdarahop na sektor, at sa lahat ng mamamayang Pilipino, na kagyat na magsama-sama at buuin ang kanilang mga organisasyon at network. Kailangan nilang iparinig ang kanilang makatarungang galit. Hanggang ang naririnig lamang ni Duterte ay hiwa-hiwalay na mga hiyaw, isasantabi niya ang panawagan ng mamamayan.
Hindi dapat maghintay, magmakaawa o magsumamo ang mga biktima at mamamayan para sa tulong mula sa pambansang gubyerno. Kailangan nilang depensahan ang kanilang dignindad at igiit ang kanilang karapatan. Kailangan nilang igiit sa pambansang gubyerno na tuparin ang responsibildad nito bilang estado at mabilisang kumilos sa harap ng masidhing sitwasyon ng mamamayan. Marapat nilang gawing mga sentro ng protesta ang kanilang mga komunidad at lugar ng ebakwasyon para paalingawngawin ang kanilang panawagan at batikusin ang gubyernong Duterte sa kabiguan nitong tupdin ang obligasyong patighawin ang kagutuman at paghihirap ng bayan sa harap ng kalamidad.
Sa pagkawala ng lahat ng kanilang ari-arian, karapatan ng milyong mga biktima tumanggap ng kagyat na ayuda mula sa gubyerno. Dapat tiyakin ng estado ang pamamahagi ng pagkain, tubig, damit at mga kagamitang medikal at pangkonstruksyon para tulungan ang mga biktima na makaraos sa mga susunod na linggo at buwan hanggang sa maitayong muli ang kanilang mga tahanan at maibangon ang kabuhayan. Kailangan nilang igiit ang kagyat na bayad-pinsala sa mga nawalang kagamitan at pagkawasak ng kanilang sakahan at ibang pinagkukunan ng kabuhayan dulot ng nagdaang mga bagyo dahil sa kabiguan ng estado na tiyakin ang kanilang buhay at panlipunang seguridad. Dapat igiit ng masang magsasaka ang ayudang pangkagipitan para tulungan silang mabawi ang mga nawala sa kanila . Ang matinding kalamidad ay nagbigay-diin sa panawagan ng mga manggagawa para sa trabaho at umento sa sahod.
Maaaring pangunahan ng mga organisasyon ng mga biktima ng kalamidad ang pananawagan sa mga dayuhang gubyerno at internsyunal na ahensyang mapagkawanggawa na magbigay ng tulong sa mga Pilipino. Kaalinsabay, maaari silang bumuo ng lambat ng pamamamahagi para tiyakin na ang ayuda ay direktang makararating sa mga biktima para iwasang maibulsa ito ng mga kurakot na upisyal.
Kaalinsabay, kailangang papanagutin nila ang rehimeng Duterte sa kriminal na kapabayaan sa pagtugon sa kalamidad, sa pagbawas ng pondo at paglalaan lamang ng kakarampot na P15.7 bilyon ngayong taon, 60% na mas mababa sa P39 bilyong inilaan noong 2017. Dapat ring papanagutin ang rehimen sa kabiguang magsagawa ng makabuluhang rehabilitasyon sa kalikasan, pagpapalalim sa mga ilog at sapa at iba pang hakbanging makakokontrol sa pagbaha matapos ang apat na taon sa kapangyarihan. Dapat itong papanagutin sa pagsusulong ng pagmimina, pagtotroso at mapanirang mga proyektong imprastruktura at ibang mga proyektong pinopondohan ng dayuhan na nagdudulot ng malawakang pagkasira sa kalikasan.
Ang kriminal na kapabayaan ni Duterte sa kagalingan ng mamamayan sa harap ng kalamidad ay pumapatong sa ilang buwang bigong pagtugon sa pandemya, hindi maayos na pangangasiwa sa ekonomya, lantarang korapsyon, walang tigil na dayuhang pangungutang, maka-negosyong patakaran sa kapinsalaan ng mga manggagawa, kakulangan ng subsidyo sa agrikultura at kumpol ng iba pang patakaran na higit na nagpapahirap sa sitwasyon ng masang naghihikahos.
Higit na matindi sa sunud-sunod na mga bagyo ang kalamidad ng rehimeng Duterte at paghahari ng terorismo ng estado, korupsyon, pambansang pagtataksil at kontra-mamamayang mga patakaran. Ang ligalig ng mamamayang Pilipino ay patuloy na nabubuo at nagbabantang maging isang sigwa ng protesta para igiit ang pag-aalis ni Duterte sa pwesto sa pamamagitan man ng kanyang pagbibitiw o pagpapatalsik.