Kundenahin ang Malakihang Pagmimina sa Tabing ng “Dredging” sa Ilog Cagayan
Isang malaking kabalintunaan ang tinuran kamakaylan ng mga burukrata ng rehimeng Duterte na upang huwag na daw maulit ang malaking pagbaha noong Nobyembre ay kailangang minahin ang yamang mineral ng Ilog Cagayan sa tabing ng “dredging.” Sinagpang nila ang naganap na delubyo para lumikha uli ng panibagong delubyo sa buhay ng mamamayan.
Marami-raming taon na ang nakalipas, tinangka ng reaksyonaryong gubyerno na magmina sa mismong Ilog Cagayan, na tinawag nilang paglilinis o “dredging”, bagama’t napilitan itong iatras dahil sa maugong na pagtutol ng mamamayan. Nitong huli, inianunsyo ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ni gubernador Manuel Mamba ng Cagayan ang pagsisimula ng pagmimina sa pinakamahaba at pinakamalaking ilog sa Pilipinas.
Para makapanlinlang at maikubli ang tunay na motibo, sinakyan at ipinagrason nila ang sariwa pang sakunang sumalanta sa 300,000 mamamayan bunga ng malaking pagbaha sa panahon at matapos ang bagyong “Ulysses.” Lilinisin lang naman daw nila ang Ilog ng mga nakabarang basura at latak upang mapabilis ang pag-agos ng tubig at hindi na magkakaroon ng mga pagbaha. Ito daw ang pangunahing layunin ng “dredging”, bagama’t kung may makukuhang mineral na kagaya ng magnetite ay nagkataon lamang!
Bakit mapursige ang rehimeng Duterte kasama si Mamba sa dati nang planong pagmimina rito na inilulusot bilang “dredging”? Dahil ang Ilog Cagayan sa bandang Cagayan ay naglalaman ng daan-daang metriko toneladang buhanging iron. Sa mababang bahagi ng Ilog, pinakamarami sa lahat ng mga mineral ang magnetite kasama ang iba pang klase ng iron (hematite, organic iron) na ginagamit sa paggawa ng mga produktong bakal at tinatayang aabot ang mga ito ng 561.6 milyong tonelada na matatagpuan sa 69 kilometrong kahabaan ng Ilog mula sa mga bayan ng Alcala, Gattaran, Lallo, Camalaniugan at Aparri. Planong i-“dredge” ang 39 kilometro o mahigit kalahati nito mula Aparri hanggang Barangay Magapit sa Lallo.
Pero ayon sa mga opisyal ng rehimeng Duterte, magagawa lamang daw ito sa tulong ng malalaking kapitalistang dayuhan. Inulit sabihin ng DENR ang dating rekomendasyon ng malaking kontraktor na Hapones, ang Japan International Cooperation Agency (JICA), na diumanong pagpapaluwang sa daluyan ng Ilog mula Alcala hanggang Lallo bilang batayan nito. Pero itinago naman ang resulta ng isang feasibility study na tumututol sa pagpapaluwang sa makipot na bahagi, ang Magapit Narrows, ng naturang 69 kilometro na kahit isagawa ito ay hindi kaylanman magkakaroon ng makabuluhang pag-unlad sa agos ng tubig-baha.
Binubuntunan ng sisi ng mga opisyal ng DENR at kapitolyo ng Cagayan ang pagtatapon ng mga basura ng mga tao at mga latak bilang tanging dahilan ng nararanasang pagbara ng ilog at pagbaha. Pero ipinipikit ang kanilang mata at tinatalikuran at ayaw nilang aminin ang papel nila sa mga pangunahing sanhi ng ganitong sakuna – ang malawakang pagkakalbo ng kagubatan at pagkawasak ng lupa dahil sa walang habas na malakihang pagtotroso at malawakang pagmimina.
Mula sa Nueva Vizcaya sa kinaroroonan ng headwater ng Ilog Cagayan ay naririyan ang Oceana Gold sa Didipio, sa Sierra Madre ng Isabela ay naririyan ang Nickel Asia Corporation-Geogen at iba pang kapitalistang Tsinong kasosyo ng mga Pilipino sa pagmimina, at gayunding mula Quirino pababa sa Isabela at Cagayan ay dekadang 1970 pa sinimulang trosohin ng mga Puzon, Enrile, Dy at Cua at mga sumunod sa kanilang malalaking kompanya sa logging. Nakamulagat ang katotohanan na ang mga malalaking kapitalistang dayuhan at burukrata-kapitalista na nanghalihaw ng likas na yaman para makapaghakot ng dambuhalang ganansya ang ugat ng nararanasan ngayong malalaking pagbaha!
Ayon kina Mamba at Cimatu, “libre” naman daw ang gagawing dredging ng mga dayuhang pribadong kompanya at ang tanging “kompensasyon” ng huli ay mapapasakanila ang mapagbebentahan ng lahat ng makukuhang “ basura” at “latak” – na kakaunti lang naman ang tunay na basura at latak at sa kalakhan ay mga mineral na kagaya ng magnetite. Maalalang black magnetite din ang tinarget ng mga malakihang pagmimina ng mga kapitalistang Tsino sa tabing-dagat ng mga bayan sa northeastern Cagayan. Kaylan ba naman nakakita ng isang malaking kapitalista na ang pangunahing interes ay “maglinis ng basura” sa halip na maghukay ng mina? Para rin nilang sinabi na ang pangunahing layon ng isang magmimina ng ginto ay maghukay ng butas at tsamba kung makatisod ng ginto! Inuulol nila ang mamamayan na ipinapalagay nilang mahinang magsuri.
Samantalang ngayon pa lang ay naglalaway na ang mga “maglilinis” na dayuhang kapitalista at kakutsaba nilang burukrata, malalagay naman sa panganib ang lupang pinagtatamnan upang mabuhay ang mga magsasaka at ang kinalalagyang tahanan ng mga komunidad sa malapit sa Ilog bunga ng malakihang paghuhukay. Ilang maliliit na pansamantalang mapagkukunan ng ikabubuhay at relokasyon ang sagot dito ng rehimen, pero malamang na irereloka ang mga apektadong mamamayan sa mga lugar na mahirap maghanap ng ikabubuhay at di kumbinyente para manirahan.
Ang malaon nang humahagupit sa mamamayan na malalang krisis sa ekonomya at kalamidad na lalo pang sumahol sa panahon ng pandemya ay pinapagrabe pa ng ganitong mga kontra-mamamayang hakbangin ng rehimen. Sa ganito ay lalo nilang dinadagdagan ang mga dahilan para mamulat at magbangon ang mamamayan upang makibaka para sa kanilang kagyat at pangmatagalang kapakanan at interes.
Wasto lamang na kundenahin ang pagmimina sa Ilog Cagayan at makipagkapit-bisig sa mas malawak na hanay ng mamamayang lumalaban, sa paraan mang armado at di-armado, upang patalsikin ang rehimeng Duterte sa balangkas ng paglaban para sa pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.