Kundenahin ang paggamit sa multo ng komunismo para bigyang-katwiran ang pasistang panunupil
Dapat kundenahin ang DILG secretary at dating heneral na si Eduardo Año sa paggamit sa multo ng komunismo para bigyang-katwiran ang plano ng rehimeng Duterte na pigilan ang bayan na maglunsad ng mga demonstrasyon sa Hunyo 30 para iprotesta ang inagurasyon ni Ferdinand Marcos Jr bilang pangulo at ipahayag ang pagtutol laban sa ilehitimong rehimen.
Sinasabi niyang ang mga nakatakdang aksyong protesta sa Hunyo 30 ay bahagi ng isang “komunistang pakana” para “ipahiya” si Marcos Jr. Ang totoo, walang mararating ang ganoong layunin kwenta dahil si Marcos Jr at ang buong pamilyang Marcos ay hindi tinatablan ng hiya.
Sa isa’t kalahating dekadang paghahari, bilyun-bilyong dolyar ang ninakaw nila sa kaban ng bayan, at walang-kahihiyang namuhay ng marangya habang nagdusa ang mayorya ng mamamayan—mga manggagawa, magsasaka at ordinaryong tao—sa malawakang kahirapan at kagutuman. Sa ilalim ng diktadurang US-Marcos, inapi ang malawak na masa ng sambayanan sa mababang sahod, kawalan ng lupa, dayuhang pagkakautang, mataas na buwis, gayundin sa arbitraryong mga pag-aresto at detensyon, tortyur at pagpaslang.
Katawa-tawa ang pahayag ni General Año na gusto ng PKP na siraan si Marcos Jr. Una sa lahat, wala nang kailangan gawin ang PKP para siraan si Ferdinand Jr dahil sirang-sira na siya nang dayain ang dekompyuter na eleksyong Mayo 9 kasabwat si Rodrigo Duterte para iluklok ang sarili sa poder. Sa mata ng mamamayang Pilipino, ilehitimo ang rehimeng Marcos II na itinayo sa batayan ng palsipikadong eleksyon kung saan ang dekompyuter na dagdag-bawas ay nagbigay ng imposibleng 31.5 milyon boto para sa sa anak ng diktador para ipeke ang kanyang panalong “landslide.”
Nagkokoro ngayon ang National Task Force-Elcac ni Duterte, mga upisyal militar at pulis, at kanilang mga tauhan, at maging si Juan Ponce Enrile–arkitekto ng batas militar ni Marcos I at ngayo’y tagapayong ligal ni Marcos II–tinuturo ang sinuman, at nakakikita ng “komunistang pakana” saanman.
Lahat ito’y paghahanda para sa pagpapaigting ng panunupil ng demokratikong mga karapatan sa ilalim ng rehimeng Marcos II.