Kundenahin ang pagpaslang sa aktibista sa South Cotabato

,

Mariing kinukundena ng New People’s Army-Far South Mindanao (Valentine Palamine Command) ang walang habag at napakasamang pagpaslang kay Kagawad Eugene Lastrella, isang kilalang lider at aktibistang matapat na naninindigan para sa kapakanan ng karaniwang mamamayan sa South Cotabato. Siya ay aktibong kasapi ng Bayan Muna at nanunungkulan bilang kagawad ng Barangay Veterans sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Si Kgd. Lastrella ay pinatay ng mga armadong ahente noong Abril 27, 2022 habang siya ay nagmamaneho patungo sa bayan ng T’boli para sunduin ang isang kamag-anak na manganganak. Ayon sa ilang nakasaksi, bumubuntot sa sasakyan ni Kgd. Lastrella ang isang motorsiklong may dalawang angkas at pagdating sa isang plantasyon sa Barangay Sinolon, T’boli ay pinagbabaril siya ng mga ito. Agad siyang namatay dahil sa tindi ng mga tama ng bala.

Kilala si Kgd. Lastrella sa Allah Valley bilang matimtimang kumukontra sa mga proyektong pagmimina at aerial spraying ng mga multinasyunal na plantasyon. Naging aktibo rin siya sa mga isyu at panawagan ng mamamayan lalo na noong siya ay naging kapitan at naglingkod bilang representante ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Sangguniang Bayan ng Surallah.

Ayon sa mga nakakakilala sa kanya, matagal nang nire-redtag ang kagawad dahil sa paninindigan niya sa ilang usaping pulitikal at mga kampanyang masa. Noong nakaraang taon ay naikuwento niya sa ilang malalapit na kaibigan na siya ay pinagbabantaan at pinagsusurender ng isang ahente ng militar ngunit hindi siya natinag nito. Ilang beses na rin umano na may napapansin itong bumubuntot at nagmamanman sa kanya.

Si Kgd. Lastrella ay ang pangsiyam na biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa South Cotabato buhat lamang noong Setyembre ng nakaraang taon. Ang mga biktima ay kinabibilangan ng mga magsasaka, mga maralitang tagalungsod, mga manggagawa sa kultura at tagapagtanggol ng karapatang-tao.Siya rin ang pinakabagong biktima sa madugong kampanya ng estado laban sa mga kumukontra sa pagmimina na kinabibilangan nina Renato Pacaide, Boy Billanes, Anting Freay, mag-iinang Capeon at iba pa.

Pinapanawagan ng New People’s Army-FSMR sa mamamayan ng South Cotabato na tularan ang tapang at katatagan ni Kgd. Lastrella sa pagtataguyod sa kapakanan ng masang kanyang pinaglilingkuran. Magkaisang labanan ang karahasan at panunupil ng estadong labis na nagpapahirap sa hanay habang ipinagtatanggol ang interes ng mga dambuhalang mandarambong na agribisnes at kumpanya ng mina!

Panagutin ang tiranikong rehimeng Duterte sa marahas at kasuklam-suklam na pamamaslang ng mga sibilyan. Pagbayarin ito sa lahat ng mapaminsalang mga krimen laban sa mamamayang malaon nang inaapi at pinagmalupitan ng estado. Itaguyod ang hamong lalong pasiklabin ang malawak na demokratikong kilusang masa at armadong pakikibaka para sa tunay na hustisya, demokrasya at kalayaan ng bayan!

Kundenahin ang pagpaslang sa aktibista sa South Cotabato