Kundenahin ang terorismo ng estado ng 501st IBde! Bigyang-pugay ang pitong rebolusyonaryong kabataang martir sa Dungeg!
Mariing kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines-Cagayan (NDFP-Cagayan) ang walang-habas na pambobomba, istraping, at paghahasik ng terorismo ng estado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga baryo ng Dungeg, Mission, at Aridowen sa bayan ng Sta. Teresita, at sa baryo ng Rebecca sa bayan ng Gonzaga, sa probinsya ng Cagayan.
Inilulunsad ito ng 501st Infantry Brigade (501IBdePA), sa pamumuno ni BGen. Steve Crespillo, na nagkokoordina sa 77th Infantry Battalion ng Philippine Army (77IBPA), 203rd Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion (203MC-RMFB2) ng Philippine National Police (PNP), Marine Battalion Landing Team-10 – Philippine Marine Corps (MBLT10-PMC) ng Philippine Navy (PN), at Tactical Operations Group-2 (TOG2) ng Philippine Air Force (PAF), na nasa ilalim ng 5th Infantry Division ng Philippine Army (5IDPA) sa pamumuno ni MGen. Lawrence Mina.
Ginunita ng 5ID at 501st IBdePA ang ika-49 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar ng dating diktador na si Ferdinand Marcos sa pamamagitan ng aktwal na paglulunsad ng mga pasistang atake laban sa mga mamamayan. Mula ika-21 ng Setyembre hanggang sa kasalukuyan, inilulunsad ang Focused Military Operation (FMO) sa mga nasabing baryo na muling nagparanas ng pambobomba, pagbabakwit, at pandarahas ng mga pasistang sundalo sa mga mamamayan.
Bago ang pambobomba at istraping noong alas-kwatro ng madaling araw ng ika-21 ng Setyembre, naglulunsad ang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Silangan Cagayan ng kampanyang propaganda at edukasyon sa masa upang ilantad ang mga krimen ng rehimeng US-Duterte laban sa taumbayan kasabay ng pagpapalaganap at palilinaw sa kahalagahan ng pagpapabakuna. Nais iparating ng rebolusyonaryong kilusan na makatarungan lamang na igiit ang maagap at de-kalidad na serbisyong medikal at sapat na ayudang malaon nang ipinagkait ng rehimeng US-Duterte sa loob ng magdadalawang taon nang pahirap na lockdown sa bansa.
Desperadong hakbang ang isinagawang airstrikes para punan ang kahinaan ng mga operasyong pangkombat ng AFP na sukulin ang yunit ng BHB sa Silangang Cagayan na nagtatamasa ng malawak na suporta ng mamamayan. Mula ika-21 ng Setyembre liban sa desperadong pambobomba gamit ang FA50 attack plane, wala ni-isang engkwentro ang naganap sa pagitan ng BHB at mga pasistang tropa. Isang araw pa ang nakalipas bago napasok ng mga sundalo ang binomba nilang site kung saan nagpaputok na lamang sila sa kawalan bandang alas-siete ng umaga noong ika-22 ng Setyembre.
Noong ika-26 ng Setyembre, umalingawngaw na naman ang putukan sa Brgy. Aridowen. Pagkatapos nito, pumasok agad ang ulat ng dalawang katutubong Agay na diumano’y pinagbabaril ng mga sundalo na humantong sa kanilang pagkamatay.
Nasundan naman ito ng palitan ng mga putok sa pagitan diumano ng MBLT10 at RMFB2 sa parehong baryo noong ika-28 ng Setyembre. Nagsimula ito noong alas-diyes ng umaga, at nasundan ng unang pambobomba at istraping mula ala-una hanggang alas kwatro ng hapon. Kinabukasan, ika-29 ng Setyembre, nabalitaang may narekober na nangangamoy nang bangkay ng isang sundalo. May namataan ring isang 6×6 na sasakyang puno ng tinatayang 40 na diumano’y mga tropa ng RMFB2 na dinala sa bayan ng Lallo.
Noong ika-30 ng Setyembre, naglunsad ng indiscriminate bombing ang mga pasistang sundalo sa pinagtatrabahuan ng mga magsasaka sa bulunbunduking bahagi ng Brgy. Mission at Brgy. Dungeg sa Sta. Teresita, Cagayan.
Matinding paglabag sa karapatang-pantao ng mga mamamayan ang kaakibat ng FMO na ito. Mula noong unang araw ng operasyon, hinaharangan ng mga sundalo ang pagpunta ng mga magsasaka sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuang lupa sa interyor. Sapilitan ring nagbakwit ang mga magsasaka at naninirahang katutubong Agay kasama ang mga alaga nilang kalabaw, baboy, kambing at manok. Mayroon ding mga ulat ng arbitraryong pagpapatawag sa presinto sa mga magsasaka at katutubong Agay sa mga baryo ng Rebecca sa bayan ng Gonzaga at Mission sa bayan ng Sta. Teresita.
Kaugnay nito, nananawagan ang NDFP-Cagayan sa lahat ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-pantao, abogado, taong-simbahan, at iba pang mga nagmamalasakit na indibidwal at organisasyon na maglunsad ng isang independyenteng imbestigasyon kaugnay ng mga nagaganap na paglabag sa karapatang-pantao sa inilulunsad na FMO ng 501st IBdePA sa bayan ng Sta. Teresita at Gonzaga.
Nagaganap ang mga pasistang atake na ito sa gitna ng papalala at tila hindi na malutas-lutas na suliranin ng pandemyang COVID-19 sa probinsya. Naglulustay ng milyon-milyong piso ang reaksyunaryong gobyerno para sa pagpapalipad ng FA50 Golden Eagle fighter jet at mga helicopter at pagpapasabog ng mga naglalakihang bomba. Pinagmamayabang ng RTF-ELCAC sa pamumuno ni Governor Manuel Mamba ng Cagayan ang paglulunsad ng mga pasistang atake habang nananatiling inutil ito sa paglutas sa krisis ng pandemya. Kaya pala prayoridad ang mga sundalo sa pagbabakuna — para agad nang makapaghasik ng teroristang lagim sa masa!
Ngayon higit kailanman, lalong naglalagablab ang diwang palaban at optimismo ng Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyonaryong kilusan sa pagpupunyagi sa paglulunsad ng digmang bayan hangga’t nananatili ang inhustisya laban sa mga mamamayan.
Ang pagpapatuloy sa rebolusyonaryong pagkilos ng pitong Pulang mandirigmang nagmartir sa Sta. Teresita kamakailan ang pinakamataas na pagpupugay na maaaring igawad sa kanila. Biguin ang anumang tangkang paggapi ng kaaway, pangibabawan ang lahat ng sakripisyo’t kahirapang kaakibat ng paglahok sa digmang mapagpalaya, at makibaka para sa isang maningning na kinabukasan para sa masang malaon nang inaapi at pinagsasamantalahan.
Mananagot sa balangkas ng rebolusyonaryong hustisya ang lahat ng mapatutunayang sangkot sa mga krimeng kumitil sa buhay ng mga kasama at naglapastangan sa karapatan at buhay ng mga mamamayan.
Isang muog na hindi kayang tibagin ng anumang klaseng bomba ng pasistang AFP ang pagkakaisa ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at masa ng sambayanan. Wala nang ibang panahon kung hindi ngayon upang lalo pang pag-ibayuhin ang armadong paglaban para tuluyan nang ibagsak ang pasista-teroristang rehimeng US-Duterte at maitaas ang antas ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong kapuluan tungong tagumpay.#