Kundenahin ang walang awang pang-istraping ng AFP sa mga kabataan sa Roxas, Catubig

,

Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang walang habas na pag-istraping ng mga elemento ng 20th Infantry Battalion sa mga sibilyan, kabilang ang di bababa sa apat na kabataan, sa Barangay Roxas, Catubig, Northern Samar noong Pebrero 8. Hindi bababa sa dalawang menor de edad ang namatay habang isa ang lubhang nasugatan. Kabilang sa mga biktima ang mga batang edad 12-anyos at 9-anyos.

Ang karumaldumal na krimeng ito ay lansakang paglabag sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at sa mga dokumento at internasyunal na kumbensyon hinggil sa mga alituntunin ng digma at nagsisiguro ng kaligtasan ng mga sibilyan, kung saan pirmado ang Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Isa itong krimen sa gyera kung saan may malinaw na pananagutan ang kumander ng mga tropa na nagsagawa ng operasyon, ang battalion commander ng 20th IB na si Lt. Col. Joemar Buban, kumander ng 8th Infantry Division na si Maj. Gen. Edgardo de Leon, kumander ng Philippine Army na si Lt. Gen. Romeo Brawner Jr., at chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Gen. Andres Centino, gayundin ang numero unong berdugo-terorista at utak ng pinatinding todo-gyera ng estado laban sa mga sibilyan na si Rodrigo Duterte.

Batay sa ulat na natanggap ng NDF-EV mula sa kinauukulang yunit ng BHB, hindi simpleng “naipit sa engkwentro” ang mga kabataang pinagbabaril sa Roxas. Ang nangyari ay dalawang magkahiwalay na insidente: isa ay kontra-reyd ng isang yunit ng BHB laban sa isang kolum ng mga elemento ng 20th IB na nagtatangka ring magreyd sa kanila, at ang isa pa ay walang habas na pang-istraping ng isa pang kolum ng mga tropa ng 20th IB sa mga kabataang nagsasabak (nagdadala ng produktong kopras) ilang panahon kasunod ng kontra-reyd ng BHB. Ang dalawang kolum ay bahagi ng 30-kataong pwersang nag-ooperasyon sa bahagi ng Roxas at nanggugulo sa mga nakapalibot na sibilyang komunidad.

Malinaw na isinaad ng responsableng yunit ng BHB sa kanilang ulat na sa magkaibang lugar nangyari ang kanilang opensiba laban sa mga sundalo, kung saan dalawang tropa ang napatay, at ang pang-istraping ng mga sundalo sa mga kabataang sibilyan. Siniguro din ng nasabing yunit ng BHB na walang sibilyan sa pinangyarihan ng opensiba. Samantala, sapilitang pinasama ng mga tropa ng 20th IB ang iba pang mga sibilyan sa kanilng operasyon.

Lubos kaming nakikidalamhati sa mga kamag-anak ng mga kabataang biktima ng karahasan ng mga tropa ng 20th IB. Siguradong labis ang kanilang paghihinagpis sa pagkawala ng kanilang mga kabataan na puno sana ng pag-asa, ngunit maagang pinagkaitan nito ng walang pusong mga tropa ng pasistang rehimen.

Nakikiisa ang mga rebolusyunaryong pwersa sa malawak na mamamayang napupuyos sa galit sa mga pasistang tropa ng estado na nagsagawa ng walang pusong pag-atakeng ito sa mga musmos na bata. Nakikiisa kami sa kanilang sigaw ng hustisya at paniningil para sa lahat ng mga biktima ng karahasan sa kamay ng pasistang rehimen. Kasama kami sa kanilang pagkundena sa lantarang pagsisinungaling at desperadong pagtago ng AFP sa tunay na nangyari sa Roxas, gayundin ang pagbaling nito ng sisi patungo sa BHB upang pagtakpan ang kanilang kriminal na pananagutan. Ito ay kahit pa tahasang itinuro ng isa sa mga batang biktima, bago siya pumanaw, ang mga sundalo na siyang nagpaputok sa kanila.

Ang pag-istraping sa kabataan sa Roxas ay isa lamang sa napakaraming kaso ng pangistraping at patumanggang pag-atake ng pasistang militar sa mga sibilyan sa Eastern Visayas. Noong 2020-2021, nailista ng NDF-EV ang hindi bababa sa 12 insidente ng pangistraping ng mga pasistang tropa sa kalupaan (Tingan ang nakalakip na Apendiks).

Kabilang dito ang pag-istraping sa mag-amang nasa kanilang sakahan sa Barangay San Vicente, Catubig noong Nobyembre 2021; dalawang insidente ng pangistraping sa Barangay Cuenco, Las Navas, Northern Samar noong Pebrero 2021; sa pitong magsasaka, kabilang ang dalawang bata sa Borongan City, Eastern Samar noong Nobyembre 2020; at sa mga pamilyang Meraya at Durin noong Hunyo at Hulyo 2020. Bago nito, inistraping din ang mga mag-amang Cabe sa Tagab-iran, Las Navas noong 2018. Sa marami sa mga kasong ito, ipinalabas ng militar na mga “nanlaban” o mga kasapi ng BHB ang kanilang mga biktima.

Taliwas sa mahabang rekord ng BHB ng mahigpit na pagtalima sa pangangalaga sa karapatan at kagalingan ng mga sibilyan sa kondukta ng gyera, saksakan ng dumi at duguan ang rekord sa karapatang pantao ng AFP. Wala itong pagrespeto sa karapatan ng mga sibilyan. Sagad sa buto ang kanilang kasakiman na sa gitna ng matinding krisis at paghihirap ng mamamayan, winawaldas nila ang pera ng taumbayan sa pagpapaulan ng bala sa mga sibilyan at sa mga operasyong militar na nagdadamay sa mga inosente.

Sa harap ng mga pagkatalo sa BHB, tinutuon ng AFP ang galit at hibang na paghiganti sa mga walang kalaban-labang sibilyan, kahit sa mga batang musmos. Dagdag pa, siguradong itutuon din ng AFP ang galit nito sa mga lokal na upisyal na pinilit nitong pumirma ng “memorandum of agreement” o “kasunduang” nagpapaako sa kanila ng responsibilidad kung may mangyaring “masama” sa mga sundalo sa panghahalihaw at pagkakampo nila sa mga baryo.

Ngunit hindi malulunod ng ingay ng mga bala, bomba at kanyon ng pasistang militar ang lakas ng nagsusumidhing galit ng mamamayan sa kanilang pasismo at brutal na karahasan. Nananawagan ang NDF-EV sa malawak na mamamayan na tuluy-tuloy na ilantad at kundenahin ang bawat kaso ng paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng mga pasistang tropa ng rehimen. Dapat silang makiisa sa pagkundena sa pangistraping sa Roxas at sa iba pang kaso ng walang patumanggang pag-atake ng militar sa mga sibilyan sa tabing ng mga operasyong “kontra-insurhensiya.” Nananawagan ang NDF-EV sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao gaya ng Commission on Human Rights, ang himpilan ng National Democratic Front of the Philippines, mga taong-simbahan, at mga organisasyong tagdepensa ng karapatang pantao, na makiisa sa pagkundenang ito.

Nananawagan ang NDF-EV sa lahat ng yunit ng BHB na maglunsad ng malawakang mga taktikal na opensiba upang pagbayarin nang mahal ang mga tropa ng 20th IB at ang lahat ng pasistang alipures ng rehimeng Duterte na nagsasagawa ng mga karumaldumal na mga krimen sa mamamayan. Hindi dapat nila hayaang maghari-harian ang mga pasista sa kanayunan at umastang mga panginoong walang aabuting araw ng paghusga.#


Apendiks. Inisyal na listahan ng mga kaso ng pang-istraping ng mga pasistang tropa ng estado sa kalupaan sa Eastern Visayas (2020-2021).

Pang-istraping:

  • ng 20th IB sa pamilyang Meraya sa Barangay Bagacay, Palapag, Northern Samar noong Hunyo 2020;
  • ng 78th IB sa 7 magsasaka, kabilang ang dalawang bata sa kamay ng 78th IB sa Borongan City, Eastern Samar noong Hulyo 2020;
  • ng 20th IB CAFGU sa pamilyang Durin sa Barangay Natawo, Palapag, Northern Samar noong Hulyo 2020;
  • ng 78th IB sa magkakapatid na Cadello sa Barangay Quezon, General Macarthur, Eastern Samar noong Nobyembre 2020;
  • ng PNP-SAF sa apat na magsasakang nagdadala ng palay sa Barangay Cuenco, Las Navas, Northern Samar noong Pebrero 2021;
  • ng PNP-SAF sa anim na magsasaka malapit sa isang eskwelahan sa Barangay Cuenco, Las Navas Northern Samar noong Pebrero 2021;
  • ng mga tropa ng AFP sa magkakapatid na Ogatcho sa Barangay Balud, Silvino Lobos, Northern Samar noong Marso 2021;
  • ng PNP-SAF sa mga pagmamay-ari ng tatlong magsasakang residente ng Barangay Hitapi-an, Catubig, Northern Samar noong Hulyo 2021;
  • ng PNP-SAF sa isang magsasakang residente ng Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar noong Agosto 2021;
  • ng PNP-SAF sa apat na magsasakang residente ng Barangay Rizal, Gamay, Northern Samar noong Agosto 2021;
  • ng 20th IB sa tatlong magsasaka sa pagitan ng Epaw at San Isidro, Las Navas, Northern Samar noong Oktubre 2021;
  • ng PNP-SAF sa isang mag-amang magsasaka sa kanilang sakahan sa Barangay San Vicente, Catubig noong Oktubre 2021;
Kundenahin ang walang awang pang-istraping ng AFP sa mga kabataan sa Roxas, Catubig