Kundenahin ang walang-pusong pagpaslang sa pinuno ng Partido na si kasamang Giron
Translation/s: English
Sukdulan ang pagkundena ng Partido Komunista ng Pilipinas sa walang-pusong pagpaslang sa pinuno ng Partido na si Julius Giron (Ka Nars), kanyang doktor na si Lourdes Tan Torres at kanilang kasamahan noong Marso 13 sa Baguio City. Kasinungalingan ang ibinalita ng mga sundalo at pulis na maghahain sila ng mandamyento sa tatlo. Isa itong operasyong pagpaslang sa ganap na alas-3 ng madaling araw na may malinaw na layuning paslangin si Giron at lahat ng mga saksi.
Nagpupuyos sa galit ang buong Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa pagpaslang kay Ka Nars.
Aabot na sa 70 taong gulang si Giron at mahina na dahil dito. May kahirapan na si Giron sa pagmantine ng kanyang balanse. Wala siya at kanyang mga kasamahan sa pusisyon para makalaban sa mga pasistang armadong ahente ng estado at katunayan ay walang dalang mga armas sa kanilang tinutuluyan. Ang sinasabi ng mga pulis na pinaputukan sila ni Giron ay isang malaking palabas para pagtakpan ang kanilang krimen.
Sa katunayan, walang pusong pinaslang si Giron. Mga kriminal ang mga pumaslang at nasa likod ng pagpaslang. Titiyakin ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan na magbabayad sila sa kanilang krimen.
Duguan ang kamay ni Duterte sa pagkamatay ni Giron. Ang pagpaslang sa kanya ay isinagawa sa basbas ng gera ng panunupil ni Duterte laban sa Partido at pambansa-demokratikong rebolusyonaryong kilusan. Matagal nang gustong patayin ni Duterte at kanyang mga susing upisyal sa militar at seguridad si Giron na siyang isa sa mga nangungunang kadre ng Partido at pangunahing konsultant sa kapayapaan ng Nationa Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ang walang-pusong pagpaslang kay Giron ay taliwas sa kamakailang palipad-hanging pagpapanumbalik ng usapang pangkapayapaan ni Duterte sa NDFP. Pinatutunayan lamang nito na hindi matagumpay na makapanunumbalik ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP hangga’t nananatili ang Proclamation 374 at Executive Order 70 ni Duterte. Sa ilalim ng mga kautusang ito, nagsasagawa ang mga pwersa ng militar at pulis ng mga pamamaslang, maramihang pag-aresto, pagdukot, sarbeylans at intimidasyon at ibang porma ng panunupil laban sa mamamayan.
Nagluluksa ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang buong rebolusyonaryong kilusan at ang mamamayang Pilipino sa pagkawala n Ka Nars, huling pangalan sa pakikibaka ni Giron. Ipinapaabot ng Partido ang taos-pusong pakikiramay nito sa pamilya, kamag-anak at mga kaibigan ni Ka Nars.
Isa si Ka Nars sa mga haligi ng Komite Sentral ng Partido, ng Kawanihan sa Pulitika at Komiteng Tagapagpaganap nito, na nagsilbi sa nakaraang tatlong dekada sa sentral na mga organo nito. Sa kabila ng katandaan, nanatili siya bilang masiglang komunistang rebolusyonaryo at isa sa mga susing namumunong kadre ng PKP. Habambuhay siyang mag-aaral at guro ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.
Habambuhay na nakaukit sa kasaysayan ng digmang bayan sa bansa ang rekord ng walang pag-iimbot at matatag na serbisyo ni Ka Nars sa uring proletaryado, Partido, mamamayang Pilipino at kanilang rebolusyonaryong kilusan. Sa panahong humawak si Ka Nars ng mga susing tungkulin sa Partido, marami itong nakamtang mga tagumpay.
Gumampan siya ng susing tungkulin sa pagsasaayos ng pamunuan ng Partido noong 2014 at pagpapatipon ng higit isandaang kadre ng Partido para ilunsad ang Ikalawang Kongreso ng Partido noong 2016. Nahalal siya sa Ikalawang Komite Sentral, sa Kawanaihang Pampulitika at bilang susing upisyal ng Komiteng Tagapagpaganap.
Bilang mga kabataang rebolusyonaryo, pinangunahan niya at ng ibang kadre ng Partido ang rebolusyonaryong gawain sa Cordillera at ibang rehiyon ng Northern Luzon noong 1970. Tumulong sila sa pagpanday ng pagkakaisa ng mga Igorot, at sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos ng pambansang minorya sa kanilang paglaban sa pambansang pang-aapi, pagtatanggol sa kanilang lupang ninuno, at sa kanilang laban para sa tunay na kasarinlan. Kasama siya ng mamamayan ng Cordillera sa makasaysayang pakikibaka laban sa Chico River Dam Project.
Maaaring nagtagumpay ang rehimeng Duterte sa pagpatay kay Ka Nars. Ngunit, sa karuwagang ipinakita ng rehimen sa pagpaslang kay Ka Nars sa masaker sa Baguio City noong Marso 13, lalo lamang nitong pinaigting ang muhi ng mamamayan sa mga pasistang krimen nito at pinatatag ang kanilang determinasyon na lumaban at wakasan ang paghahari ng terorismo ng estado at lahat ng porma ng pang-aapi at pagsasamantala.
Mabuhay ang alaala ni Ka Nars! Ang iyong dugo ay patuloy na dadaloy sa mga ilog ng Magat at Agno, Catubig at Pulangui, at laging magsisilbing inspirasyon sa uring proletaryado at lahat ng masang anakpawis na maglunsad ng rebolusyon hanggang tagumpay!