Kundenahin at biguin ang lansakang paglabag sa karapatang tao ng mga focused military operations ng AFP sa Timog Mindoro!

 

Mariing kinukundena ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army-Mindoro (LDGC – NPA-Mindoro) ang pinakabagong kasuklam-suklam na paglapastangan sa karapatang pantao ng 4th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Timog Mindoro.

Walang-patumanggang pinaulanan ng bala ang isang bahay sa Sitio Ar-ar, Brgy. Manoot, Rizal, Occidental Mindoro noong Oktubre 3, 2019, alas-7:30 ng gabi. Dalawang sibilyan ang nagtamo ng malubhang tama ng bala. Naganap ang naturang paglabag sa karapatang tao dahil sa palpak na impormasyong nakuha ng mga militar na umano’y may mga myembro ng NPA ang nasa loob ng naturang bahay.

Nasa 30 tropa ng 4IB ang dali-daling sumugod sa bahay ni Mariela Torres, residente ng Brgy. Manoot, lulan ng isang 6×6 army truck at dala pa ang isang tangke saka pinagbabaril ang kanilang bahay. Nagtamo si Mariela, na noo’y nagdadalang-tao, ng tama ng bala sa kanyang balikat at hita. Samantalang ang kapatid nito, si Rica, ay nagtamo naman ng tama ng bala sa paa. Upang isalba ang kanilang mukha sa kahihiyan, kunwa’y sumaklolo ang mga pulis at dinala ang dalawang sugatang sibilyan sa malapit na ospital.

Ito ang tunay na mukha ng mga focused military operations (FMO) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa balangkas ng kontra-insurhensyang programa ng rehimeng US-Duterte, ang Joint Campaign Plan Kapanatagan ng AFP katuwang ang Philippine National Police (PNP).

Umasa tayo ng panibagong serye ng paglabag sa karapatang tao ngayong nagsimula na ang huling FMO ng AFP sa huling kwarto ng taong ito. Kumbinsido ang AFP na nagtagumpay ang kanilang FMO noong Hunyo hanggang Agosto ngayong taong 2019 matapos na magdulot ng matinding pagpapahirap sa sibilyang populasyon.

Sa kabilang banda, bigo ang mga FMO ng AFP na kubkubin ni isang yunit ng NPA man lamang. Samakatuwid, ang ipinagbubunyi ng AFP na tagumpay ng mga FMO nito ay ang pagsikil sa karapatan ng mamamayan. Ito ang pamantayang mahusay na naabot ng 4IB at 203rd Brigade kung bakit sila ginawaran ng Southern Luzon Command bilang “best battalion” at “best brigade” sa buong Timog Luzon.

Naglulunsad ang AFP ng mga FMO sa mga erya kung saan aktibo ang mamamayan na magprotesta laban sa mga agresyong pangkaunlaran, tulad ng mapangwasak na operasyon ng pagmimina at proyektong pang-enerhiya. Ganito ang ginawa nila sa tatlong buwang FMO ng AFP sa mga baryo ng Monteclaro at Batasan sa San Jose, Occidental Mindoro at Lisap sa Bongabong, Oriental Mindoro. Ito ang sasaklawin ng multi-bilyong Pitkin Petroleum Limited na planong magmina ng natural gas at iba pang yamang-mineral.

Ang sibilyang populasyon ang pinakaapektado ng mga FMO ng AFP. Naghahasik ng lagim o terorismo ang mga militar sa mga eryang nilulunsaran ng FMO, kung saan karaniwan nang kaganapan ang istraping, pagnanakaw, tortyur, pambobomba, panununog, taktikal na interogasyon, iligal na paghahanap, pag-aresto at pagkukulong, pekeng pagpapasurender at extra-hudisyal na pamamaslang.

Nananawagan ang LDGC – NPA-Mindoro sa lahat ng mga yunit nito sa isla na paigitingin ang pakikidigmang gerilya upang biguin ang mga focused military operation, gayundin ang inasukalang bala na pakana ng mga Community Service Programs na magkabilang kamay ng Oplan Kapanatagan.

Gayundin, marapat na magbangon ang lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang tao ng AFP. Hikayatin ang lahat ng mamamayan na nagmamahal sa kaparatang tao at tunay na kalayaan at demokrasya na sama-samang itakwil, ilantad, biguin at labanan ang Oplan Kapanatagan. Tanging sa sama-samang pagkilos at tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan masisingil ang mga mersenaryo at berdugong AFP-PNP. Pagbayarin ng mahal ang pangunahing mga kapural nito — si Duterte mismo, bilang hepe ng AFP-PNP, at ang mga galamay nito na sina Delfin Lorenzana, Hermogenes Esperon, Eduardo Año, Oscar Albayalde, pati na ang mga upisyal-militar ng 4IB, 203Bde at 2nd Infantry Division ng Philippine Army.

Katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang tao ng AFP!
Itransporma ang ating makauring galit sa pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa tagumpay!
Sumapi sa New People’s Army at maglingkod sa bayan!

Kundenahin at biguin ang lansakang paglabag sa karapatang tao ng mga focused military operations ng AFP sa Timog Mindoro!