Labanan ang doble-karang pagpapakatuta nina Duterte at Marcos Jr sa US at China
Walang ibang nagdiriwang sa ika-124 anibersaryo ng huwad na Kalayaan ng Pilipinas kundi ang US, China, si Duterte, Marcos at lahat ng mga kasapakat nila. Sina Rodrigo Duterte at Bongbong Marcos ay ang bagong tagapagmana ng taksil na si Emilio Aguinaldo mula sa hilera ng mga papet na naghari sa Pilipinas. Dahil sa pagkaganid sa kapangyarihan, ibinebenta nila ang kanilang kaluluwa sa demonyo, sa imperyalismo.
Sa katapusan ng Hunyo, iiwan ni Duterte ang bansang saklot ng dalawang pinakamalalaking imperyalistang kapangyarihan. Habang buong pagkapapet, inutil at lantarang nagtataksil sa bayan sa pagsubasta sa China ng mga teritoyong saklaw ng Pilipinas sa West Philippine Sea, sunud-sunuran si Duterte sa mga neoliberal na patakarang dikta ng US. Bago sya bumaba sa poder ay tiniyak niyang kung hindi man maaprubahan ang charter change ay maipasa ang mga batas na higit na magbubukas sa bansa sa ibayong dayuhang panghihimasok at pandarambong. Inihabol ni Duterte bago bumaba sa poder ang pagpapasa sa RA 11659 o ang batas na nag-aamyenda sa Public Service Act para pahintulutan ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa tatlong pangunahing serbisyo publiko (telekomunikasyon, riles at airline). Ganundin ang RA 11647 o pag-amyenda sa Foreign Investments Act na nagpapahintulot naman sa buu-buong dayuhang pagmamay-ari sa mga negosyo sa bansa kabilang ang maliliit na mga negosyo.
Pinabayaan ni Duterte ang China na dambungin at wasakin ang yaman ng West Philippine Sea sa kapinsalaan ng mga mangingisda at buong kabuhayan ng bansa. Gayundin, inabandona ni Duterte ang mga mangingisdang walang habas na hinaharas, pinagbabawalan at sinasagasaan ng malalaking barko ng China. Walang kahihiyan niyang isinubasta ang mayayamang isla sa WPS kapalit ng dambuhalang mga proyektong Build Build Build na gatasang-baka ng kanyang rehimen at mga alipures niya tulad ng Kaliwa Dam Project.
Habang umiigting ang girian sa pagitan ng US at China sa gitna ng mainit na tensyon sa Europa na humantong sa gera sa Ukraine, hinayaan ni Duterte na magpayao’t parito ang USS Carl Vinson sa West Philippine Sea at maglunsad ng sunud-sunod na pagsasanay-militar. Hindi niya inalintana ang panganib na maaaring idulot nito sa bansa sakaling tumindi ang tensyon at humantong sa gera ang girian sa pagitan ng US at China.
Ang garapalang pangangayupapa ni Duterte sa interes ng mga imperyalista ay asahang hihigitan pa ni Marcos II. Sa panahon pa lamang ng kampanya ay iprinesenta na niya ang kanyang malambot at mapagpaubayang paninindigan sa pagharap sa US at China. Kaya nga hindi pa man naipoproklama si Marcos II ay nagkokoro na ang dalawang imperyalistang kapangyarihan sa pagbati sa bagong rehimen.
Hindi pa man nauupo si Marcos II ay inihayag na niya ang kahandaang muling pirmahan at palawigin ang Visiting Forces Agreement sa US. Kaya hindi nakakapagtaka ang paulit-ulit na pagpapahayag ng imperyalistang bansa at mga pinakikilos nitong bayarang institusyon para palisin ang anumang pagdududa sa resulta ng nakalipas na pambansang eleksyon. Samantala, si Marcos din ang bukod-tanging tumindig sa pagkakaroon ng bilateral na pakikipag-usap sa China mula pa sa panahon ng kampanyahan. Sa halip na igiit ang ipinanalong kaso ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration, palasukong umayon si Marcos II sa pahayag ng China ng pagbalewala sa desisyong pabor sa Pilipinas.
Hindi nagdiriwang ang sambayanan ngayong Hunyo 12. Bagkus, ikinagagalit nila ang mahigit 124 taon ng pangangayupapa, pang-aapi at pang-aalipin ng imperyalismong US, at ngayon ng China sa ating bayan. Lalo silang nasusuklam dahil ang kasalukuyan at papalit na lider ng bansa ay isa na namang papet, taksil at bentador ng kalayaan ng bansa. Dapat labanan ng bayan ang garapalan at doble-karang pangangayupapa ni Duterte at ng papalit na rehimeng Marcos II sa imperyalismo. Isinusubo nila ang bansa at ang mamamayan sa higit na panganib at kapahamakan, makapangunyapit lamang sa poder. Ibayong isulong at suportahan ang pambansa-demokratikong rebolusyon na tanging magbibigay ng ganap na kalayaan sa bansa mula sa lahat ng anyo ng dayuhang pananakop, pang-aapi at pagsasamantala.###