Labanan ang Executive Order no. 70 at Martial Law Extension sa Mindanao! Labanan ang pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte!
December 20, 2018
Kinukundena ng mamamayang Bikolano ang garapalang pagbaba ng estadong atas na Executive Order No. 70 na siyang pormal na pagpapatibay sa panukalang National Task Force Against Communist Insurgency (NTF) at ang pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao hanggang 2019. Katambal ang iba pang pasistang hakbanging MO 32, Oplan Kapayapaan at Tokhang, ganap nang naitayo ni Duterte ang mga haligi ng kanyang pakanang Nationwide Martial Law tungong pasistang diktadura.
Mabilis na nalusaw ang kanyang populistang maskara at malantad sa mamamayan ang tunay nitong kulay bilang isang drug overlord, uhaw sa kapangyarihan, kurakot, papet ng US at China at taksil sa bayan, tirano, mamamatay-tao at sagadsagaring pasista. Tanging sa pasistang diktadurang dinisenyo ng US lubusang makokonsolida ni Duterte ang pampulitikang kapangyarihan upang durugin ang rebolusyunaryong kilusan na siyang namumuno sa tumitinding pakikibaka ng sambayanan laban sa kanyang pasistang paghahari at neoliberal na pandarambong.
Sa pagpapatibay ng NTF at pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao, tinatangkang linlangin ng rehimen ang mamamayan na tanging sa militaristang pamamaraan, na nangangahulugan ng pamamayani ng armadong karahasan, malulutas ang ugat ng armadong sigalot.
Sa ilalim ng E.O.70, ipinangangalandakan ng rehimen ang militaristang estratehiyang Whole-of-Nation/Government at Good Governance approach na suportado ng mamamayan ang opensibang militar laban sa rebolusyunaryo at ligal-demokratikong kilusan, na siya diumanong pangunahing sagka sa pag-unlad. Ito ay upang pagtakpan ang sa katotohanan ay kawalang-interes ng rehimeng tugunan ang ugat ng kahirapang ibayo pa ngang pinalala ni Duterte at ng AFP bunga ng malawakang pagpaslang at iba pang pasistang krimen ng militar at pulis kasabay ng pagdausdos ng kabuhayan dulot ng pasaning dagdag buwis, mataas na presyo, mababang sahod, korupsyon at ibayong paglaganap ng iligal na droga sa bansa.
Isinasakatuparan ng Whole-of-Nation/Government approach ang pagtransporma sa buong reaksyunaryong makinarya ng gobyerno, maging ang iba pang sibilyang ahensya at institusyon katulad ng midya, bilang kasangkapan ng militar sa kontrarebolusyunaryong gyera, na isang tusong paraan ng pagkukubli sa aktwal na pagpapairal ng batas militar. Upang maisagawa ito, pasasaklawin ng NTF ang awtoridad, panghihimasok at kontrol ng militar sa lahat ng sibilyang ahensya at institusyon, mula nasyunal hanggang lokal na yunit ng gubyerno. Ang nagaganap na militarisasyon sa burukrasya, kasalukuyang pinatampok ng pagtalaga sa dating AFP Chief Carlito Galvez bilang Presidential Adviser on the Peace Process, ay sang-ayon sa disenyo ng NTF upang ipailalim sa kontrol ng militar ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno, pakilusin ang mga ito alinsunod sa adyenda at kagustuhan ng militar. Lahat ng mga programa, patakaran, prayoridad, pondo at mga rekurso ng iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno ay ituturing na bahagi ng kanilang malawakang operasyong militar.
Sa mga komunidad, binibigyang-matwid ng EO 70 ang pagpapatuloy ng mga mapanlinlang na pamamaraan upang ikubli ang mga operasyong militar at paniktik. Kabilang dito ang mga civil-military operations (CMO), information operations, inter-agency coordination, stakeholders’ engagement, at community support programs. Ginagawang lehitimo ang panghihimasok ng militar sa mga karaniwang sibilyang aktibidad sa komunidad tulad ng pamimigay ng 4Ps, medical at relief missions, mga proyektong agrikultural katulad ng irigasyon at sa aktwal na gawaing produksyon ng masa at maging sa pagpapel bilang lupon tagapamayapa sa mga barangay. Binibigyang-matwid rin ng E.O 70 ang pagpapalaganap ng mga ala-Oplan Tokhang na pamamaraan ng pamamaslang, katulad ng planong pagdagdag ng mga Duterte Death squads.
Sa pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao, lubusang makakabig ni Duterte ang suporta ng imperyalistang US sa kanyang pasistang diktadura kapalit ang walang sagkang pagpasok ng militar at pang-ekonomya nitong interes sa bansa. Tuntungan ang pagpapatupad ng Batas Militar sa Mindanao upang buksan ang buong bansa sa walang rendang panghihimasok ng mga tropang Amerikano. Ganap nitong binubuksan ang buong likas-yaman ng Mindanao sa walang sagkang pandarambong hatid ng dayuhang negosyo at pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law.
Puspusang tinatrabaho ng kanyang mga alipures na mersenaryong AFP at PNP ang paglalatag ng mga kondisyon upang isakatuparan ang war of rapid conclusion laban sa nakikibakang mamamayan sa layuning walang sagkang maibwelo ang pasistang paghahari ni Duterte. Minamadali na ring matapos ang implementing guidelines ng direktibang MO 32 upang maipatupad bago diumano ang napipintong pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ika-26 ng Disyembre.
Hindi kailanman magiging katugunan ang militarismo sa armadong sigalot at rebolusyunaryong pakikibaka ng mamamayan upang makamit ang panlipunang pagbabago. Sa halip, ito ang pamamaraan ng rehimeng US-Duterte at ng kanyang naghaharing pangkatin upang mamonopolisa sa kanilang kamay lahat ng kapangyarihan at dambong at supilin sinumang kumontra rito. Sa katunayan, gagamitin ang pagpapatupad ng EO 70 at pag-iral ng pinalawig na Batas Militar sa malawakang manipulasyong magaganap sa halalang 2019 at ibayong maitulak ang Charter Change at bogus na pederalismo, na ngayon ay naipasa na sa Huling Pagbasa ng Mababang Kapulungan.
Malaong tinanganan at yinakap ng mamamayan ang rebolusyunaryong armadong pakikibaka upang ipaglaban ang kanilang mga demokratikong interes na inagaw at pinagkait ng imperyalismong US at ng lokal na naghaharing uri gamit ang armadong pandarahas. Sa halip na malinlang, pinukaw lamang ng rehimeng US-Duterte ang mamamayang ibayong makibaka upang pabagsakin ang nabubulok sa krisis na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal na pinalala ng pasista at neoliberal na atake ng rehimeng US-Duterte.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Pilipino na ibayong lumaban upang gapiin ang EO 70 at batas Militar sa Mindanao at pigilan ang rumaragasang pasistang pakana ng rehimen. Gawing inspirasyon ang ika-50 taong anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas upang ibunsod ang papaigting na mga pakikibakang masa at taktikal na opensiba ng Hukbong Bayan hanggang tuluyang magapi ang pasista at teroristang rehimeng US-Duterte at maisulong ang digmang bayan sa mas maunlad na antas.
Labanan ang Executive Order no. 70 at Martial Law Extension sa Mindanao! Labanan ang pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte!