Labanan ang kasakiman ng higanteng monopolyo-kapitalistang mga kumpanya sa langis
Ipinapakita ng walang-tigil na mataas na pagsirit ng presyo ng krudo, gasolina at iba pang produktong petrolyo sa nakalipas na dalawang buwan ang kasakiman ng mga higanteng monopolyo-kapitalistang kumpanya sa langis. Sa kapinsalaan ng sambayanang Pilipino, bilyun-bilyong piso ang kinakamal na supertubo ng mga kumpanyang ito at ang kanilang mga kasosyong dayuhang monopolyong kapitalista.
Sa unang hati ng taon, limpak-limpak na tubo ang kinita ng pinakamalalaking dambuhalang kumpanya sa langis. Ang Petron Corporation, na pagmamay-ari ng malaking burgesyang kumprador na si Ramon Ang, ay nagtala ng netong kita na ₱3.87 bilyon. Noong Hulyo ay muli nitong binuksan ang operasyon sa pagrerepina sa Bataan upang maging solong tagarepina ng krudong langis sa bansa. Gayundin, nagtala ng ₱2.2 bilyong kita para sa unang hati ng taon ang Shell Pilipinas, lokal na subsidyaryo ng Royal Dutch Shell.
Mula ₱121 million sa unang kwarto ng taon, lumaki tungong ₱132 milyon sa ikalawang kwarto ang netong kita ng Phoenix Company na pagmamay-ari ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy. Kamakailan ay binili ng kumpanya sa halagang $1,025 bilyon ang mga sapi ng Shell at Chevron sa operasyon ng pagmimina ng langis sa Malampaya. Patuloy na nagpalawak ng operasyon ang lokal na subsidyaryo ng Chevron Company na Caltex Philippines sa pagbubukas ng 14 na bagong istasyon ng gasolina mula simula ng 2021.
Ang kinakamal na yaman ng mga kumpanya sa langis na ito ay nagsisilbi lamang sa walang pakundangang paggastos at maluluhong pamumuhay ng iilan nilang mga ehekutibo. Nagkakamal sila ng supertubo nang hindi nagbabanat ng buto, at pinanonood lamang ang pagpasok ng pera habang nasa loob ng kanilang mga kumportable at de-aircon na mga upisina. Marangya silang nabubuhay habang ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino ay nagdurusa sa mababang sahod, kawalan ng trabaho at kawalan ng kita. Habang nagtatampisaw sa luho ang mga upisyal ng mga kumpanya sa langis, ang mga manggagawa, magsasaka at masang anakpawis ay sadlak naman sa kahirapan at kagutuman, at nagdurusa sa bigat ng abot-langit na mga presyo ng langis, pagkain at iba pang batayang pangangailangan.
Pinapaburan ng reaksyunaryong gubyerno sa Pilipinas ang higanteng mga kumpanya sa langis. Ang walang-pakundangang pagkakamal nila ng tubo ay pinagtibay ng batas sa deregulasyon sa langis kung saan maaari silang ng presyo nang walang pamamahala o kontrol ng estado. Sa pamamagitan ng labis-labis na ipinapataw na buwis sa presyo ng langis, malaki rin ang pananagutan ni Duterte sa mahal na presyo ng langis. Ang mga buwis na ito ay nagsisilbi sa malawakang korapsyon ng mga burukratang kapitalista at kroni ng rehimeng Duterte.
Ang iba’t ibang panukala na subsidyuhan ang mga presyo ng langis ay maglilipat at magbabaha-bahagi lamang sa bigat ng mapang-aping mga presyo mula sa kagyat na mga konsyumer ng produktong petrolyo tungo sa mga nagbabayad ng buwis sa pangkalahatan. Sa esensya, ang mga ito ay subsidyo ng estado upang tiyakin ang supertubo ng mga kumpanya sa langis.
Ang tanging katanggap-tanggap na kagyat na solusyon sa problema ng matataas na presyo ng diesel, gasolina at iba pang produktong petrolyo ay ang pagrolbak ng mga kumpanya sa langis sa kanilang mga presyo. Hindi ikamamatay ng mga kumpanya sa langis ang pagbawas sa mga presyo ng langis, kahit pa sa makabuluhang rolbak. Gayunpaman, isang bagay ito na hindi nila kusang gagawin dahil itinutulak sila ng walang hanggang paghahangad na magkamal ng palaki nang palaking tubo. Sa kabila ng paggamit ni Duterte ng tiraniya laban sa mamamayan, hindi niya gagamitin ang kanyang kapangyarihan ni maobliga ang kanyang kumpadre na si Ramon Ang at kanyang mga kauri na bawasan ang kanilang kasakiman.
Ang mamamayang Pilipino lamang ang nagtataglay ng kapangyarihang at kapsyahang itulak ang mga kumpanya sa langis na irolbak ang mga presyo. Dapat nilang tipunin ang kanilang lakas at ipakita ang kanilang galit laban sa mga kapitalista sa langis na nagpapayaman sa kapinsalaan ng mamamayan, at laban sa mga burukratang kapitalista na nagpapayaman sa bawat buwis na ibinabayad sa kada litro ng petrolyo.
Dapat ituon ng mamamayan ang kanilang protesta upang ilantad, tuligsain at labanan ang kasakiman ng mga kumpanya sa langis at mga burukratang kapitalista, at igiit ang rolbak sa mga presyo ng langis at pagbasura sa labis-labis na mga buwis.