Labanan ang matinding pang-aabuso ni Duterte sa kapangyarihan ng estado
Malaking banta sa mga ligal na oposisyong kritikal sa rehimeng US-Duterte ang serye ng mga maniubra, panggigipit at pagpapatalsik ng pasistang rehimen upang hawanin ang landas sa kanyang tiranikong paghahari. Gamit ang kapangyarihang pang-estado, tuloy-tuloy ang pangkating Marcos-Arroyo-Duterte (MAD) sa panggigipit sa mga kilalang kritiko nito
Marami-rami na ang mga ginamitan ng dahas at intimidasyon ng rehimeng US-Duterte gamit ang reaksyunaryong mga batas para patahimikin ang mga tulad nila Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Senador Leila De Lima, Ombudsman Conchita Carpio Morales, DENR Secretary Gina Lopez at Senador Antonio Trillanes. Maging si Vice President Leni Robredo na aktwal na banta na papalit sa kanyang pusisyon bilang tagapangulo ay target din ng pagpapatalsik at panggigipit. Ang Commision on Human Rights at ang mga kaparian at ang mismong simbahang katoliko na kritikal sa rehimeng US-Duterte ay dumaranas rin ng pandarahas, panggigipit at pang-aalipusta.
Walang tigil na ginigipit ang mga progresibong grupo’t indibidwal tulad nina DAR Secretary Rafael Mariano, DSWD Secretary Judy Taguiwalo, NAPC Chairman Liza Maza, Makabayan Congressman Satur Ocampo at Teddy Casino. Mapanganib para sa mamamayang Pilipino ang pasista at tiranikong katangian ni Duterte. Gustong patahimikin ni Duterte ang mga indibidwal, grupo at mga progresibong organisasyon sa kanilang militanteng pagtutol sa mga maling patakarang pinapatupad ng reaksyunaryong estado. Pilit hinahawan ni Duterte ang landas tungo sa isang diktadurang paghahari.
Dapat maging mapagmatyag ang buong sambayanang Pilipino sa oportunistang katangian ni Duterte. Higit sa lahat nasasalamin sa katauhan nito ang larawan ng diktador na si Marcos. Hindi na lamang iniidolo si Marcos kundi ginagawa na ni Duterte ang isang diktadurang paghaharing mapanupil at sumisikil sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan sa bansa. Dapat ipaglaban ng mamamayang Pilipino ang pagkakamit ng tunay na demokrasya, kalayaan at matagalang kapayapaan sa bansa.
Nananawagan ang MGC NPA-ST sa mga progresibo at militanteng mamamayan at organisasyon ng iba’t ibang uri at sektor na maging mapangahas sa hamon tungo sa radikal na pagbabagong panlipunan. Sa panahon ngayon, sa ilalim ng pasista at tiranikong rehimen, walang puwang ang magpakaduwag sa harap ng isang naninibasib na halimaw. Ang paglaban sa isang mapaniil at mapang-aping reaksyunaryong estado ay makatarungan sa mata ng buong sambayanang Pilipino at mamamayan ng daigdig. Walang mapamimiliang landas ang sinusupil at inaaping mamamayan kundi ang hawakan sa kanilang mga kamay ang kinabukasan ng mga susunod na salinlahi ng lipunang Pilipino.
Mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan, magkaisa!
Ibagsak ang pasista, tiranikong rehimeng US-Duterte!
Sumapi sa NPA at lumahok sa matagalang digmang bayan!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!