Labanan ang rehimeng US-Marcos II, at isulong ang digmang bayan!

Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChineseHiligaynon

Sa pamamagitan ng pandaraya sa eleksyong Mayo 9 gamit ang mga vote-counting machine na ipinograma ng palsipikadong mga SD card, pineke ng paksyong Marcos at Duterte ng naghaharing reaksyunaryong mga uri ang panalong “landslide” na mayroong imposibleng 31.5 milyong boto. Si Ferdinand Jr, anak at kapangalan ng kinamumuhiang dating diktador na Marcos, ay nakatakdang manumpa ngayong araw bilang presidente at, kasama si Sara Duterte, anak ng tiranong si Rodrigo, bilang bise presidente, ay maghari sa isang ilehitimong rehimen at mamumuno sa isang sistemang batbat sa krisis at kumukulong panlipunang ligalig.

Pasistang mga krimen at krisis ang pamana ni Duterte

Sa anim na taon, pinagdusa ang mamamayang Pilipino sa walang-patid na pampulitikang panunupil at papalubhang mga anyo ng pagsasamantala at pang-aapi.

Gumamit si Duterte ng panlolokong demagogo para linlangin ang bayan sa kanyang bogus na “gera kontra droga” at “gera sa terorismo” at huwad na pag-unlad sa diumano’y “ginintuang panahon ng imprastruktura” para ipataw ang tiranikong paghahari, sindakin ang masa, isentralisa at solohin ang mga suhol at iba pang porma ng korapsyon, gantimpalaan ang mga kroni ng mga pribilehiyo at matatabang kontrata ng gubyerno, kunin ang katapatan ng militar at pilis, at magkamal ng napakalaking yaman at kapangyarihan at palawigin ang kanilang dinastiyang pulitikal.

Lalong ibinaon ni Duterte ang bansa sa burak ng atrasado at hindi industriyalisadong ekonomya sa pamamagitan ng ibayong liberalisasyon sa importasyon at pagpabor sa dayuhang mamumuhunang binigyan ng mga insentiba sa buwis, mababang sahod ng manggagawa at pagbuwag sa mga regulasyong pangkalikasan. Nananatiling nakasalalay ang lokal na produksyon sa importasyon at dayuhang pamumuhunan sa kapital, at sa kalakha’y nakatuon sa pag-eeksport ng bahagyang ipinroseso at lokal na inasembol na mga kalakal (electronic chips, automobile wiring, pyesa sa computer) at hilaw na produktong agrikultural (kalakha’y saging at pinya).

Sa ilalim ni Duterte, lalong naging atrasado at pang-agrikultura ang ekonomya ng Pilipinas. Lalong hindi natutugunan ang pangangailangan ng bayan para sa sapat na trabaho at pagkukunan ng kabuhayan. Mayorya sa mamamayan ang tali pa rin sa produksyong pang-agrikultura. Sa upisyal na estadistika, lumalabas na maliit ang bahagdan ng agrikultura sa pambansang produksyon (na bahagyang bumagsak mula 10.4% tungong 9.6%), pero ang totoo’y hindi binibinilang ang malaking bahagi ng ekonomya sa kanayunan (pana-panahong manggagawang bukid, hindi bayad na mga kasapi ng pamilya, yaong kung anu-anong trabahong pinapapasok, mga mangangaso at iba pa). Hindi rin binibilang ang masang magsasasakang pinalayas ng malawakang pangangamkam ng lupa ng mga kumpanya sa mina, plantasyon, at mga proyektong pang-imprastruktura, enerhiya at turismo na hindi lumilikha ng sapat na dami ng trabahong katumbas ng winawasak nito. Patuloy na napapako ang pagmamanupaktura sa mas mababa sa 20% bahagdan ng gross domestic product, na hindi kayang saluhin ang papalaking hukbo ng wala at kulang sa trabaho. Patuloy na lumalaki ang bilang ng mga Pilipinong desperadong makapagtabaho sa ibayong dagat.

Mag-iiwan si Duterte ng gabundok na ₱12.7 trilyong pampublikong utang, higit doble sa ₱5.9 trilyong utang nang maupo siya sa pwesto. Bigo ang anim na taong todong pangungutang na pigilan ang pagsadsad ng ekonomya. Tahasang kasinungalingan ang pinalalabas na napunta sa pagtugon sa pandemya ang malaking bahagi ng utang. Katunayan, karamihan sa inutang ni Duterte ay napunta sa mga di tapos na proyektong “Build, Build, Build” na kasosyo ang malalaking lokal na burgesyong kumprador, pawang pinopondohan ng dayuhan, pero katunaya’y bumabalik sa kanilang mga kontraktor, at nagmamanupaktura ng bakal at kagamitan, at pumupuno sa bulsa ng pinaborang kumpanya ng mga kroni.

Tumaas nang higit 50% ang taunang pagbabayad ng utang sa ilalim ni Duterte mula ₱790 bilyon noong 2016 tungong ₱1.2 trilyon ngayong taon. Ang mga ito ay binabayaran ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng paparaming pabigat na buwis, pagkakaltas sa paggastos para sa serbisyong panlipunan at dagdag pang pangungutang. Ang TRAIN Law ay isa sa mga pinakanaunang batas ni Duterte. Parati itong maaalala ng bayan na labis ang pagkamuhi sa labis nitong pagpapahirap sa malawak na masa.

Sa nagdaang anim na taon, nagdusa ang bayan sa tumataas na presyo ng halos lahat ng produkto at serbisyo kung saan pinakamataas ang implasyon sa loob ng ilang dekada. Pinako at binawasan ang sahod sa ilalim ni Duterte. Katiting ang umento sa minimum na arawang sahod ng mga manggagawa at nanatiling nasa antas na lubhang malayo sa pamantayang nakabubuhay. Tahasang niyuyurakan ang karapatan ng mga manggagawa para pigilan silang makapag-unyon at alisan sila ng lakas na makapagnegosasyon para sa mas maayos na sahod, kundisyon sa paggawa at kaayusan sa pagtatrabaho. Ipinagpatuloy ni Duterte ang malawakang sistema ng kontraktwalisasyon sa paggawa na dahilan ng napakatitinding porma ng pagsasamantala sa mga manggagawa. Sa panahon ng pandemyang Covid-19, nagdusa ang mga Pilipino sa pagkalugmok ng sistema ng pampulikong kalusugan dulot ng pagkaltas sa pondo ng serbisyong panlipunan sa nagdaang mga taon. Lalong nangngalit ang bayan sa paggamit ni Duterte at kanyang mga alipores sa pandemyang Covid-19 para magbulsa ng bilyun-bilyong piso sa maanomalyang mga kasunduan sa pagbili ng mga kagamitan. Dapat puspusang kundenahin ang rehimeng Duterte sa pagiging inutil nito sa harap ng mabilis na paglubha ng kalagayan pang-ekonomya ng bayan sa unang bahagi ng 2022 sa harap ng nagtataasang presyo at kawalan ng trabaho.

Para pigilang sumambulat ang galit ng bayan, ginamit ni Duterte ang walang-katulad sa bagsik at walang-habas na pasistang terorismo ng estado. Tinatayang hindi bababa sa 30,000 mamamayan ang pinaslang ng pulis at mga vigilante na suportado ng estado sa kampanyang “gera kontra droga” ni Duterte para kontrolin ang iligal na kalakalan ng droga. Sa pamamagitan ng Executive Order 70 (2017) na bumuo sa National Task Force (NTF)-Elcac at ang “Anti-Terrorism Law” noong 2020, tinarget ni Duterte ang malawak na ligal, demokratiko, patriyotiko at progresibong mga pwersa gamit ang kampanya ng red-tagging, kriminalisasyon at pagwasiwas sa sistemang ligal, pang-aaresto at matagalang detensyon at ektrahudisyal na pamamaslang.

Sa tulak ng imperyalistang US, ginawa ni Duterte na sentrong patakaran ng estado ang “kontra-insurhensya” at ipinailalim ang sibilyang burukrasya sa kontrol ng militar. Walang-kapantay ang halaga ng pondong ibinuhos niya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tabing ng “modernisasyon” para bumili ng mga drone, jet fighter, bomba, kanyon, riple, at iba pang kagamitang militar mula sa mga kumpanya sa depensa ng US. Itinaas niya ang sweldo ng mga upisyal at tauhan ng AFP higit sa ligal na buwanang sweldo para tiyakin ang katapatan at utang na loob ng AFP.

Sa lubhang kapinsalaan ng bayan sa nagdaang limang taon, gumamit ang AFP ng desperadong mga taktikang kontra-gerilya ng paglulunsad ng sustenidong multi-batalyon o laking-brigadang mga operasyong militar na gumagamit ng ilandaan hanggang sa libong tropa sa isang pokus na erya sa tangkang palibutan at ipitin sa estratehikong mga labanan ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Bata-batalyon mga pasistang tropa ang pinakawalan na parang pangkat-pangkat ng mga asong ulol. Naglulunsad sila ng mga operasyong saywar at paniktik, pagkukural sa mga komunidad, pagreyd sa kabahayan ng mga sibilyan sa gitna ng gabi, interogasyon sa mga sibilyan, gayundin ang pambobomba mula sa himpapawid at panganganyon sa mga sakahan at katabing bulubundukin sa isang walang-puknat na kampanya ng terorismo ng estado, panunupil at pasipikasyon laban sa mga komunidad ng masang magsasaka at katutubng minorya. Ang brutal na mga paninibasib na ito laban sa mga sibilyan ay alinsunod sa hibang na layuning “paghuli sa isda sa pamamagitan ng paglimas sa karagatan.” Pinakamatindi at brutal ang mga operasyong militar sa mga lugar na lumalaban ang masa sa pagpasok at pagpapalawak ng malalaking operasyong negosyo.

Niloloko lamang ng mga upisyal sa depensa at pinuno ng AFP ang kanilang mga sarili sa pagyayabang na “nabuwag” o “napahina” ang higit kalahati sa mga larangang gerilya ng BHB. Bumubuga sila ng hindi kapani-paniwalang bilang ng mga “sumukong BHB” na ilang ulit na mas malaki kaysa taya nila sa bilang ng mga mandirigma ng BHB. Sa katotohanan, nagawa ng mayorya ng mga yunit ng BHB na pangibabawan ang mga nakapokus na operasyong militar ng kaaway gamit ang mga gerilyang taktika ng paglilipat para ipagpalit ang espasyo sa pagkakataon na ikutan ang pangungubkob ng AFP. Ang ganitong mga pleksibleng kontra-hakbanging gerilya ng BHB ay nagpapahintulot sa mga yunit nito na pangalagaan ang kanilang mga pwersa, palawakin ang kanilang mga erya ng operasyon, ibayong palaparin ang kanilang baseng masa, at umani ng dagdag na mga posisyon para maglunsad ng taktikal na mga opensiba o kontra-atake laban sa kaaway.

Dahil may hangganan ang rekurso, limitado ang erya na kayang saklawin ng AFP at Philippine National Police (PNP), na nagpapahintulot sa mga yunit ng BHB na malayang makakilos sa mas malaking erya labas sa saklaw ng mga operasyon ng AFP. Sa mga nasasaklaw nitong erya kung saan ang ang mga sibilyan ay walang habas nilang dinadaluhong, lalo lamang inilalantad ng reaksyunaryong mga pwersa ang kabulukan ng naghaharing sistema at inuudyok ang bayan na lumaban at ginagatungan ang kagustuhan nilang sumapi sa BHB at lumahok sa armadong pakikibaka.

Sa gabay ng Partido, binigo ng BHB ang deklaradong layunin ng rehimeng Duterte na durugin ang armadong pakikibaka ng bayan. Inamin ito mismo ni Duterte nang sinabi niyang ang layuning tapusin ang BHB ay makakamit sa darating na dalawang taon sa ilalim ni Marcos. Mauuwi rin sa kahihiyan ang deklarasyong ito.

Nakapanindigan ang Partido at BHB laban sa todong-atake ng kaaway. Sa kabila ng ilang kabiguan ng ilang bahagi sa unang bugso ng malalaking operasyong militar ng AFP, nananatiling matatag ang BHB at patuloy na nakatatamasa ng malalim at malapad na suporta mula sa masang magsasaka. Ang pagsidhi ng krisis sosyoekonomiko, at ang lumulubhang mga porma ng pang-aapi at pagsasamantala laban sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang anakpawis, ay lumilikha ng paborableng kundisyong para sa paglulunsad ng digmang bayan at lahat ng porma ng pakikibakang masa. Sa pag-usbong ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II, ibayong naging makatwiran ang digmang bayan at ang rebolusyonaryong adhikain.

Umuusbong na awtoritaryanismo at lumulubhang krisis sa ilalim ni Marcos II

Mauupo si Marcos Jr sa poder sa panahong mabilis na sumisidhi ang krisis ng naghaharing sitema na pinalubha ng todong liberalisasyon ng rehimeng Duterte, laganap na korapsyon, walang-awat na pangungutang at paglulustay sa labis na gastusing militar at pulis. Dahil sunud-sunuran sa imperyalismong US, yumuyukod sa mga monopolyong kapitalista ng China, kumakatawan sa mga interes ng naghaharing mga uri ng malalaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa, at dahil siya mismo’y burukratang kapitalista, walang kakayahan si Marcos Jr na solusyunan ang mga problema ng naghaharing sistema. Ang totoo, si Marcos at kanyang rehimen ngayon ang pinakakonsentradong anyo ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na batayang mga problema ng mamamayang Pilipino.

Tiyak na ang krisis ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema at ang mga pagdurusa ng malawak na masa ng mamamayang Pilipino ay ibayong lulubha sa ilalim ng rehimeng Marcos II. Patuloy ding lalalim ang krisis ng naghaharing pampulitikang sistema sa harap ng marahas na tunggalian ng mga paksyon at ng umiigting na mga hinaing ng masa.

Pumapayong sa lokal na krisis sa ekonomya ang matagalang istagnasyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista, na kinatatangian ng paulit-ulit na resesyon at makupad na pagbangon ng United States at iba pang mga sentro ng kapitalismo, ang pagtumal ng ekonomya sa China sa nagdaang ilang taon, at ang higit na dumadalas na pagputok ng malalaki at maliliit na bula sa pinansya, malaking pampublikong utang, mahinang benta ng mga mala-manupaktura mula sa mga bansang malakolonyal, umiigting na kumpetisyon sa ekonomya at kalakalan, mga tumitinding armadong tunggalian at malaking paggasta sa militar sa kapinsalaan ng pampublikong kalusugan at iba pang serbsiyong panlipunan.

Walang bagong inihahapag ang mga disipulo ng IMF at World Bank na hinirang ni Marcos Jr na tagapamahala sa ekonomya, liban sa kanilang pamalagiang solusyon nang pang-aakit sa mga dayuhang mamumuhunan at pagtatayo ng mga imprastruktura. Ilang dekada nang ito ang inihahapag na “solusyon” ng parehong pangkat ng mga teknokrata, na siya namang nagsasadlak nang nagsasadlak sa pagkaatrasado ng ekonomya. Ang “paglago” sa ekonomya ay sinsusukat hindi sa balansyadong pag-unlad ng industriya at agrikultura, at hindi sa pag-unlad sa buhay ng mamamayan, kundi sa kung gaano kalaki ang tubo at yamang kinamkam ng mga dayuhang kapitalista at hinihigop pauwi sa kani-kanilang bansa.

Para-parati na dumudulo ang “solusyon” ng mga teknokrata sa pagpako ng mababang sahod, pagkakaltas sa buwis ng mga dayuhang kapitalista at pagtatanggal sa mga patakarang nangangalaga sa mga pambansang kapitalista, humahantong sa dayuhang pangungutang at higit na lumalaking pampublikong utang, lumalaking depisito sa kalakalan, krisis sa pananalapi at disbalanse sa mga transaksyon ng bansa, at pagtataas ng buwis.

Tulad nang naunang mga reaksyunaryong rehimen, ang papasok na rehimeng Marcos II ay nakatakdang isaisantabi ang matagal nang panawagan ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa bilang solusyon sa problema ng kawalan ng lupa at ligalig sa kanayunan. Ang anunsyo ni Marcos Jr na siya ang mangungulo sa kagawaran sa agrikultura ay hudyat ng mas matinding paghihirap sa masang magsasaka, katulad na inapi sila sa ilalim ng diktadurang Marcos sa deklarasyong ng pekeng reporma sa lupa (PD 27) at mga programang tulad ng Masagana 99 at pondong coconut levy. Malamang ay gagamitin ni Marcos Jr ang kanyang kontrol sa kagawaran sa agrikultura para kontrolin ang mga sindikato sa ismagling, pabilisin ang pagpapalawak ng mga plantasyon ng oil palm sa Mindanao, at hawanin ang daan para sa pagpasok ng mas maraming malalaking kapitalistang plantasyon na nakalaan sa mga pananim na pang-eksport.

 

Haharapin sa unang mga buwan sa lalim ni Marcos Jr ang patuloy na pagsirit ng presyo ng langis, pagkain at iba pang bilihin, paghina ng halaga ng piso, kawalang kakayahang bumili at patuloy na kawalan ng trabaho at mababang sahod, dahil walang kaplano-plano ang papasok na rehimen na kumawala sa mga mga patakarang kontra-mahirap at kontra-mamamayan ng rehimeng Duterte. Dahil walang makabulungang dagdag na badyet, mananatiling hindi handa ang sistema ng pampublikong kalusugan na harapin ang posibleng muling pagdaluyong ng pandemyang Covid-19.

Sa pag-upo ni Marcos Jr, malamang mababawi ng pamilyang Marcos ang lahat ng kanilang bilyun-bilyong dolyar na nakaw na yaman. Idineklara nang patakaran ang hindi paghahabol sa mga kaso ng korapsyon at pandarambong laban sa ari-arian ng mga Marcos, na pagbibigay-katiyakan kay Imelda Marcos na habambuhay ang kanyang kalayaan at karangyaan. Humaharap sa matinding presyur ang mga huwes para baligtarin ang dating mga husga laban sa mga Marcos. Ang ₱203 bilyong hindi bayad na buwis sa ari-arian ng mga Marcos ay maaaring basta na lamang ipag-utos na kalimutan o isaisantabi. Nanatiling walang pagsisisi ang mga Marcos sa lahat ng kanilang pandarambong at korapsyon. Layunin ng pamilyang Marcos na baguhin ang pagkakasulat ng kasaysayan para pagtakpan ang mga krimen ng diktadura at itaguyod ang “alternatibong katotohanan” na ang madidilim na araw ng batas militar ay “ginintuang mga taon” para sa bansa. Hawak nila ngayon ang kapangyarihan para buong-buong bawiin ang lahat ng kanilang ninakaw at lalo pang magkamal sa yaman sa pamamagitan ng panunuhol, kroniyismo, at pamomorsyento sa mga kontrata sa gubyerno at militar, tulad ng diretso noon sa bulsa ni Imelda ang 10% ng lahat ng kontrata sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Ang pag-angat ng pangkating Marcos at ang pananatili ng mga Duterte sa kapangyarihan ay magpapalalim tunggalian sa pulitika at ekonomya ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri. Dahil lumiliit ang ekonomya, lalong hirap magbigayan ang magkakaibang interes sa negosyo. Ngayon pa lang, binabraso na ng bagong rehimen ang ilang malaking negosyo at iniipit para isuko ang mas malaking bahagi ng kanilang kita, tulad nang ginawa ni Duterte at mga rehimen bago niya. Mayroon ding matinding tunggalian sa pagitan ng mga Marcos at Duterte, laluna sa pagnanais ni Marcos na konsolidahin ang kanyang kapangyarihan sa hanay ng mga pwersang militar at pulis, at uk-ukin ang katapatang nabuo dito ni Duterte. Hanggang kanyang makakaya, hindi pahihintulutan ni Rodrigo Duterte si Marcos Jr na isaisantabi ang anak niyang si Sara, tulad ng ginawa niya kay Vice President Leni Robredo sa loob ng anim na taon. Ang pagbubuo ng AFP sa Vice Presidential Security and Protection Group sa hiling ni Sara Duterte ay hampas kay Marcos at nagpapakita ng kanyang malalim na kawalang tiwala, laluna matapos tanggihan ni Marcos Jr ang kanyang isinapublikong pagnanais na italaga sa Department of National Defense, at sa halip, ay itinalaga sa relatibong walang kapangyarihang Department of Education.

Lumilikha si Marcos Jr ng ilusyon itinataguyod niya ang isang “nagsasariling patakarang panlabas” at na kaya niyang pakinabangan ang banggaan ng US at China laban sa isa’t isa sa harap ng umiigting na imperyalistang tunggalian sa ekonomya at militar. Tulad ni Duterte, walang layunin si Marcos na itaguyod ang pambansang soberanya. Sa katotohanan, sunud-sunuran siya sa dalawang panig at layong isuko ang soberanong mga karapatan ng bansa at gawin itong lunsaran ng gera ng dalawang higanteng imperyalista. Sa isang panig, pakay ni Marcos na patuloy na makapagtamasa ang US ng mga karapatang ekstra-teritoryal at panatilihin ang mga pasilidad militar sa loob ng mga kampo ng AFP sa ilalim ng Mutual Defense Treaty, ng Visiting Forces Agreement, ng Enhanced Defense Cooperation Agreement at ibang hindi pantay na kasunduang militar, at sumunod sa atas ng US sa paglulunsad ng todong gera at pagbili ng mga armas mula sa US laban sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Sa kabilang panig, layunin niyang pahintulutan ang China na patuloy na panatilihin ang kanilang pasilidad militar at naghaharing presensya sa West Philippine Sea, magdambong sa rekursong dagat at mineral ng bansa, at magsagawa ng malalaking proyektong imprastruktura na kumokonsumo sa labis na kapital at produkto ng China, at nag-eempleyo ng mga taga-China.

Papatahak sa landas ng pamumunong awtoritaryan ang rehimeng Marcos II. Maging ngayon, malinaw na ang banta sa kalayaan at demokratikong mga karapatan ng bayan, partikular na ang kanilang karapatan sa mapayapang pagtitipon, karapatan sa malayang pagpapahayag at kalayaan sa pamamahayag. Nagdeklara si Marcos Jr at kanyang mga upisyal na wala silang intensyon na muling buksan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.

Sa layuning panatilihin ang patakaran sa panunupil ng rehimeng Duterte, pinaigting ng mga upisyal militar at pulis ang red-baiting at pag-uugnay ng ligal na mga pwersang progresibo at demokratiko sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Itinutulak ng NTF-Elcac at AFP ang pagbabawal sa mga website at paghihigpit sa pag-uulat sa midya sa tabing ng “anti-terorismo,” bilang karagdagan sa nauna na nilang pagtulak na tanggalin sa mga silid-aklatan ng pampublikong paaralan ang mga literatura at librong inakda o may kaugnayan sa NDFP, ang pagred-tag sa mga nagbebenta ng libro at pag-atake sa mga organisasyong masa. Sa kabila ng kabiguan ng todong opensibang miltiar ng AFP na durugin ang armadong rebolusyon sa nagdaang limang taon, ang rehimeng Marcos II at kanilang mga upisyal sa seguridad at depensa ay nananatiling hayok sa paglulunsad ng todong gera sa kanilang pananaginip na talunin ang BHB.

Batbat sa kahirapan at pagdurusa, ang malawak na masa ng mamamayang Pilipino ay nagngingitngit sa matinding galit sa kanilang lumulubhang kalagayang sosyoekonomiko, gayundin sa panunumbalik ng kinamumuhiang mga Marcos at pananatili ng mga Duterte sa pamamagitan ng pandaraya sa eleksyong Mayo 9. Sa ilalim ng tiranya ni Duterte at ng papasok na rehimeng US-Marcos II, ang batayang mga problema ng mamamayang Pilipino ay nalalantad bilang mga ugat na problema ng bayan habang ang krisis ng naghaharing malakolonyal at malapyudal na sistema ay higit lalong tumitindi at nagsasadlak sa malawak na masa sa lumulubhang mga anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Determinado silang maramihang magbangon para ipagtanggol ang kanilang demokratikong mga karapatan at kagyat na mga kahingian. Militante nilang isinisigaw ang kanilang paghahangad para sa rebolusyonaryong pagbabago.

Labanan ang rehimeng US-Marcos II at isulong ang digmang bayan

Dapat samantalahin ng Partido ang krisis sa ekonomya at pulitika ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal para isulong ang kanyang pangkalahatang programa para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa ilalim ng pangkalahatang programa ng Partido, naging isa sa pinakakagyat na tungkulin ng Partido at rebolusyonaryong pwersa ang pagbubuklod at pagpapakilos sa mamamayang Pilipino para labanan ang rehimeng US-Marcos II, kasabay ng pangunahing tungkulin ng pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Ang tungkulin ng paglaban sa rehimeng US-Marcos II ay nakaayon, nagsisilbi at makatutulong na pabilisin ang pangunahing tungkulin ng paglulunsad ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka; sa kabilang panig, ang pagpapaigting sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay nagtataas sa kanilang kakayahan na labanan ang umuusbong na paghaharing awtoritaryan.

Dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang mamamayang Pilipino laban sa ilehitimo, anti-mamamayan, tuta at pasistang rehimeng US-Marcos II. Dapat buuin ang malapad na nagkakaisang prente ng lahat ng pwersang demokratiko, anti-pasista, anti-Marcos at anti-Duterte. Inilalantad nila ang pandaraya sa eleksyong Mayo 9 at itinatakwil ang resulta nito. Dapat patuloy na alalahanin at itakwil ng bayan ang kasaysayan ng korapsyon, pandarambong at pang-aabusong militar at pulis sa ilalim ng diktadurang US-Marcos I. Dapat labanan ng bayan ang mga pagtatangkang baligtarin ang kanilang pangkasaysayang hatol. Dapat nilang igiit ang panawagan na pagbayarin si Imelda at ang mga Marcos, at kanilang mga kasabwat sa kanilang mga krimen ng korapsyon at pandarambong, at malulubhang paglabag sa karapatang-tao kabilang ang libu-libong pagpaslang, masaker, tortyur at pampulitikang detensyon. Kasabay nito, dapat nilang igiit na isakdal at parusahan si Rodrigo Duterte at kanyang militar at pulis sa kanilang mga krimen laban sa sangkatauhan at krimen sa digma sa nagdaang anim na taon, at sa malawakang korapsyon at pagtataksil sa soberanya ng bansa. Bukas ang mga rebolusyonaryong hukumang bayan para sa pagsasakdal, paglilitis at pagparusa kay Duterte.

Sa simula pa lamang ng paghawak ni Marcos Jr sa estado-poder, dapat nang labanan ng mamamayang Pilipino ang lahat ng mapang-aping patakaran at hakbanging ipapataw niya sa bayan. Dapat nilang ilantad at itakwil ang lahat ng pekeng pangako at ilusyon na tiyak na lilikhain ni Marcos Jr at ng kanyang gubyerno para magsilbing panabing sa lahat ng mga inihanda niyang plano para linlangin, pagnakawan sa at pagtaksilan ang bayan.

Dapat puspusan at walang-pagod na pukawin, oraganisahin at pakilusin ang malawak na masa ng manggagawa, magsasaka at anakpawis, estudyante, guro, akademiko, propesyunal, ordinaryong empleyado at iba pang demokratikong sektor para maglunsad ng kanilang mga pakikibakang anti-imperyalista, antipyudal at antipasista. Dapat nilang patatagin at paramihin ang kanilang mga unyon at organisasyong masa na silang batayan ng lakas ng malawak na nagkakaisang prente laban sa rehimeng US-Marcos II.

Dapat maglunsad ng mga demokratikong pakikibaka kapwa sa kalunsuran at kanayunan para isulong ang kagyat na kahingian ng bayan at ang mga hangarin nilang pambansa-demokratiko. Dapat ilunsad at palakasin ang pakikibaka ng mga manggagawa, malaproletaryado sa kalunsuran, mga estudyante at kabataan, guro, empleyado at iba pang aping mga uri at sektor sa mga syudad. Ang mga ito ay dapat ding makatulong sa pagpapatampok sa kalagayang sosyo-ekonomiko at panununpil ng estado sa kanayunan. Dapat maikawing ang pakikibaka para sa pagpapataas ng sahod at sweldo, at para sa libreng edukasyon at libreng serbisyo sa pampublikong kalusugan, sa mga pakikibaka ng masang magsasaka at manggagawang bukid para sa tunay na reporma sa lupa, pagbababa ng upa sa lupa, pagtataas sa sahod ng mga manggagawang-bukid, pagpawi sa usura, at makatwirang presyo sa bentahan ng mga produktong bukid, laban sa pangangamkam ng lupa ng malalaking plantasyon komersyal, kumpanya sa mina at enerhiya, ekoturismo at mga proyektong imprastruktura, at pagwawakas sa todong liberalisasyon sa improtasyon at walang-humpay na ismagling ng bigas, gulay, karne at iba pang produktong pang-agrikultura.

Dapat buung-buo at mabilisang inilalantad at kinukundena ang laganap na paglabag sa karapatang-tao, abusong militar at pulis at malublubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas. Dapat itaas ng mga organisasyong masa ang kanilang kakayahan sa paglalantad at pag-uulat ng lahat ng insidente ng pamamaslang, masaker at arbitraryong pag-aresto, matagalang pampulitikang detensyon, laluna sa mga liblib na lugar sa kanayunan. Dapat nilang ipabatid ang mga ito sa pangkalahatang publiko, sa pambansa at internasyunal na antas.
Sa kalunsuran at kanayunan, dapat magkaisa ang bayan para makibaka laban sa pagsirit ng presyo ng langis at iba pang batayang bilhin, laban sa dagdag na mga pahirap na buwis, ibayong liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, at iba pang mga patakarang dikta ng mga imperyalista, at laban sa pagtataksil sa soberanya ng bansa sa anyo ng pandarambo sa ekonomya ng mga korporasyong multinasyunal, panghihimasok ng China sa teritoryo ng bansa at panghihimasok militar ng US.

Dapat ilantad at labanan ng malawak na nagkakaisang prente ng mga pwersang demokratiko, progresibo at patriyotiko ang mga patarakan sa kontra-insurhensyang gerang inuudyukan ng US sa tabing ng “gera kontra terorismo ng US.” Dapat puspusan nilang ilantad ang papel ng imperyalistang gubyerno ng US at mga tagapayong militar nito sa pagpatay sa usapang pangkapayapaan, panunulsol ng militarismo, pagpapatindi sa gerang panunupil at paggamit sa mga taktika ng malawakang mga operasyon militar at pambobomba mula sa himpapawid, istraping at panganganyon, sa tulak nitong ibenta ang mga armas ng mga ganid-sa-tubong mga kumpanya sa depensa ng US at kanilang mga subsidyaryo. Dapat nilang tutulan ang papalaking papel ng militar gamit ang NTF-Elcac sa pagpapatakbo ng burukrasya, pangangasiwa sa programa ng iba’t ibang ahensya ng estado para magsilbi sa kampanyang panunupil nito, at sa pagdidikta sa patakaran ng estado. Sa ilalim ng indoktrinasyon ng kontra-insurhensyang dogma ng US, ang mga pasistang panatiko sa AFP ay naglulunsad ng armadong panunupil laban sa lahat ng pwersang anti-imperyalista sa Pilipinas, kabilang ang mga pwersang hindi armado at ligal-demokratiko.

Alinsunod sa direksyong itinakda ng Komite Sentral sa pahayag nito noong Marso 29, dapat patuloy na itaas ng Partido ang kakayahang lumaban ng Bagong Hukbong Bayan at ng masa, at magpunyagi sa landas ng matagalang digmang bayan. Dito, itinakda ng Partido ang mga tungkulin para makapangibabaw ang BHB sa todong kontrarebolusyonaryong gera ng AFP, na suportado ng US, at ng tiranikong rehimeng Duterte.

Habang idinedeklara ng Partido ang matagumpay na pagbigo sa deklaradong layunin ni Duterte at ng AFP na durugin ang Partido at armadong rebolusyon bago magwakas ang termino ni Duterte, handa rin itong harapin ang walang-puknat na mga atake at pinatinding pasistang opensiba ng AFP sa ilalim ng rehimeng Marcos II sa pamamagitan ng pagsusulong ng masaklaw at masinsing pakikidigmang gerilya sa batayan ng papalapad at papalalim na basneg masa.

Ang lahat ng kumand at yunit ng BHB ay dapat magtasa sa kanilang mga kalakasan at sa sitwasyon ng kaaway. Dapat magsikap na tuluy-tuloy na hawakan ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagtitiyak ng nakasasapat na malapad na erya ng operasyon para sa paglilipat-lipat, konsentrasyon at pagkakalat-kalat, mataas na antas ng disiplinang militar, mabilis na gerilyang pagkilos para umiwas at makalabas sa pangungubkob ng kaaway, pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng pagpapalawak at konsolidasyon at sa pagitan ng mga pagbubuo ng mga pwersang horisontal at bertikal. Dapat silnag magsikap na magkamit ng mga dagdag na pwesto para sa inistyatiba para sa paglulunsad ng napapanahon at taktikal na mga opensiba nang may isandaang porsyentong katiyakan nang pagkapanalo.

Dapat patuloy na magpalakas ang BHB at magpalawak ng kanilang baseng suporta ng masang magsasaka, na pangunahing nakasalalay sa mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid, kumakabig sa panggitnang magsasaka, nagnunyutralisa sa mayayamang magsasaka at nagsasamantala sa mga bitak sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong asendero para ihiwalay ang pinakareaksyunaryong seksyon ng mga panginoong maylupa. Dapat patuloy na imulat, organisahin at pakilusin ng Partido at BHB ang masang magsasaaka para maglunsad ng mga pakikibakang antipyudal at antipasista, magtayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, at pakilusin ang masa para maglunsad ng pakikidigmang gerilya laban sa kaaway.

Matatag ang katwirang tinitindigan ng mga pwersa ng armadong rebolusyon, laluna sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos Jr at umiigting na panggigipit at nagpapatuloy na mga pag-atake laban sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang brutal na pasistang atake ng pwersang militar at pulis ni Marcos laban sa masang magsasaka ay nagtutulak sa kanilang lumaban at maglunsad ng armadong pakikibaka.

Para isulong ang pakikibaka laban sa rehimeng US-Marcos II at ibayong isulong ang digmang bayan, dapat kumprehensibong pandayin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang sarili at itaas ang kanyang kakayahan na pamunuan ang BHB at ang malawak na hanay ng mga pwersang maka-uri at pampulitika. Lahat ng komite ng Partido sa lahat ng antas ay dapat walang-kapaguran sa pagtupad ng lahat ng mga tungkulin sa larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Puspos ng determinasyon, tiyak ang Partido at BHB na magtamo ng higit na lakas sa darating na mga taon sa ilalim ng rehimeng Marcos II para ipagtanggol ang mamamayang Pilipino at isulong ang kanilang pambansa-demokratikong adhikain.

Labanan ang rehimeng US-Marcos II, at isulong ang digmang bayan!