Labanan ang terorismo ng AFP-PNP sa Mindoro
Mariing kinukondena ng Melito Glor Command (MGC)-NPA Southern Tagalog ang pang-aatake ng pasistang 203rd Brigade sa mamamayan ng Mindoro sa ilalim ng anti-komunistang gera ng NTF-ELCAC. Nakagagalit ang walang pusong pagbabaling nito ng gera sa mamamayan sa gitna ng walang kaparis na kahirapang dinaranas ngayon sa bansa.
Nitong Hulyo 3, naiulat ang pang-aatake ng pinagsamang pwersa ng 4th Infantry Battallion ng 203rd Brigade Philippine Army at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa isang pamilya sa Sitio Tauga Daka, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Sa proseso ng pag-ooperasyon ng mga berdugo, nasugatan ang mga ito sa mga balatik sa panabihan ng lupain ng isang Mangyan-Buhid na nagngangalang Inyab. Dahil sa insidente, dinahas ng mga pasista si Inyab subalit nagawang lumaban ng huli at natigpas ang tenga ng isang sundalo. Sa galit, naghuramentado ang tropa at walang patumanggang nagpaputok sa bahay ni Inyab na nagresulta sa pagkamatay ng isang bata. Matapos nito, dinakip si Inyab, isang matandang babae at bata at dinala sa kampo sa Sitio Hingin, Brgy. Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro. Pinakamasahol, ipinalabas ng 203rd Brigade na isang engkwentro sa pagitan ng NPA-Mindoro ang pangyayari at ang napaslang na bata ay isang Pulang mandirigma.
Dinakip naman ang limang sibilyan sa Brgy. Villa Pag-asa, Bansud, Oriental Mindoro noong Hulyo 5 at ipinrisinta sila bilang mga kasapi ng NPA. Para makakubra ng pabuya, pinalalabas ng 203rd Brigade na isa sa mga nadakip ang anak ng yumaong tagapagsalita ng CPP na si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Malaon nang lantad ang luma at laos na modus ng AFP-PNP na pekeng pagpapasuko at pagtatatak sa mga sibilyan bilang NPA para makahuthot ng malaking pera sa pondo ng bulok na reaksyunaryong gubyerno.
Noong Hunyo 8, sinunog ng mga pasistang 4th IBPA ang isang bahay sa Sitio Hagupit, Brgy. Lisap sa gitna ng pag-ooperasyon nito sa lugar. Para tumagal sa barangay, nagpakulo ang mga berdugo na magtatayo sila ng basketball court. Nababahala ang mamamayan, laluna ang mga Mangyan Bangon, dahil sinasagkaan ng mga militar ang kanilang paghahanapbuhay. Mistulang batas militar ang lugar kung saan hindi makapagkaingin ang mga residente.
Ang papatinding atake ng AFP-PNP sa kanayunan ay nagtutulak para sa mamamayang Pilipino na mag-aklas at lumaban. Punumpuno ng puot at galit ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa papatinding kontra-rebolusyonaryong gerang inihahasik ng AFP-PNP sa kanayunan habang binabayo ang bayan ng walang kaparis na kahirapan sa pagpasok ng rehimeng US-Marcos II.
Makakaasa ang mamamayan na bibigwasan ng NPA ang mga palalong pasista na walang ibang ginagawa kundi maghasik ng karahasan. Bibiguin ng MGC-NPA ST kasama ang malawak na mamamayan ng TK ang hibang na kontra-rebolusyonaryong gera ng NTF-ELCAC. Nararapat at makatwiran lamang na tapatan ng rebolusyonaryong dahas ang kamay na bakal ng estado.
Pinagpupugayan din ng MGC ang matatapang na Mangyan Buhid na magiting na lumaban para depensahan ang sarili at kanilang lupaing ninuno. Nananawagan ang MGC sa mamamayan ng rehiyon na gamitin ang lahat ng armas, makabago o katutubo, upang labanan ang teroristang AFP-PNP.
Bukas ang mga larangan at sonang gerilyang saklaw ng MGC sa mamamayang gustong humawak ng sandata, nais ipagtanggol ang sarili at lumaban sa karahasan ng estado. Sama-sama nating ipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan at itayo ang tunay na gubyernong magsisilbi sa interes ng mamamayan.###