Labanan ang Terorismo ng Estado, Magpunyagi sa Matagalang Digmang Bayan

,

Ngayong Hulyo 4 imamarka ang ikalawang taon ng pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law of 2020 (ATL). Ito rin ang huling dalawang taon sa poder ng diktador at tiranong si Duterte nang ipahayag na dudurugin niya ang CPP-NPA-NDFP. Sa huling dalawang taon, binalot ng pasistang lagim ang buong bansa na nagdulot ng lansakang paglabag sa mga demokratikong karapatan at paglapastangan sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

Ang ATL ang pinakarurok sa serye ng pasista at anti-demokratikong mga patakaran na ipinatupad ni Duterte. Bago pormal na aprubahan ang ATL ng rubber stamp na Kongreso at Senado ay nauna na niyang ipinatupad ang Proclamation 55 noong Setyembre 4, 2016 na nagdeklara ng state of national emergency sa Mindanao para sugpuin ang inimbentong nagaganap na lawless violence sa Marawi. Sinundan ito ng Memorandum Order (MO) No. 3 noong Setyembre 7 na nagtakda ng mga gabay sa pagsugpo ng AFP-PNP sa lawless violence.

Sa pagpasok ng Enero 1, 2017, sinimulan ang implementasyon ng Oplan Kapayapaan, ang kontra-insurhensyang plano ng AFP. Pagsapit ng Abril 2017, ipinatupad ang Executive Order (EO) No. 16, para buuin ang pangkalahatang kontra-rebolusyonaryong patakaran ng estado sa ilalim ng National Security Policy (NSP) 2017-2022. Matapos nito, winakasan ni Duterte ang pakikipag-usap para sa kapayapaan sa NDFP sa kanyang Proclamation 360 noong Nobyembre 23, 2017 at idineklarang terorista ang CPP-NPA sa Proclamation 374 pagsapit ng Disyembre 5, 2017.

Para simulan ang pagtugis sa mga pambansa–demokratikong pwersa, inilabas ni Duterte ang proscription petition noong Pebrero 8, 2018 na listahan ng mahigit 600 indibidwal na karamiha’y mga sibiliyan at aktibista na tinatakan bilang mga terorista. Para supilin ang lumalakas na rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao, idineklara niya ang batas militar doon sa pamamagitan ng Proclamation 216 noong Mayo 3, 2018. Ipinataw naman noong Nobyembre 22, 2018 ang MO 32 para dagdagan ang mga pwersang militar at pulis sa Bikol, Negros at Samar dahil umano sa pag-iral ng state of lawless violence. Lumundo ito sa pagbubuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF- ELCAC) noong Disyembre 4, 2018 sa bisa ng EO 70 sa balangkas ng whole of nation approach. Kinaladkad nito ang buong makinarya ng estado at kinopo ang pondo ng mga sibilyang ahensya sa ngalan ng “pagsugpo sa insurhensya”. Sa kumpas ng NTF-ELCAC, pinagsilbi ang mga LGUs at LGAs sa kontra-rebolusyonaryong kampanya at ipinailalim ang mga ito sa kapangyarihan ng AFP-PNP. Sinagasaan nito ang sibilyang katangian ng mga ahensya ng gubyerno at itinutok sa paglulunsad ng mga huwad na mga programa at proyekto sa mga baryong nilulunsaran ng focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO).

Hindi sapat sa tiranong si Duterte at sa kaniyang militarista at berdugong mga alipures ang mga pasistang Proclamation, EOs, joint task forces at ang NTF-ELCAC. Kinailangan nilang selyuhan ng pasistang ATL ang kanilang mga pasistang pakana para bigyan ito ng gulugod at gawing lehitimo sa mata ng mamamayan at reaksyunaryong batas. Bunsod nito, walang kahihiyang pinagtibay ni Duterte ang ATL sa kasagsagan ng pananalasa ng COVID-19 habang nasa ilalim ng militaristang lockdown ang buong bansa.

Likas sa pasistang paghahari ni Duterte na ituring na mga terorista ang lahat ng pwersang humamon sa kanyang absolutong kapangyarihan. Ginamit niya ang ATL para sagasaan ang mga pundamental na demokratikong karapatan ng mamamayan at supilin ang kanilang lehitimong pakikibaka gamit ang pinakabrutal na pwersa ng estado. Naging kalakaran ang red-tagging sa mga aktibista, mga progresibong grupo, taong simbahan, maging mga sibilyan at kalauna’y sinasampahan sila ng gawa-gawang kasong may kaugnayan sa armadong pakikibaka. Marami sa kanila ang dinukot at pinatay sa pamamagitan ng ala-tokhang na operasyong pang-aatake. Tampok sa mga kasong ito ang naganap na Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 na pumaslang sa siyam na mga aktibista at iligal na nang-aresto sa siyam na iba pa sa Timog Katagalugan.

Ang pasistang patakaran ni Duterte ay nagresulta sa isa sa pinakamalubhang paglabag sa karapatang tao kung saan naitala ang 63,774 iba’t ibang kaso ng mga paglabag mula Enero 2020 hanggang Disyembre 3, 2020 pa lamang. Sa gitna ng pandemyang COVID-19, naglunsad ng walang patid na FMO at RCSPO ang mga yunit ng AFP-PNP sa 1,075 barangay ng 389 bayan o siyudad sa 64 probinsya. Ipinalasap sa mamamayan ang terorismo ng estado at karahasan ng AFP-PNP sa anyo ng mga pagpaslang, pagpapahirap, pananakot, intimidasyon at walang patumanggang pambobomba at istraping sa kanilang mga komunidad.

Sa anim na taon ni Duterte naitala sa rehiyon ang 56 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 315 kaso ng iligal na pang-aaresto, tatlong (3) kaso ng pagdukot, anim (6) kaso ng pambobomba sa mga komunidad at apat (4) na insidente ng pagpapakamatay matapos tortyurin ng militar habang libu-libo ang biktima ng sapilitang pagpapalayas sa mga komunidad.

Sa paghahabol na madurog ang CPP-NPA sa Timog Katagalugan, naghabol ng deployment ng pasistang tropa ng AFP-PNP noong Pebrero para sa kanilang “final push”. Idinagdag ang 68th IBPA at higit pang humaba ang listahan ng pasistang pang-aatake sa sibilyang populasyon. Pinakahuling kaso ay nitong Hulyo 3, kung saan dinumog ng pinagsamang pwersa ng 4th Infantry Battalion ng 203rd Brigade Philippine Army at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang isang pamilya sa Sitio Tauga Daka, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Walang patumanggang pingbabaril ng mga ito ang bahay ng sibilyan na nagresulta sa pagkamatay ng isang bata. Noong Hulyo 2, pinasok ng 10 sasakyan ng pinagsanib na pwersa ng 59th IBPA, PNP-Batangas at PNP-CALABARZON ang Sityo Sales, Brgy. Pook, Balayan, Batangas at pinalibutan ang mga kabahayan roon. Nireyd ang mga bahay at hinarang ang mga sibilyan. Tinutukan ng baril sa pagitan ng hita ang isang biktima habang iniinteroga.

Sa pagpasok ng ilehitimong pangulo na si Ferdinand Marcos Jr., tiyak na gagamitin niya ang inilatag na mga pasistang patakaran at pinamanang ATL ni Duterte. Magiging napakadali kay Marcos Jr. na ipatupad ang pasistang diktadura kagaya ng kanyang amang diktador na si Marcos Sr. Inaasahan na ipapataw ng rehimeng Marcos II ang awtoritaryang paghahari kung saan walang lugar ang pagsalungat at kritisismo. Gagamitin niya ang pangil ng ATL para dahasin at supilin ang lehitimong kahilingan ng mamamayan para sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan sa pulitika at ekonomya.Tulad ng paggamit ng kanyang ama sa multo ng komunismo para bigyang-matwid ang pagdedeklara ng Martial Law noong 1972, ang patakaran ng red-tagging at teroristang pagbabansag ay tiyak na titindi sa ilalim ni Marcos II.

Hindi pagugupo at hindi isusuko ng sambayanang lumalaban ang kanilang mga demokratikong karapatang pinuhunanan ng pawis at dugo ng mga naunang nakibaka. Patuloy na lalaban ang aping mamamayan para ipagtanggol ang kanilang buhay at karapatan sa madilim na hinaharap sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II. Pinatunayan ng kasaysayan na hindi nagtagumpay si Marcos Sr. sa kanyang diktadurang paghahari, bagkus umani ito ng galit ng sambayanang Pilipino na lumundo sa pagpapatalsik sa kanya noong 1986.

Kasabay ng maigting na pakikibaka sa ilalim ng rehimeng Marcos II ay patuloy na sisingilin at papanagutin ng sambayanan ang mga krimen ng rehimeng Duterte. Dapat tuldukan ang pamamayagpag ng mga pasistang rehimen sa pamamagitan ng determinadong paglaban ng mga pwersang pambansa at demokratiko. Dapat suportahan at ibayong palakasin ang mga kampanya para ibasura ang ATL.

Sa pagsahol ng krisis ng monopolyo kapitalismo at ng malakolonyal at malapyudal na Sistema sa Pilipinas, aasahan ang mas mapanupil at mapagsamantalang kondisyon na ihahasik ng mga tunay na terorista. Habang patuloy na bumubulusok ang sistemang kapitalista na higit na pinasasahol ng neoliberal na globalisasyon at ng pandaigdigang gyera “kontra-terorismo”, ang mamamayan ang higit na nalulugmok sa kumunoy na kahirapan dulot na patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, pagkain at sebisyo. Subalit ito rin mismo ang magtutulak sa kanila upang magkaisa at lumaban sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala at magpunyagi sa matagalang digmang bayan.###

Labanan ang Terorismo ng Estado, Magpunyagi sa Matagalang Digmang Bayan