Labanan ang walang-tigil na pagtataas ng presyo ng langis at ang malaswang pagkakamal ng kita ng mga kumpanya ng langis
Read in: English
Tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang walang-tigil na pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo simula magbukas ang taon para mabilisang magkamal ng kita ang mga kumpanya ng langis at maging dagdag pasakit sa mamamayang Pilipino sa gitna ng pananalasa ng pandemyang Covid-19 at malubhang krisis sa ekonomya.
Simula Enero 6, tumaas ang presyo ng diesel nang hindi bababa sa ₱5.70/litro, regular na gasolina nang ₱4.61/litro, unleaded na gasolina nang ₱4.27/litro at kerosene nang hindi bababa sa ₱5.01/litro. Bago ang mga pagtaas kahapon, ang pagtataas sa lokal na presyo ng mga produktong petrolyo ay dalawang ulit na mas madalas kaysa pagbababa nito.
Ang presyo ng diesel at unleaded na gasolina ay itinaas nang walong beses at ibinaba nang tatlong beses lamang. Hanggang Marso 11, ang presyo ng petroloyo ay nanatiling mataas nang tatlong beses na mas matagal kaysa bumaba. Ang presyo ng diesel, sa partikular, ay pinanatiling mataas nang 49 na araw at nanatiling mababa nang 15 araw lamang.
Pinalulubha ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang kasalukuyang mabigat na pasaning dinaranas ng malapad na hanay ng masang Pilipino, higit lalo ang mga manggagawa, magsasaka at malaproletaryado, sa harap ng walang-tigil na pagsirit ng mga presyo at mababang sahod at kawalan ng kita. Ang tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo ay nagdudulot ng ibayong pagtataas sa presyo ng pagkain, transportasyon at ibang batayang bilihin at mga serbisyo.
Dapat igiit ng mamamayang Pilipino ang makabuluhang pagbababa ng mga presyo sa dating mas mabababang antas para bawasan ang kanilang sosyo-ekonomikong pasanin. Maaari nilang igiit ang pagkokontrol sa presyo ng petrolyo at pagtatanggal sa dagdag na mga buwis na ipinataw noong nakaraang taon ni Duterte na ipinababalikat sa mga konsyumer.
Sinasamantala ng mga kumpanya ng langis ang tumataas na benta ng petrolyo matapos alisin ang mga restriksyon para sa malaswang pagkamkam ng tubo sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino. Nais nilang mabilis na magkamal ng kita para marekober ang kanilang nalugi o nabawasang kita sa nakaraang taon at sa harap ng mga banta ng posibleng pagbabalik ng mga restriksyon sa harap ng nananalasang pandemya.
Sa kabila ng pagkalugi noong nakaraan taon dahil sa mga lockdown at mababang demand, ang mga kumpanya ng langis sa pangunguna ng Petron at Shell ay nanatiling pinakamalalaking kumpanya na kumikita ng bilyon-bilyong piso. Kung pagsasamahin, kontrolado ng dalawang kumpanya ang higit sa 45% ng lokal na bentahan ng mga produktong langis. Para isagad ang kanilang kita, gumagana sila bilang isang kartel kasama ang iba pang kumpanya sa langis para sila-sila ang magtakda sa mga presyo.
Nililinlang ng mga kumpanya ng langis at ng DOE ang mamamayang Pilipino sa pagsasabing dapat agad tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo tuwing tumaas ang pandaigdigang mga presyo ng krudong langis. Paanong itatakda ng nagdaang pagbabago ng presyo ng krudong langis ang lokal na presyo ng petrolyo kung ang ibinebentang nakaimbak na petrolyo sa bansa ay dumating ilang linggo o buwan na ang nakararaan?
Sa katunayan, ang Pilipinas ay hindi na nag-aangkat ng krudong langis. Simula noong nagdaang buwan, 100% ng produktong petrolyo na ibinibenta sa Pilipinas ay inangkat bilang mga yaring repinadong produkto. Isinara ng Petron ang refinery nito ng langis sa Limay, Bataan noong Enero (naka-iskedyul na muling buksan sa ikalawang hati ng taon), pagkatapos isara ng Shell ang refinery nito sa Tabangao, Batangas noong nakaraang taon.
Ang mga refinery na pag-aari ng Chinese ay naging numero unong pinakamalalaking pinagmumulan ng inangkat na mga produktong petrolyo. Noong 2019, 64% ng inangkat na diesel ay nanggaling sa China. Mula Enero hanggang Oktubre sa nakaraang taon, lumobo ang inangkat na langis mula China nang 434.1%. Ang mga mayor na refinery ng langis, lalo na sa China, ay mayroong imbak na krudong langis na tatagal nang 90 hanggang 120 araw na nagbibigay seguridad sa kanila sa mga biglaang pagsirit ng pandaigdigang presyo ng krudong langis.
Teybol: Bilang kung ilang beses na tumaas o bumaba ang presyo mula Enero 6 hanggang Marso 11, batay sa pagtatala ng Department of Energy.
Teybol: Bilang ng mga araw na nanatiling mataas at mababa ang mga presyo mula Enero 6, 2021 hanggang Marso 11.