Labanan at Biguin ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte! Tangkilikin at Pakamahalin ang New People’s Army!

Kaisa ng Cesar Batralo Command-NPA-Laguna ang buong sambayanan sa pagdiriwang ng ika-53 anibersaryo ng New People’s Army. Sama-sama nating ginugunita ang pagkakatatag ng New People’s Army. Ang araw ng Marso 29, 1969 ay simula ng pag-asa sa mamamayang pinagsasamantalahan at ligalig naman para sa mga naghaharing uri. Ito rin ay araw ng paggunita sa mga martir ng sambayanang Pilipino na sina Mario “Ka Jethro” Caraig, Lowel “Ka Bernie” Riza Mendoza, Dioscoro “Ka Termo” Cello, John Carlo “Ka Iñigo” Capistrano Alberto, Emenirito “Ka Warly” Pinza, Romy “Ka Bfar” Candor, Alex “Ka Omar” Perdeguerra, Reynaldo “Ka Danny” Masinas, Christine “Ka Blue/Billy” Estocado at Cristopher “Ka Omar” Buton na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang buhay para sa sambayanan. Ang kanilang pagkasawi ay inspirasyon sa malawak na sambayanang nakikibaka sa kabila ng matinding terorismo ng reaksyunaryong estado.

Humarap ang rebolusyonaryong kilusan sa mga matitinding teror sa ilalim ng pamumuno ng isang berdugong rehimeng US-Duterte. Inilunsad ng NTF-ELCAC katuwang ang AFP-PNP-CAFGU ang walang-puknat na focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO) sa saklaw na erya ng CBC-NPA Laguna. Sa pagnanais ng rehimeng US-Duterte na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa probinsya ng Laguna, gumawa ito ng mga desperadong hakbangin. Naglaan ito ng malaking pondo upang bumili ng mga drone, helicopter at iba pang gamit-militar para gamitin sa kontra-insurhensyang sarbeylans habang lalong binusog ni Duterte ang mga matataas na opisyal ng AFP sa pamamagitan ng pangungurakot ng pondo para sa mga sapilitang pinasusuko ng mga sibilyan na pilit pinaaaming mga NPA. Sa bawat pekeng surrenderee na ipinaparada sa publiko ay ninanakawan ng mga opisyal ng AFP ng P62, 000 na pabuya. Bukod sa layunin na makapanghuthot ng limpak-limpak na pera, nais ipamukha ng teroristang rehimen na wala nang suporta ang mamamayan sa NPA at ipakitang totoo ang kanilang ilusyon na nauubos na ang NPA. Kaalinsabay ng malaking alokasyon ng pondo sa mga ahensyang militar ay ang tuluy-tuloy na kagutuman at pagpapabaya sa kalusugan ng mamamayan sa harap ng dinaranas na pandemya.

Ang mga operasyon ng AFP-PNP ang dahilan ng sapilitang paglikas ng mga magsasaka sa kanilang tahanan. Sila rin ang sumisira sa kabuhayan at tahimik na pamumuhay ng masa. Sila ang naghuhulog ng mga bomba, pumipigil na tumungo sa kanilang palayan, kaingin at kagubatan. Ang AFP-PNP rin ang pesteng sumisira sa kinabukasan ng mga kabataan. Sila ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga sindikato ng droga upang tuluy-tuloy na makapag-opereyt sa kalunsuran at kanayunan na nagresulta sa pagkalulong ng mga mamamayan. Sila rin ang protektor ng mga pasugalan lalo na ang e-sabong, ng gambling lord na si Atong Ang na sanhi ng mga krimen at pagkabaon sa utang ng mga masa. Ang mersenaryong AFP-PNP rin ang protektor ng mga anti-mamamayang proyekto sa probinsya tulad ng Ahunan Pumped-Storage Hydropower Plant, Windmill Farm sa Kalayaan at iba pang mga proyekto ng gubyerno. Sa kadahilanan na banta ang NPA sa mga burgesyang kumprador at mersenaryong pwersa na AFP-PNP-CAFGU, tuluy-tuloy ang paglulunsad ng operasyong militar sa mga baryo, upang ipagkait ang base sa NPA. Winawasak nito ang pagkakaisa ng mamamayan sa baryo sa pamamagitan ng paghahasik ng mga dudahan sa hanay ng mamamayan.

Sa kanilang desperasyon, pilit nilang ginagaya ang NPA upang linlangin ang mamamayan at sirain ang prestihiyo ng NPA. Pilit nitong sinisiraan ang NPA sa pamamagitan ng pamumuwerhisyo sa mamamayan. Kamakailan lamang, winasak ng mga nag-ooperasyong militar at pulis ang mga kubo ng masa, binubutas ang kanilang mga salak ( fish pond), ninanakaw ang kanilang alagang manok, inaagaw ang kanilang kagamitang panghanap-buhay at nagpapaputok kahit sa harap ng mga bata.

Subalit, anuman ang kanilang gawin hindi na nila malilinlang ang mamamayan. Sapul at malalim na nauunawaan ng mamamayan ang pagkakaiba ng NPA sa mersenaryong AFP, dahil sa disiplinang bakal nito na pagtupad sa Tatlong Pangunahing Alituntunin sa Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan ng NPA.

Sa kabila ng mga malaganap at matinding operasyon ng AFP-PNP-CAFGU, patuloy na nakapagpunyagi ang NPA at naipamalas ang kanyang lakas at pagiging makauri sa pamamagitan ng taktikal na opensiba na nailunsad nito. Hindi naging hadlang ang mga kalamidad at kahit ang pandemyang COVID-19 upang tumungo sa populadong lugar. Batid ng NPA na mas kailangan ng mamamayan ang pamumuno ng Partido at NPA sa panahon ng tumitinding krisis at ng pandemyang Covid-19. Maingat at malihim na isinasagawa ng NPA ang kanyang mga rebolusyonaryong gawain nito upang hindi maisapanganib ang kaligtasan ng masa. Nakapagbigay ng serbisyo sa hanay ng masa ang yunit ng CBC tulad ng mga serbisyong-medikal at nakapag-ayos ng mga problema ng masa na idinudulog sa NPA. Nakatuwang din ang NPA sa gawaing produksyon ng mga masa. Maraming mga kabataan na problemado sa blended-learning ang natuto dahil sa mga hukbo na nagsilbi nilang guro. Hindi nabitawan ng NPA ang kanilang pangunahing tungkulin na imulat at organisahin ang mamamayang pinagsasamantalahan sa kabila ng pagnanais ng AFP na itulak sa maraming labanan ang NPA upang pagurin, ilayo sa masa at pahinain ang diwang mapanlaban nito. Tuluy-tuloy din nilalabanan ng NPA ang ipinapalaganap na marahas, dekadente, pyudal at burges na kultura sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng proletaryong kultura at kaisipan. Inilalantad at pinabubulaanan ng NPA ang ipinakakalat na mga itim na propaganda at fake news ng rehimen laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Malalim nang nakaugat ang rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mamamayan. Pinalago at pinagyaman ito ng samu’t saring tagumpay na nakamit sa nakaraan limang dekada, na siyang naghinang sa bakal na ugnayan ng Hukbo at mamamayan. Talos ng mamamayan na “kung wala ang Hukbong Bayan , wala ni anuman ang mamamayan”. Patuloy na tinatamasa ng mamamayan ang mga tagumpay sa kanilang bukirin, panirikan at mga komunidad na hindi na mabubura ng iba’t ibang hibang na kontra-rebolusyonaryong pakana ng mga reaksyunaryong rehimen. Ang mga ito ang dahilan upang patuloy na tangkilikin at pakamahalin ng mamamayan ang NPA sa kabila ng matinding panunupil ng rehimeng US- Duterte habang kinamumuhian at itinuturing ng mamamayan na salot ang AFP-PNP, na pilit winawasak ang mga tagumpay na naipundar ng Hukbo at mamamayan.

Buong giting na haharapin ng NPA ang banta ng final push ng nahihibang at pasistang pangulo ng reaksyunaryong gobyerno sa pamamagitan ng mahigpit na pagtangan nito sa kanilang tungkulin. Hindi magpapasindak ang NPA. Mananatili itong alisto at hindi hahayaan na sirain ng rehimeng US-Duterte ang maniningning na tagumpay ng New People’s Army. Sa pagtatapos ng termino ni Duterte, mabibilang din siya sa mga nagdaang pangulong desperadong naghangad na durugin ang CPP-NPA ngunit sa huli’y mabibigo lamang. ###

Ipagdiwang ang ika-53 taong anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang sambayanang lumalaban!

Labanan at Biguin ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte! Tangkilikin at Pakamahalin ang New People's Army!