Labanan at biguin ang mga pandarayang gagawin ni Duterte sa eleksyong 2022! Wakasan ang impyunidad ng mga pagpatay at pandarambong ng pasistang rehimeng US-Duterte!
Nakatuon na ang atensyon ng pasistang rehimeng US-Duterte sa paghahanda para sa darating na halalan sa Mayo 2022. Tahasan at tuso nang nagmamaniobra ang paksyon ni Duterte na muling manalo sa eleksyon 2022. Hayagan at walang kahihiyan nilang sinisiraan ang kanilang mga karibal sa pulitika at aroganteng ibinandila na matatalo ulit ang mga ito. Kinudeta ng paksyon ni Duterte maging ang sarili niyang partido, ang PDP-Laban, upang magamit niya sa pananatili sa pwesto. Sinasagasaan at iniikutan pa ni Duterte ang ligal at konstitusyunal na mga usapin sa pagtakbo nito sa eleksyon 2022 bilang Bise Presidente sa pag-aakalang malulusutan niya ang nagawa niyang mga krimen sa bayan at mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay sa mga kasong nakasampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Sa kabila ng malawakang kagutuman at paghihirap na nararanasan ng sambayanang Pilipino, iba ang pinagkakaabalahan ng pasistang rehimeng US-Duterte. Patunay na pabaya at wala silang malasakit para sa kapakanan ng bayan. Hindi man lang sila nababahala sa bumibilis na pagsikad ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay sa Covid-19. Ang mahalaga sa kampo ni Duterte ay mabilis na maiporma ang kanilang makinarya bilang paghahanda sa eleksyon. Kasabay nito, ipinapatupad ni Duterte ang mga lihim na pagmamaniobra sa eleksyong 2022. Dapat tutulan at labanan ng mamamayang Pilipino ang lahat ng pakana ni Duterte para manatili sa poder.
Kamakailan, kaduda-dudang ipinagkaloob ng Commission on Elections (Comelec) ang kontrata sa pagdadala at pangangalaga ng mga kagamitang pang-eleksyon sa F2 Logistics, isang kumpanyang pinangangasiwaan ni Dennis Uy mula pa 2006. Si Uy ay isa sa malalapit na kroni at mayor na taga-pondo ni Duterte noong eleksyon 2016. Sa kabila ng maanomalyang proseso ng pagkakakuha ng F2 Logistics sa kontrata, dinepensahan ito ng Comelec at sinabing wala silang nakikitang paglabag sa pagdiskwalipika sa iba pang karibal ng F2 Logistics sa bidding. Walang kahihiyan nilang sinabi na hindi makakaapekto sa paglahok sa subasta ang identidad ng may-ari ng kumpanya.
Lalong inilalantad nito ang labis na bulnerabilidad sa pandaraya ng darating na halalan at ang imbing pakana ni Duterte na manatili sa kapangyarihan. Bukod sa nakuha na ni Dennis Uy ang P1.61 bilyong proyekto sa pagbili, pag-iimbak at paghatid ng mga vote-counting machines, external batteries at accessories, canvassing system machines at mga balota, nauna na niyang nabili ang kumpanyang TIM na kapartner ng Smartmatic sa awtomasyon ng eleksyon at de-kompyuter na pagbibilang ng mga boto.
Samantala, sa Pebrero 2022, nakatakdang bumaba sa pwesto ang chairman at dalawang komisyuner ng Comelec kaya magluluklok si Duterte ng mga bagong kapalit na tiyak magtataguyod sa kanyang interes sa darating na eleksyon 2022. Sa pangyayaring ito, lalabas na lahat ng mga Commissioners ng Comelec ay mga appointees ni Duterte bago pa man dumating ang eleksyong pampanguluhan sa Mayo 2022. Kaya naman, malakas ang loob na magyabang si Duterte na mauulit ang paglampaso sa mga kandidatong senador ng oposisyon sa ilalim ng tiket na “Otso-Diretso” sa nagdaang 2019 mid-term election.
Sa mga maniobrang ito ni Duterte, garapalan siyang nakikialam sa susunod na halalan para lamang patuloy na mangunyapit sa kapangyarihan at takasan ang kanyang mga krimen. Upang makamit ito, sasagasaan niya ang lahat kahit ang demokratikong karapatan ng mamamayan sa pagboto. Nakita na noong nakaraang eleksyong 2019 kung gaano katuso ang rehimen sa pandaraya. Lantaran ang pagluluto ng halalan para iluklok sa Senado at Kamara ang mga kasapakat ni Duterte tulad nina Ronald “Bato” dela Rosa, Christopher “Bong” Go at marami pang iba. Hanggang sa kasalukuyan, hindi naimbestigahan ang kaduda-dudang brown out habang nagbibilang ng boto at programadong bilang ng mga boto pabor sa mga manok ng administrasyon.
Marapat na maging mapagbantay ang mamamayang Pilipino sa darating na eleksyong 2022. Tiyak na gagawin ni Duterte ang lahat ng paraan para makapandaya kabilang ang manipulasyon sa resulta ng eleksyon sa Mayo 22 at makapaghari lagpas sa kanyang termino. Kailangang labanan ng sambayanan ang pagkakapit-tuko ni Duterte sa kapangyarihan at tutulan ang anumang iskema nito para sa pagmamaniobra sa darating na halalan.
Makatwiran ang pagbatikos ng ilang mga senador at progresibong kongresista sa paggawad ng Comelec sa F2 Logististics ng proyekto sa pagdadala ng mga kagamitang pang-eleksyon. Nararapat ang kanilang panawagan na imbestigahan ang proseso ng pagsubasta. Dapat ding itulak ang pagkansela sa kontrata ng F2 Logistics dahil sa mga anomalya.
Samantala ang P 5.024 Trilyon na budget na isinumite ng gubyernong Duterte sa Kongreso para sa taong 2022 ay walang kaduda-dudang gagamitin ng rehimeng Duterte sa darating na eleksyon. Kapansin-pansin ang labis na pagtaas ng pondo na nakalaan sa Opisina ng Presidente, DND, DILG, NTF-ELCAC, DPWH, TESDA at iba pang ahensya na may tuwirang kinalaman sa “kontra-insurhensya” ng gubyernong Duterte. Siguradong ang mga pondong inilaan sa naturang mga ahensya ng gubyerno ay gagamitin sa halalan para tiyakin na manalo si Duterte at ng kanyang mamanukin sa pagkapangulo. Sa kabilang banda labis naman ang ginawawang pagtapyas sa pondo na nakalaan para sa serbisyong panlipunan tulad ng pagbawas sa pondo ng DOH na pangunahing ahensya ng gubyerno sa paglaban sa Covid-19. Binawasan din ang pondo ng University of the Philippines (UP) na siyang may administratibong kontrol sa Philippine General Hospital at Philippine Genome Center. Ang dalawang ahensya sa ilalim ng UP ang nasa unahan ng paglaban ng bansa sa pandemya. Hindi rin nakaligtas ang DEPED at CHED sa mga binawasan ng pondo para sa taong 2022.
Higit na pinapatunayan ng maduming reaksyunaryong halalan kung gaano kabulok ang kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunang Pilipino. Kung tunay ngang malinis ang reaksyunaryong eleksyon, tiyak na hindi mananalo si Duterte at ang kanyang paksyon dahil kinasusuklaman sila ng bayan. Sangkot ang rehimen sa samu’t saring mga usapin mula sa mga kriminal na pananagutan na resulta ng pekeng gera laban sa droga at laban sa rebolusyonaryong kilusan, korapsyon, kapalpakan sa pagtugon sa pandemya, sibil-militar na hunta hanggang sa pagmamaniobra ng eleksyon. Itinutulak nito ang mamamayang Pilipino na sama-samang lumaban upang wakasan ang diktadura ni Duterte.
Kasabay nito, lalong tumitingkad ang pangangailangang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon bilang natatanging solusyon para ibagsak ang pahirap at naaagnas na sistema. Ganap na magiging demokratiko lamang ang pulitika sa bansa sa pagtatatag ng tunay na gubyernong bayan na nagsisilbi sa interes ng mamamayang Pilipino. Sa kanayunan, itinatayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga ganap na samahang masa kung saan inihahalal ng mamamayan ang kani-kanilang mga tunay na lingkod-bayan na galing sa kanilang hanay.
Hinog ang sitwasyon para sa paglakas ng rebolusyon. Kailangang maging masikhay sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos para tuluyang ihiwalay ang korap, taksil, inutil at diktador na si Duterte. Patuloy na bibigkisin ng NDFP ang lahat ng nakikibakang pwersa para ibagsak ang pasistang rehimen.###