Labanan at huwag hayaang bumalik ang madilim na nakaraan sa ating bansa

P

etsa 21 ng Setyembre – ito ang araw ng pagdeklara ng batas militar noong 1972, panahon ng diktadurang US-Marcos. Sa araw na ito tumindi ang pagkitil sa karapatang pantao at nangibabaw ang kapangyarihang militar. Naghari ang karahasan at pasismo ng estado sa loob ng 14 taon.

Maraming buhay ang napinsala. Lumaganap ang mga kaso ng pagpatay, pagdukot, iligal na pag-aresto, pagdetine sa mga aktibista at pinaghihinalaang mga rebelde o kanilang mga tagasuporta. Dagdag pa ang maramihang dislokasyon sa kabuhayan at paninirahan na bumiktima sa mahihirap na magsasaka sa kanayunan. Ang mga isinagawang malakihang operasyon at kampanyang militar laban sa rebolusyonaryong kilusan ay nagresulta sa maramihang pagbakwit dahil sa takot ng mga residente na mapagbintangang rebelde o tagasuporta.

Sa loob ng 14 taon, dinanas ng mamamayang Pilipino ang kalupitan ng diktadurang Marcos. Sinumang grupo o indibidwal na kumalaban sa kanyang pamamalakad ay ginamitan ng kamay na bakal para patahimikin at pasunurin sa kanyang kagustuhan. Walang pinipili – mahirap, mayaman, o taong simbahan man, basta’t kumakalaban sa diktador ay naging biktima ng karahasan at kalupitan. Hanggang sa kasalukuyan, walang nakamit na hustisya para sa mga biktima.

Ang mapait at madilim na karanasan sa ilalim ng isang diktadurang pamahalaan noon ay siyang nagtulak sa malawak na masa para magkaisa at lumaban upang ibagsak ang diktador. Taong 1986, nagwakas ang diktadurang pamahalaan dahil ibinagsak ito ng mamamayang Pilipinong naghahangad ng pagbabago sa ating lipunan sa pamamagitan ng pag-ipon-ipon ng milyong tao sa harap ng palasyo ng diktador. Dito napatunayan na gaano man kalakas at makapangyarihan ng isang diktador, kapag nagkakaisa ang mamamayan ay maibabagsak ito. Mahalaga ang naging papel ng Partido Komunista ng Pilipinas para gabayan at pagkaisahin ang mamamayang Pilipino sa pagpabagsak sa diktador.

Sa kasalukuyang panahon ni Duterte, bumabalik ang isang diktadurang pamamalakad at wala itong pagkakaiba noong panahon ni Marcos. Ang pagsupil sa mga karapatang tao, batas militar sa Mindanao, pag-aresto sa mga tambay, maramihang pagpatay sa mga sinasabing sangkot sa droga, pambobomba sa mga komunidad ng Moro at Lumad, at todo gera kontra sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayang lumalaban – lahat ng ito ay nangyari noong panahon ni Marcos. Marcos noon at Duterte ngayon: Hahayaan na lang ba nating bumalik ang madilim at mapait na karanasan? Hindi!

Kaya, nananawagan ang SBC-BHB-Albay sa lahat ng mamamayan – magsasaka, manggagawa, kabataan, propesyunal, taong simbahan, makabayang mga pulitiko, sundalo at pulis, at iba pang sektor sa lipunan na huwag nating hayaang umiral at bumalik ang isang diktadurang pamahalaan dahil magdudulot ito ng karahasan, pagdurusa, panunupil, kalupitan at sobrang kahirapan sa mamamayang Pilipino. Bagkus ay magsama-sama, magkaisa at magtulungan upang ibagsak ang isang diktadura, ang pasismo, tiranikong pamahalaan at itayo natin ang isang nararapat na pamahalaan na maglilingkod sa interes ng nakakarami sa ating lipunan.

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!
Ibagsak ang Rehimeng US-Duterte! Labanan ang batas militar!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan! Itayo ang pamahalaang maglilingkod sa nakakarami!

Labanan at huwag hayaang bumalik ang madilim na nakaraan sa ating bansa