Labanan at ilantad ang mala-SEMPO na atake ng 9th ID sa rehiyon — BHB-Bikol
Nagwawasiwas ng pasismo ang AFP at PNP sa rehiyon. Sa gitna ng ligalig sa mga baryong hindi pa nakaaaalpas mula sa krisis dulot ng Covid-19, ilinulunsad na ng 9th ID ang mala-Synchronized Enhanced Military and Police Operations (SEMPO). Mula Marso hanggang sa kasalukuyan, pabugso-bugso ngunit sunud-sunod at maramihan ang pinapaslang, dinadakip at ikinukulong ng militar sa iba’t ibang prubinsya ng Bikol.
Nitong Mayo 8, 5 a.m., minasaker ng pinagsamang pwersa ng militar at pulis ang limang magsasaka sa Brgy. Dolos, Bulan, Sorsogon. Tinaniman ng militar ng matataas na kalibre ng baril, mga magasin at bala ang mga pinaslang. Nakakandabuhol pa ang dila ni Capt. John Paul Belleza kung paano palilitawing lehitimo ang warrant at mga kasong nakahain sa mga pinaslang habang hinahambog ang insidente bilang tagumpay ng koordinado at masinsing plano ng militar at pulis. Ang katunayan, sa sentro ng baryo nakatira ang limang magsasaka, magkakalayo ang bahay at hindi mga Pulang mandirigma.
Noong gabi ng Mayo 3, dinakip si Apolinario Vergara ng Brgy. Del Carmen, Lupi, Camarines Sur. Pinagbugbog at ninakawan ng 31st IB ang 13 residente sa Brgy. Gabao, Irosin, Sorsogon noong Abril 16. Noong Abril 10, tatlo ang iligal na inaresto ng 2nd IB sa Aroroy, Masbate. Nanunog at sapilitang nagpalayas ng residente sa bahay ang militar sa parehong araw. Ito ang larawan ng patuloy na pagpapatupad ng MO 32 at EO 70 sa rehiyon, kung saan ginagamit ang mga search at arrest warrant bilang kasangkapan sa pagdakip at pagpaslang sa mga sibilyan.
Nananawagan ang RJC-BHB Bikol sa masang Bikolano na kundenahin at ilantad ang anumang kahalintulad na operasyong militar sa kani-kanilang mga baryo. Dapat kagyat na makapagplano ang mga yunit sa depensa sa sarili ng ma rebolusyonaryong samahang masa at organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga baryo kung paano lalabanan ang mala-SEMPO na atake ng rehimeng US-Duterte. Tulad ito ng pananalakay ng mga militar at pulis sa Negros at Samar, na kapwang saklaw din ng MO 32.
Dapat aktibong makipagtulungan ang mga yunit ng Pulang hukbo sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa, milisyang bayan at mga yunit sa depensa sa sarili upang makabuo ng masinsin at komprehensibong plano para sa pagdedepensa ng mga komunidad. Maging handa sa lalo pang matinding atake ng AFP at PNP, laluna sa panahong nakaamba ang pagdeklara ng rehimeng Duterte ng batas militar sa buong bansa.
Labanan ang mala-SEMPO na atake sa Kabikulan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Talingkas sa pagkaoripon!