Labanan sa Quezon kahapon, ika-3 nang paglabag sa ceasefire Panagutin ang AFP sa pag-atake sa NPA sa gitna ng kampanya laban sa Covid-19!
Sagad ang kawalanghiyaan ng AFP sa patuloy nitong paglabag sa sariling deklarasyon ng ceasefire at paglulunsad ng mga opensibang atake laban sa NPA na ipinapakita ng pinakahuling labanan sa pagitan ng 85th IBPA at isang yunit ng Apolonio Mendoza Command (AMC) sa Barangay White Cliff, San Narciso, Quezon nitong Abril 1. Nagbuwis ng buhay si Kasamang Argie “Ka Anghel” Casinillo sa nasabing labanan. Kasuklam-suklam din ang mga kasinungalingang ibinubuga ni Major General Arnulfo Marcelo Burgos, Jr ng mersenaryong 2nd ID ng Philippine Army upang pagtakpan ang kanilang pag-atake sa Pulang hukbo sa gitna ng ceasefire para sa pagharap sa Covid-19.
Naglulubid ng kasinungalingan ang AFP na tumutupad sila ng ‘Covid-related mission’ habang nasa kanayunan ng Quezon. Gasgas na kwento na ito ng AFP. Ang tunay nilang aktibidad ay pagtugis at pag-atake sa mga yunit ng NPA sa probinsya. Ginagamit lamang ng rehimeng Duterte ang isyu ng Covid-19 at unilateral ceasefire upang saksakin sa likod ng AFP-PNP ang mga rebolusyonaryong pwersa na nagsasagawa ng anti-COVID-19 na kampanya sa kanayunan. Tunay na hindi mapagkakatiwalaan kailanman ang rehimeng Duterte.
Sa bibig na mismo ni Burgos nanggaling na walang saysay ang deklarasyong tigil-putukan ng GRP. Aniya, hindi magdadalawang-isip ang 2nd ID na durugin ang anumang nakikita nilang panganib sa estado sa kahit aling panahon. Katumbas ito ng pagsasabing aatakehin nila ang NPA basta’t malaman nila kung nasaan ito, kahit na may nakadeklarang ceasefire ang parehong panig ng GRP at NDFP. Sobra ang kahayupan ng AFP-PNP sa harap ng pandaigdigang panawagan ng UN sa mga warring states na magpatupad ng tigil-putukan.
Sa kabila ng katusuhan ng mga militar, magiting na nilabanan ng hukbong bayan ang mga umatakeng kaaway sa loob ng dalawang oras. Matapos ang labanan, naghuramentado pa ang tropa ng 85th IBPA at walang tigil na nagpaputok hanggang ala-1 ng madaling araw, Abril 2 kahit wala nang kaharap na yunit ng NPA. Naghahasik ang 85th IBPA ng teror sa mga residente at nagdadagdag ng pasakit sa mga maralita sa erya na hirap na hirap nang humanap ng pagkain sa gitna ng ipinatutupad na lockdown ng rehimeng Duterte.
Walang-puso ang SOLCOM at 201st Brigade sa paglulunsad ng walang puknat na FMO sa kanayunan ng Quezon habang nagugutom ang mga magsasaka rito at hinaharap ng buong bayan ang panganib ng COVID-19. Tiyak na lalo nitong pagliliyabin ang galit ng mamamayan sa rehimeng Duterte na bukod sa pagiging inutil at pabaya sa pagharap sa COVID-19 ay sinasamantala pa ang sitwasyon upang isulong ang kanyang kontrarebolusyonaryong gera sa kapinsalaan ng mamamayan.
Dapat panagutin ang mersenaryong AFP-PNP sa walang habas nitong pagsasantabi sa ceasefire at pamiminsala sa kabuhayan at buhay ng mamamayan sa gitna ng krisis ng COVID-19. Nananawagan ang Melito Glor Command sa lahat ng pwersang nagmamalasakit sa mamamayan na tumindig at singilin ang AFP-PNP at rehimeng Duterte sa kataksilan nito. Maaari itong gawin sa anyo ng pagsasampa ng kaso sa Joint Monitoring Committee laban sa GRP at sa mga yunit at opisyal ng 2nd ID, 59th IBPA at 85th IBPA na sangkot sa mga pag-atake sa yunit ng NPA sa Rizal noong Marso 28, Gumaca, Quezon noong Marso 31, at sa San Narciso, Quezon noong Abril 1. Marapat ring ilantad at pagbayarin ang AFP-PNP sa mga paglabag nito sa karapatan ng mamamayang nakatira o malapit sa mga eryang pinaglabanan.
Nakahanda nang magsagawa ang yunit ng NPA ng kampanyang edukasyon at medikal sa masa hinggil sa pag-iwas sa Covid-19 nang patraydor na inatake ng 85th IBPA sa San Narciso. Hindi tulad ng mga pakitang-taong pagtulong ng AFP-PNP na pulos pagpapapogi lamang sa midya, ang programa ng NPA sa paglaban sa COVID-19 ay nakabatay sa pagmumulat at pagpapakilos sa masa upang organisado nilang mapigilan ang pagkalat ng virus sa kani-kanilang lugar. Ang ganitong mga pagsisikap ang sinasagkaan ng mga atake ng AFP-PNP, kaya tiyak rin ang kanilang pananagutan kung sakaling magkaroon ng outbreak ng COVID-19 sa kanayunan.
Ginagawa ng mga yunit ng NPA-ST ang lahat upang umiwas sa mga labanan bilang pakikiisa sa mamamayan ng buong daigdig sa harap ng COVID-19, ngunit sinasagad ng AFP at rehimen ang pagtitimpi ng mga kasama. Nakahanda ang NPA-ST na idepensa ang sarili at mamamayan sa lahat ng panahon. Habang nagsasagawa ng kampanya laban sa COVID-19 ay panghahawakan ng lahat ng yunit ng Melito Glor Command ang pinakamataas na alerto upang biguin ang mga pataksil na atake ng AFP. Darating din ang panahong na lilinisin ng mamamayan ang bayan ng salot na rehimeng Duterte at mersenaryong AFP-PNP na pahirap at dahilan ng pagdurusa ng bayan sa gitna ng krisis ng pampublikong kalusugan at pang-ekonomiya. ###