Lahat ng yunit ng MGC-NPA ST, ilunsad ang mga gawain at programa para sa relief at rehabilitasyon
Inaatasan ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog ang lahat ng yunit sa ilalim nito na maglunsad ng mga operasyong relief at rehabilitasyon sa kanilang nasasakupang erya upang tulungan ang apektadong mamamayan at mga biktima ng bagyong Tisoy.
Inaabisuhan ang lahat ng yunit sa rehiyon na tumulong sa muling pagtatayo ng mga nasirang bahay, kalsada, tulay at ibang imprastruktura at tumuwang sa pagsasaayos ng nasalantang kabuhayan ng mamamayan. Dapat nilang tulungan ang mga magsasaka na muling isaayos ang mga nawasak na sakahan at bumuo ng mga grupong suporta upang mangalap ng tulong mula sa mga alyado at kaibigan sa loob at labas ng bansa. Responsibilidad natin bilang bahagi ng rebolusyonaryong gubyerno na tiyakin na naaabot ng tulong at suporta ang lahat ng nasalanta at biktima ng bagyo sa rehiyon.
Higit pa rito’y dapat na tumuwang ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng mamamayan sa paggigiit ng kanilang mga karaingan at ipresyur ang reaksyunaryong gubyerno na magbigay ng subsidyo para sa kanilang mga pangangailangan upang makaahon at bigyan sila ng sapat na rekurso na gagamitin para sa rehabilitasyon. Dapat silang magprotesta laban sa pagpapabaya ng gubyerno at himukin ang local government units (lgu’s) sa mga apektadong lugar sa rehiyon na magdeklara ng ‘state of calamity’.
Sa ganitong kalagayan, tiyak na sasamantalahin ng reaksyunaryong gubyerno ang pagkakataon na maglunsad ng mga pampublikong palabas upang magpasikat sa taumbayan at nakawan ang kabang bayan imbes na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan. Tiyak na ang mga liblib at malalayong lugar ay mapapabayaan dahil sa korupsyon at kabulukan ng reaksyunaryong gubyerno. Dapat na ilantad at labanan ang mga opisyal ng reaksyunaryong gubyerno at militar na imbwelto sa korupsyon ng pondong nakalaan para sa mga biktima ng bagyong Tisoy.
Dapat na panagutin ang mga mapangwasak na operasyon ng malalaking lokal at dayuhang kumpanya sa pagmimina, mga plantation ng palm oil, iligal na pagtotroso at mga mapangwasak sa kalikasang renewable energy projects. Dapat silang singilin at parusahan sa pagwasak ng kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.
Kasabay nito, dapat maging mapagbantay at mataas ang alerto ng lahat ng yunit ng NPA sa Southern Tagalog upang biguin ang mga kontra-rebolusyonaryong plano ng mersenaryong AFP-PNP na atakehin ang mga programa sa relief at rehabilitasyon ng mga lokal na organo ng demokratikong gubyerno ng mamamayan. Dapat nilang maigting na labanan ang bawat focused military operation ng reaksyunaryong armadong hukbo na lumalabag sa mga batayang karapatang tao at lumiligalig sa kabuhayan ng mamamayan at kanilang mapayapang pamumuhay. Dapat na parusahan ng lahat ng yunit ng NPA ang mga pwersa ng estado na gumagamit ng kanilang armas laban sa mga nagpoprotesta at nagugutom na biktima ng bagyong Tisoy. ###