Lalabanan ng kilusang masa ang brutalidad ng teroristang AFP-PNP-CAFGU
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa sambayanang Pilipino sa pagkundena sa nagpapatuloy at lumalalang terorismo ng AFP-PNP-CAFGU laban sa mamamayan sa rehiyon at buong bansa. Matapos ang sunud-sunod na kaso ng mga maanomalyang operasyong pulis at militar na nagresulta sa sunud-sunod na pag-aresto, pagpaslang at masaker, mabilis na nagsulputan at lumaganap ang panawagang dapat maging mapagmatyag ang lahat laban sa brutalidad at pasismo ng mga elemento ng pulis at militar.
Sa rehiyon, tumampok ang pagkakahuli kina Ed Navalta, coordinator ng Camarines Sur People’s Organization First District, Sasah Sta. Rosa, Chairperson ng Jovenes-Anakbayan, Dan Balucio ng Secretary General ng BAYAN-Bikol at Justin Mesias, spokesperson ng YANAT-Bikol at ang iligal na pag-aresto kay Elwin Mangampo, mangingisda at pangulo ng LAMBAT-Bikol sa kanyang tahanan sa Pio, Duran, Albay, nitong Mayo 30. Anim na oras hinintay ng mga pulis si Manampo sa kanyang bahay bago tuluyang ipakita ang search warrant laban sa kanya at mahiwagang ilinabas ang mga baril na diumano’y nakatago rito.
Gasgas na ang paggamit ng mga search warrant sa pare-parehong estilo ng pag-aresto sa mga progresibong lider, hindi lang sa Bikol kundi sa iba pang bahagi ng bansa. Sa kabila ng mga megaphone at placard na karaniwang hawak ng mga lider-masa upang ipanawagan ang hinaing ng masang anakpawis, ipinipilit ang kanilang kaugnayan sa armadong kilusan sa pamamagitan ng halos hindi maubos na mga bala, baril, granada at iba pang kagamitang militar na itinatanim upang bigyang-ligalidad ang pag-aresto hanggang pamamaslang sa kanila.
Sa pagnanais ng AFP-PNP-CAFGU na maubos ang mga progresibong lider ng kilusang masa, lalo lamang nilang pinapaypayan ang apoy ng paglaban at pagdaluyong ng kilusan ng mga inaapi.
Ang mismong brutalidad na ito ng AFP-PNP-CAFGU at ng buong pasistang makinarya ng estado ang nagtutulak sa kapasyahan ng mamamayang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Sa bawat pinapaslang, inaaresto at dinarahas ng estado, higit na maraming progresibong indibidwal at lider-masa ang sumusulpot at namumulat.
Sa iba pang bahagi ng daigdig, kapugay-pugay ang lumalawak at lumalakas na panawagan ng mamamayang tanggalan ng pondo at disarmahan ang pulis. Mula sa pagpaslang kay George Floyd at iba pang Black American, walang pakundangang pambubomba sa Palestine hanggang sa pag-aresto sa mga progresibong lider ng Hong Kong at Myanmar, dumadagundong ang panawagan ng mamamayan para sa katarungan at pagpapanagot sa kani-kanilang mga reaksyunaryong gubyerno.
Pinagpupugayan ng NDF-Bikol at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang buhay na inisyatiba ng mamamayang magkaisa at tumindig para sa katarungan. Patuloy nilang ipinamamalas ang walang-kapagurang paglaban para sa kanilang mga karapatan. Ang kanilang determinasyon, kabilang ang masang Bikolano, iba’t ibang sektor, uri at nasyunalidad, ang pwersang tiyak na katatakutan ng AFP-PNP-CAFGU at ng iba pang pasistang estado. Sama-sama nilang titibagin ang mapang-api at mapagsamantalang sistema.
Palayain ang mga bilanggong pulitikal! Ilitaw ang mga dinukot na sibilyan!
AFP-PNP-CAFGU at ang buong pasistang makinarya ng estado ang tunay na terorista!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!