Lampas-ulo na ang galit ng masa sa killing machine na si Duterte at mga alagad nito
Lampas-ulo na ang galit ng masang Bikolano sa mamamatay-taong si Duterte at sampu ng kanyang utak-pulburang alagad. Wala siyang bukambibig kundi kill, kill, kill. Pagpasok ng Marso, muli na namang nanawagan ang buhong na si Duterte na padanakin ang dugo ng sinumang nangangahas na lumaban sa kanyang diktadura. Pinalakpakan at buong-lugod naman siyang tinalimaan ng kanyang mga alagad.
Ang killing machine na sina Duterte, ang NTF-ELCAC, RTF-ELCAC at ang kanilang masusugid na alagad hanggang sa mga lokal na yunit ng gubyerno ang tunay na teroristang dapat pagbayarin sa kanilang inutang na dugo. Persona non grata sila sa mata ng masa – silang mga taksil sa taumbayang pinangakuan nilang pagsilbihan. Sila ang dapat palayasin at hindi na dapat pahintulutang umapak man lamang sa mga baryo at komunidad. Sila ang tunay na kaaway ng mamamayan.
Ngayong taon, sa unang kwarto pa lamang ay mayroon nang naitalang 14 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon. Higit sa tatlong beses itong mas marami kaysa sa naitala sa parehong kwarto noong nakaraang taon. Mula nang maupo si Duterte, higit 140 na ang biktima ng masaker at pamamaslang sa rehiyon.
Sa kumpas ni Duterte, walang katapusan ang listahan ng mga operasyon at atake sa masa. Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) ng PNP, Retooled Community Support Program (RCSP) at Focused Military Operations (FMO) ng AFP, mga death squad – iba’t ibang pangalan na may iisang intensyon – patayin ang apoy ng paglaban at pugtuin ang hininga ng milyun-milyong mamamayan.
Tulad ng kanilang pasistang pangulo at ng mersenaryong hukbo, basa ng dugo ang kamay ng lahat ng mga pulitiko’t upisyal na walang habas na sumusuporta at nagtutulak sa huwad na gera kontra-droga at kontra-terorismo, bukal-sa-loob na lumalagda ng mga deklarasyong persona non grata, nagbibigay ng pondo at nagpapapasok ng mga militar at pulis sa baryo at nakikipagsabwatan sa kanilang mga operasyon. Sila rin ang kumalabit sa gatilyong pumatay kina Salvador Magas, Luzviminda Dayandante, Albert Orlina, Ronnie Villamor, Melandro Verzo, Aldren Enriquez at iba pang pinaslang at minasaker, yinurakan ang mga karapatan at pinagkaitan ng pagkakataong masilayan ang bukas.
Tandaan ng mga taksil na pulitkong hindi mag-aatubili ang mamamayang pagbayarin sila sa kanilang papel sa pagkamatay ng daan-daang Bikolano – magtapos man ang kanilang termino o kaya ay matalo man sila sa darating na eleksyon. Alalahanin nilang lilipas sa kasaysayan at mauupos ang sinasaligan nilang kapangyarihan ng kanilang among diktador ngunit magpapatuloy sa paglalagablab ang paglaban ng sambayanan.
Umaalingawngaw na “Laban, laban, laban!” ang tugon ng masa sa bawat atas ng pamamaslang at karahasan ng estado. Pagkakaisa, paghawak ng armas at pagrerebolusyon ang sandata ng sambayanang laban sa buong makinarya ng pasistang estado. Katuwang ang rebolusyonaryong kilusan, hindi sila titigil sa pagsulong hanggang mapabagsak ang rehimeng US-Duterte at tuluyang mawakasan ang sistemang nang-api at nagsamantala sa kanila. Aangkinin nila ang tunay na kalayaan at katarungan. At titiyakin nilang hindi na ito kailanman mababawi mula sa kanila.