Lansagin ang sabwatang Ayala-Yulo-Chipeco sa Sitio Buntog!
Nananawagan ngayon ang Kabataang Makabayan sa probinsya ng Laguna sa lahat ng kasapi at balangay nito na tahasang suportahan ang pakikibaka ng mamamayan ng Sitio Buntog sa Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna.
Ang sitio Buntog ay parsela ng lupa na may sukat ng hindi bababa sa 200 ektarya. Bahagi ito ng Hacienda Yulo, na may lawak ng 7,100 ha. at sumasaklaw sa bahagi ng mga bayan ng Calamba, Cabuyao, Santa Rosa, at Biñan. Makasaysayan ang sitiong ito dahil ito ang sentro ng lagpas isandaang taon ng pakikibaka.
Sa panahong ito, patuloy na ginigipit ng Ayala Land, Inc. at ng kasabwatan nitong San Cristobal Realty Development Corporation ang mga magsasaka sa sitio Buntog. Sa pamamagitan ng bayaran nitong Seraph Security Agency, naglulunsad sila ng sunod-sunod na serye ng pananakot at panggigipit sa mga magsasaka sa layuning mapalayas sila ng tuluyan sa kanilang mga produktibong sakahan at panirikan.
Sa kasalukuyan, binakuran ng mga goons ng Seraph ang ibabang bahagi ng Bangyas sa sitio Buntog at sinunog na ang mga bahay ng dalawang pamilya sa lugar. Ayon sa mga ulat ng residente, sinugod ng mga goons ang mga bahay ng magsasaka at kinaladkad sila palabas habang tinutukan sila ng mga matataas na kalibre ng baril.
Sa pinakamasahol na kaso, iniwan nila si Dottie Mangubat, isang magsasaka, sa loob ng bahay niya habang sinilaban ito at nagmamakaawa na hayaan sila na hakutin man lang ang bigas na inimbak nila. Mabuti na lamang at nakaligtas siya at nakatakas bago tuluyang masunog ang kaniyang bahay.
Patuloy pa rin ang pagbabakod sa mga residente ng Buntog. Mistulang hamletting na ang ginagawa ng mga goons ng Seraph Security — isang berdugong ahensya na kilala sa mga mersenaryong kasahulan nito laban sa mga magsasaka ng Timog Katagalugan. Bukod sa sitio Buntog, sangkot din ang Seraph sa mga kaso ng paninindak, pananakit, at krminalidad laban sa mga magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng Cavite at Rizal.
Hindi mapagkakaila na nagsasabwatan ang mga Ayala at mga Yulo sa sitio Buntog! Ayala Land ang namimilit na kumuha ng lupa ng Buntog at idagdag ito sa plano nitong gawing pook residensyal/eko-turismo ang malaking bahagi ng Canlubang bilang bahagi ng proyektong Nuvali nito. Noong Agosto 2020, sinunog din ng private army ng Ayala ang mga bahay sa sitio Matang Tubig na kanugnog lamang ng Buntog.
Habang naghahari-harian ang mga Ayala sa Buntog, gumagalaw naman pailalim ang mga Yulo. Matapos malugi at isara ng mga Yulo ang azucarera na namana nila sa imperyalistang US, pinagpatuloy nila ang mahigpit na paghawak nila sa lupa sa pamamagitan ng pagbuo ng mga hungkag na “real estate development” corporations at pagsali sa sabwatan sa Ayala Land, kung saan stockholder din ang mga Yulo, o kaya sa iba pang korporasyon.
Ginagamit ng parehong Yulo at Ayala ang mga lokal na dinastiyang pulitika upang masiguro na bumabaling ang batas sa kanilang panig. Hanggang ngayon, lampang tuta si Mayor Timmy Chipeco ng Calamba at ang kanyang ama na si Congressman Jun Chipeco. Tinalikuran nila ang panawagan ng mamamayan na imbestigahan at disarmahan ang Seraph Security sa kadahilanan na “private property” na ito.
Ngunit walang sabwatan ang kailanma’y makakapigil sa makatwrian at makauring pakikibaka ng magsasaka! Mismong ang mga mamamayan ng sitio Buntog ang makakapagpatunay na ang sama-samang pagkilos at pakikibaka ang tunay na mapagpasiya at may kakayahang gumuhit sa kasaysayan. Nakaukit na sa kasaysayan ang dakilang pakikibaka ng mga residente mula noong 1959 hanggang sa kasalukuyan.
Ngayon ang panahon upang isulat ang panibagong yugto sa kasaysayan ng pakikibaka ng masang magsasaka ng sitio Buntog! Hamon ngayon sa lahat ng kabataan-estudyante, laluna sa mga kasapi ng Kabataang Makabayan, na tumuwang sa kanilang laban sa lahat ng pamamaraan. Tumungo sa sitio Buntog kasama ang lahat ng rebolusyonaryong sektor, at tumuwang sa kanilang dakilang pakikibaka!
Gamitin natin ang ating militansya at diwang mapanlaban upang mangahas na mapalayas ang Seraph Security, at ang magkasabwatan na Ayala at Yulo. Ilantad ang katangian ni Timmy Chipeco bilang ahente ng mga Ayala sa loob ng gobyerno. Hamigin ang publiko tungo sa wastong pagsusuri at wastong pamamaraan ng pagsuporta at pakikibaka kasama ang mga magsasaka.
Iangat palagi ang diskurso tungo sa usapin ng pyudalismo sa Pilipinas. Maglunsad ng pana-panahong pag-aaral ng Espesyal na Kursong Masa at Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa. Intindihin natin na ang digmaan ng magsasaka ay digmaan para sa kanilang kabuhayan at para sa paglalagot ng isa sa tatlong salot ng lipunang Pilipino.
Higit sa lahat, isapuso natin na ang diwa ng pakikibaka ng mga magsasaka ay hindi matatapos sa pagpapalayas lamang ng mga berdugo. Hangga’t nananatili ang pyudal na paghahari ng mga panginoong maylupa at ng mga kasabwatan nitog mga burgesya komprador at kapitalista sa burukrasya, magpapatuloy din ang paglaban ng sambayanang Pilipino.
Kasaysayan mismo ang magpapatunay na tanging armadong rebolusyon lamang ang magpapalaya sa mga magsasaka. Ang tunay na hamon para sa mga kabataan-estudyante, laluna ang mga sentrong lungsod, ay tumungo sa kanayunan, aralin ang kanilang pamumuhay, at maglingkod sa kanila sa pamamagitan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan.
Ang laban ng sitio Buntog ay hindi natatapos sa pagtayo muli ng mga bahay o pagpapalayas ng mga bayarang goons. Matatapos ito sa huling tagumpay ng demokrationg rebolusyon ng bayan at pagbahagi ng lupa sa mga magsasaka.
Mabuhay ang mamamayan ng Sitio Buntog!
Kabataan, paglingkuran ang sambayanan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!