Lantaran ang malaking kasinungalingan sa scripted na kwento ni Bikoy
Malinaw pa sa sikat ng araw na panloloko sa sambayanang Pilipino ang hinabing kwento ng Malakanyang na ‘Oust Duterte Matrix’. Mula nang inilabas ni Bikoy “Ang Tunay na Narcolist Video” sa internet na naglantad sa pagiging utak ng pamilyang Duterte sa sindikato ng iligal na droga, nagwawala na ang Malakanyang sa pagpapakulo ng diumano’y Oust Duterte Plot na kinasasangkutan ng dilaw ng oposisyon, mga personahe sa masmidya, simbahan at mga progresibo.
Kaduda-duda ang biglang paglantad ni Peter Joemel Advincula sa publiko na nagpakilala na siya si Bikoy. Kaduda-duda rin kung si Advincula ang tunay na alyas Bikoy na nasa bidyo ng “Ang Tunay na Narcolist.” Lalong higit na kaduda-duda ang biglang pagbaligtad ng kanyang kwento na tuwirang nagsangkot sa anti-Duterteng oposisyon na siyang utak sa “Ang Tunay na Narcolist Video.” Sa kabila ng patung-patong na mga kasong estafa, swindling at samu’t saring kriminal na rekord, pinagmistula ng PNP at Malakanyang na mapagkakatiwalaan ang mga salaysay nito upang ipitin at gipitin ang anti-Duterteng oposisyon at gawing kapani-paniwala ang inimbentong “Oust Duterte Plot” ng mga eksperto sa saywar ng rehimen .
Sistematikong minanipula ng mga eksperto sa saywar ng rehimen ang hinabing anti-Duterte propaganda ni ‘alyas’ Bikoy. Pinagmukhang biktima at kawawa ang pamilyang Duterte sa mga pambabatikos ng mga kritko nito. Garapal na ginamit ito sa panahon ng kampanyahan upang umakit ng simpatiya at boto ang Hugpong ng mga Ulupong ni Sara Duterte sa mamamayan. Dahil pawang gawa-gawa ng mga eksperto sa saywar ng rehimen, buong kayabangan pinabulaanan ng Malakanayang ang nasabing “tunay na narcolist” sa naturang matrix.
Nang matiyak ng Palasyo na ang mga kroni at alyado ni Duterte ang mayorya sa lumabas na resulta ng hinukos pukos na eleksyon, biglang kumambyo si ‘alyas’ Bikoy at itinuro ang oposisyon bilang mga nagbalak at nagsagawa ng bidyo. Tulad ng inaasahan ng publiko, lahat ng daliri ni ‘alyas’ Bikoy ay nakaturo sa mga kritiko ng rehimen.
Batay sa iskrip, lumantad si ‘alyas’ Bikoy dahil sa “usaping pangkaligtasan” at takot sa gawa-gawa niyang kwento. Walang kagatol-gatol at kampanteng naghayag si ‘alyas’ Bikoy ng “buong katotohanan” kung saan isinangkot niya ang kritikong si Trillanes, mga kandidato ng Otso Deretso at mga taong simbahan na nagplano ng video at idinamay pa ang ilang kilalang unibersidad na paglulunsaran ng umanong pakanang pagpapabagsak kay Duterte.
Kitang-kita na inimbento ni Duterte ang Oust Duterte Matrix para isangkot ang mga progresibong at militanteng organisasyon at kritiko ng rehimen at gawing mga lehitimong target ng panunupil at karahasan. Ginawa rin ito ni Duterte bilang panimula sa pagtantya kung kaya nitong bilugin ang utak ng sambayanan.
Ang tunay na layunin sa likod ng mga pasistang propagandista ng rehimen at ni Duterte ay lumikha ng klima ng pag-iral ng isang national emergency at ng kagyat at tunay na banta sa kaligtasan ng bansa mula sa mga diumanong nagpapakanang ibagsak si Duterte para bigyan ng matwid at ilatag pakanang pambansang crackdown laban sa demokratikong oposisyon—at sa dulo’y bigyan ng katwiran ang pagpapataw ng Martial Law sa buong bansa.
Ang paglutang ni alyas Bikoy ay isang sting operation—isang maingat na plinanong operasyon upang linlangin at bitagin ang dilaw na oposisyon at taumbayan na paniwalaan ang inimbentong “Oust Duterte Plot” ng Malakanyang at mga eksperto sa saywar ng AFP. Inilalatag nito ang kalagayan para sa pagpapaigting ng pagsupil at pag-atake sa buong hanay ng anti-Duterteng oposisyon subalit nakatutok ang talim sa demokratiko at progresibong oposisyon at mamamayan.
Sa kabilang banda, lumalawak ang hanay ng mamamayan na humihiling na patalsikin sa kapangyarihan ang pasista at tiranikong pangkating rehimeng US-Duterte. Ang kagustuhang ito ay nagmula mismo sa mamamayang disgustado na sa kasalukuyang sistema at muhing-muhi sa pasismo ng estado. Nais nilang tutulan ang pagtatayo ng pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Sinisingil na si Duterte ng bayan sa kanyang krimen sa sangkatauhan, pagtataksil sa pamamagitan ng pagbebenta ng soberenya at patrimonya ng bansa sa bansang Tsina at tuluyang pagpapakatuta sa imperyalistang US.
Nanawagan ang MGC NPA-ST sa lahat ng makabayan, progresibo, militanteng organisasyon at mga indibiwal sa hanay ng demokratikong uri at sektor ng lipunan na mahigpit na magkaisa para labanan ang imbing pakanang itayo ang isang pasista at tiranikong paghahari ni Duterte sa bansa. Patuloy nilang isulong ang mga kampanya para pabagsakin si Duterte. Bukas ang mga larangan ng MGC NPA-ST para sa mga makabayan at progresibong mamamayan na nagnanais itaguyod ang pambansa demokratikong rebolusyon at lumahok sa matagalang digmang bayan hanggang sa tuluyang maibagsak ang pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte at buong mapang-api at mapagsamantalang sistema sa Pilipinas. ###