Laos na ang propaganda ng NTF-ELCAC at AFP-PNP laban sa rebolusyonaryong kilusan
Lalo lamang nalulubog sa kahihiyan ang AFP-PNP at NTF-ELCAC sa pagbubuga ng mga pekeng balita at laos na itim na propaganda laban sa rebolusyonaryong kilusan. Pinakahuli rito ang pagyayabang ng 2nd ID na nawasak nila ang tatlong larangang gerilya ng NPA sa CALABARZON at ang pagsuko ng diumano’y 75 NPA na iprinesinta pa ng PNP sa midya. Ang bawat pahayag ng AFP-PNP laban sa CPP-NPA ay pagtatakip sa kabiguan ng rehimen na lupigin ang rebolusyonaryong paglaban sa buong bansa.
Katawa-tawa ang mga heneral at opisyal sa komunikasyon ng militar na mistulang nagdideliryo sa paghahabi ng mga gawa-gawang kwento at paninira sa rebolusyonaryong kilusan. Lumang tugtugin na ang modus ng peke at sapilitang pagpapasuko ng mga karaniwang sibilyang kaakibat ng panloloko at pananakot. Kunwa’y bibigyan ng ayuda, yun pala’y lilitratuhan at tatatakang NPA.
Desperado ang AFP na pagmukhaing mahina ang NPA kaya’t sinasabi nitong wasak na ang tatlong larangang gerilya sa rehiyon. Inilabas nila ito para tabunan ang matutunog na opensibang inilunsad ng NPA-ST ngayong Enero. Ito ang totoong mga balita na inaabangan at ipinagbubunyi ng mamamayan: ambus ng NPA Quezon laban sa dalawang hummer truck ng 85th IB noong Enero 23, pamamaril sa Black Hawk helicopter ng NPA Mindoro noong Enero 9 at magkasunod na ambus at haras riple ng NPA Rizal laban sa 80th IB at PNP noong Enero 4.
Nagkukumahog ang AFP-PNP na ikubli ang mga tunay na balita at palitawin ang mga pekeng suko at pagkadurog umano ng NPA. Bilyong piso ang inilagak sa programang pagpapasuko na ginagawa lamang gatasan ng mga opisyal ng AFP-PNP. Samantala, sistematikong binubuhusan ng pondo ng NTF-ELCAC ang makinarya nito sa propaganda at mass media para sa pag-imbento at pagpapalaganap ng mga pekeng balita, kasinungalingan at disimpormasyon para siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Nagtayo at patuloy nilang pinararami ang troll army sa social media para bombahin ito ng mga peke at minanipulang mga balita.
Nagsisilbi ang mga fake news at paninira sa rebolusyonaryong kilusan sa pangkalahatang layunin ng rehimen na supilin ang demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Nais ng NTF-ELCAC na lasunin ang utak ng taumbayan at isubo sa kanila ang hibang na akusasyong “terorista” at talunan ang CPP-NPA. Nagpapakalat ito ng disimpormasyon upang unti-unting ipatanggap sa mamamayan ang pasismo at pigilan ang kanilang paglaban.
Hindi na uubra ang ganitong taktika. Mamamayan na ang mismong umaayaw sa sinungaling at pasistang rehimen. Nagpapatuloy ang pagkwestyon sa katumpakan ng mga pahayag at ulat ng rehimeng Duterte. Napakaraming natuwa nang ipasara ng Facebook ang 100 troll account ng AFP-PNP. Imbes na mga pekeng balita, ang kinasasabikan ngayon ay mga kwento ng matatagumpay na pakikibakang masa para sa karapatan at kabuhayan. Ipinalalaganap din ang mga ulat ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng NPA. Pinapawi ng magandang balita ng ibayong pagsulong ng rebolusyon ang lahat ng kasinungalingan at kahibangan ng rehimen.###