Lapastangan sa buhay, lapastangan maging sa mga namatay ang AFP at si Duterte
Read in: English
Ang paglapastangan sa nalibing na mga labi ni Justine Bautista ng mga elemento ng 5″ ID ay hindi katanggap-tanggap. Paglabag ito sa Comprehensive Agreement on Human Rights and International Humanitarian Law o CARHRIHL. Ito ay isang kasunduan alinsunod sa pagkilala sa mga karapatan ng tao sa buong mundo kahit sa panahon ng armadong labanan o digmaan. Ang pagkakaiba sa ideolohiya sa pulitika ay hindi nagbibigay sa pamahalaan ng otoridad para labagin ang mga labi o bangkay ng isang rebolusyunaryo, NPA man ito o hindi. Kahambugan ng mga nakaunipormeng militar at pulis ang ginawa nilang paghukay sa naturang bangkay na itinuro sa kanila ng kanilang asset o aso, nang hindi man lang nagpapaalam sa mga kamag-anak ng namatay. Anong uri ng mga taong walang-dangal ang namumuno sa NTF-ELCAC, na uutusan nila ang kanilang mga tauhan upang labagin ang kinikilalang kaugalian ng mga mamamayan ng Cagayan Valley hinggil sa pagrespeto sa labi ng mga yumao, rebolusyunaryo man ito o hindi. Kahit sa gitna ng digmaan ay may mga batas na sinusunod. Ito ang mga batas na naghihiwalay sa tao sa mga mas mababang nilalang ng hayop.
Pinili ng mga kapwa rebolusyunaryong magulang ni Justine na ilibing siya sa lugar malapit sa masang kanyang pinaglingkuran at pinag-alayan ng kanyang kabataan. Pinapaalala namin sa 5″ ID at sa NTF-ELCAC, bago nila gamitin sa kanilang mga kasinungalingan ang bangkay ni Justine Bautista, na ang kanyang kamatayan ay resulta ng isang armadong tunggalian. Armadong tunggalian sa pagitan ng AFP na sundalo ng mga mayayamang negosyate at may-ari ng lupa at ng mga katulad ni Justine na mga rebolusyunaryong hukbo ng mga mahihirap na magsasaka at pambansang minorya. Ang bala na kumitil sa buhay ng kabataang rebolusyunaryong ay nagmula sa isa sa mga ahente ng AFP. Isang katotohanan na hindi maaaring maitago kahit pa ng mga pinaglubid na mga kasinungalingan ni Ivy Lyn Corpin. Si Ivy Lyn Corpin ay isang surenderee. Isang na siyang bayarang asset na walang pinagsisilbihan kundi ang interes ng mga nasa poder ng kapangyarihan. Nais ni Corpin ng masarap na buhay at pinagkakakitaan nito ang paglapastangan sa bangkay ni Justine Bautista pati na ang diumano’y istorya ng buhay ng isang nasawing dating niyang kasama. Nagpapagamit si Corpin sa NTF-ELCAC bilang parrot, at ginagamit nito ang mga labi ni Justine upang ipahamak ang ligal at demokratikong mga organisasyon ng mga kabataan at estudyante dito sa Cagayan Valley. Mga duwag lamang ang magbabaling ng kanilang mga armas at gagamitin ang lakas ng estado laban sa mga kabataang sibilyan, hindi naman armado o mga NPA. Talas ng pag-iisip at laway lamang ang pinaghahawakan ng mga kabataan ito. Mas mabuti pang subukan ng mga nasa NTF-ELCAC na mga heneral at iba pang mga unipormadong personel ng estado na tularan ang mga kabataan ito, gamitin ang kanilang talas ng isip at mga dila upang unawain ang tunay na ugat ng kahirapan sa ating bayan nang matapos na ang lampas limang dekada ng rebolusyonaryong paglaban ng mamamamayan.
Ang korapsyon at kalupitan ng rehimen ni Duterte na ipinamamalas sa katauhan ng AFP at ng PNP ay walang hangganan. Patunay nito ang labing-anim (16) na EJK sa Cagayan Valley na magpahanggang sa ngayon ay wala pang kalutasan. Lahat ng mga mga biktima ng EJK kundi magsasaka ay mga taong nagsulong ng karapatan sa lupa ng mga magsasaka at katutubong mamamayan. Isa na dito si Randy Malayao na brutal na pinatay sa kabila ng aktibo niyang paglahok sa usapang pangkapayanaan. Ganap na walang paggalang sa karapatan sa buhay ang rehimen ni Duterte at instrumento nito ang 5″ ID. Ang 5″ ID ay katulad na katulad ng commander-in-chief nito na walang palya sa paglabag sa karapatan sa buhay maging ng mga patay.
Kaya’t magpunyagi tayo sa pagtatanggol ng karapatan sa buhay ng ating mga kaanak, kaibigan at mga kapitbahay. Wakasan natin ang malupit at korap na pasistang paghahari ng rehimen ni Duterte. Tutulan natin ang pagbebenta ng ating mga lupain, ginto, pilak at blacksand sa mga dayuhang negosyo na walang pakialam sa magiging epekto sa kalikasan at kabuhayan ng ating mga mamamamayan. Tutulan natin ang pagnenegosyo nila sa ating kalusugan sa gitna ng pandemya ng COVID-19.
Tayo ang mga mamamayan. Huwag tayong magsawalang-kibo o magpapigil sa takot. Magkaisa tayo, manindigan at lumaban sa lahat ng posibleng paraan. Itayo natin ang sistema ng lipunang hindi kinakandili ng dayuhan, may karapatan sa kabuhayan, kalusugan, kalikasan, kakanyahan at paniniwala.
Labanan ang pasistang paghahari ng rehimen ni Duterte!
Biguin ang diktadura!
Makibaka para sa tunay na demokrasya at pambansang kalayan!